
Laging Nakikipagkompetensya ang Ginang na Ito sa Kaaway, May Mapatunayan Naman Kaya Siya Rito?
“O, Agnes, hindi ko alam na mahilig ka ring palang magpunta sa mga ganitong klaseng pagpupulong. Anong sadya mo rito?” wika ni Jesie sa maigting na kaaway, isang gabi nang makasalubong niya ito sa isang lugar na malimit niyang puntahan.
“Oo naman, Jesie, wala na kasi akong makapaglagyan ng pera ko, eh. Kaya nagpupunta ako sa mga ganitong klaseng pagpupulong para bumili ng mga bagay na hindi ko naman kailangan,” patawa-tawa nitong sambit na talaga nga namang nagpakulo ng dugo niya.
“Kahit kailan talaga, napakayabang mo, ano?” nakangisi niyang tanong dito.
“Hindi naman ako sa nagmamayabang, nagsasabi lang naman ako ng totoo dahil tinanong mo ako. Nasasaiyo na lang iyon kung paano mo iintindihin ang sinabi ko. Tandaan mo, sa tainga ng inggitera, lahat nagyayabang,” bulong nito sa kaniya na lalo niyang ikinainis.
“Baka magulat ka sa presyong ibibigay ko sa ibebentang bagay ngayong gabi. Papatunayan ko sa’yong hindi ako kailanman naging inggitera dahil halos itapon ko na lang sa basurahan ang mga pera ko,” paghahamon niya rito saka tiningnan mula ulo hanggang paa ang naturang ginang.
“Tingnan na lang natin kung sino ang makakapag-uwi ng bagay na iyon,” hamon din nito saka siya tinalikuran.
Hilig ng ginang na si Jesie na magpunta sa isang lugar kung saan tampok ang mga natatanging bagay sa buong mundo. Sa lugar na ito, binebenta ng mga tao mula sa iba’t ibang sulok ng mundo ang mga pinakaiingatan nilang bagay. Maaaring anting-anting, rebulto, litrato ng sinaunang tao, bag na gawa sa balat ng oso, at marami pang antigong bagay na ang mga mamimili ang nagpapataasan ng presyo at kung sino ang may pinakamataas na binigay na presyo, sa kaniya maibibigay ang naturang bagay.
Ang pagpupulong na ito ay karaniwang dinadaluhan ng mga mayayamang taong mahilig sa kasaysayan at dahil nga may hilig din siya rito, sa tuwing wala siyang ginagawa, siya’y pumunta rito kahit na siya’y mag-isa lamang.
Hindi naman talaga siya bumibili rito, nakikiisyoso at nais niya lamang makita ang mga bagay na binebenta rito dahil madalas, milyon-milyon ang inaabot ng isang antigong bagay. Kahit na siya’y mahilig sa kasaysayan, hindi niya makita ang rason para bumili siya ng isang bagay na napakamahal.
Ngunit nang araw na ‘yon, tila napasubo siya nang makita niya ang maigting niyang kaaway. Nakaaway niya ito simula nang sila’y nasa kolehiyo pa lang nang talunin siya nito sa isang patimpalak sa pagandahan hanggang ngayong may kaniya-kaniya na silang pamilya, lalong umigting ang kumpetensya sa pagitan nilang dalawa.
Kaya naman, nang magsimula na ang pataasan ng presyo, agad siyang sumigaw, “Limang daang libo, para sa baul na ‘yan!” at nagpalakpakan ang mga tao roon.
“Isang milyon!” sigaw ng kaniyang kaaway dahilan para siya’y mapalunok na.
At dahil nga ayaw niyang magpaawat, muli niyang hinigitan ang presyo. Tinaasan naman lalo ng kaniyang kaaway ang presyo hanggang sa umabot na ito ng limang milyong piso.
“O, sige na, sa kaniya na ‘yang baul na ‘yan!” sigaw ng kaniyang kaaway saka pinangunahan ang palakpakan dahilan para labis siyang magulat. “Limang milyon? Para sa baul na ‘yan?” kamot-ulo niyang tanong sa sarili.
Agad na siyang nilapitan ng nagbebentang babae at siya’y dinala sa isang pribadong silid para sila’y magkabayaran na.
Ngunit dahil nga wala naman talaga siyang gaanong kalaking pera, nakatungo lang siya sa harap ng babaeng ito naghihintay ng bayad niya.
“Kailan mo ba ako babayaran, ma’am?” naiinis na nitong tanong.
“Pa-pasensya ka na, wala talaga akong gan’yang kalaking pera,” wika niya na labis nitong ikinagalit dahilan para ipahiya siya nito sa harap ng mga mayayamang taong naroon.
Pinagbubulungan na siya ng mga ito dahilan para agad-agad na siyang lumabas sa bulwagang iyon.
“Sa tingin ko, ikaw ang mayabang, Jesie, wala ka namang madudukot, panay pasikat ka. Tanggapin mo na lang kasing hindi mo ako mahihigitan kahit kailan. Nakakahiya ka pa tuloy,” sambit ng kaniyang kaaway nang makasabay niya ito palabas na lalo niyang ikinahiya.
Umingay sa social media ang pangyayaring iyon na lalo niyang ikinahiya kaya naman simula noon, hindi na siya muling bumalik sa bulwagang iyon.
Tinanggap niya na rin kahit paunti-unti na kahit anong gawin niya, hindi siya maaaring mabuhay habang buhay na mapagpanggap.
Tahimik na lamang siyang mabuhay simula noon at labis na iniiwasang muling magkrus ang landas nila ng kaniyang kaaway.
“Kapag muli kaming nagkita, ako na lang ang iiwas para wala nang gulo,” pangako niya sa sarili, isang araw nang mabalitaan niyang ito ang sumambot sa baul na hindi niya nabili.