Inday TrendingInday Trending
Tinulungan Niya ang Isang Matandang Hindi Marunong Magbasa; Ito ang Naging Kabayaran Nito sa Tulong Niya

Tinulungan Niya ang Isang Matandang Hindi Marunong Magbasa; Ito ang Naging Kabayaran Nito sa Tulong Niya

Kahit malamig sa loob ng bangko ay pawisan si Lorie. Habang hinihintay niyang matawag ang numero niya ay pipi siyang nagdarasal na sana ay makautang siya sa bangko.

Kung hindi siya papautangin ng bangko ay hindi niya alam kung saang kamay ng Diyos niya kukunin ang pang-matrikula ng kapatid niya.

Maya-maya ay hindi niya mapigilang mapansin ang matandang babae na katabi niya. Kagaya niya kasi ay hindi rin ito mapakali. Maya’t maya ang pagsulyap nito sa pinto na para bang may hinihintay ito. Hawak-hawak nito ang papel mula sa bangko na hindi pa nasusulatan.

Nang hindi siya makatiis ay bumaling siya rito upang mag-usisa.

“‘Nay, may problema ho ba?” nakangiting tanong niya sa matanda.

“‘Yung pamangkin ko kasi, nagpaalam na lalabas lang para sagutin ‘yung cellphone niya, pero hindi pa bumabalik. Baka matawag na ang numero ko, hindi ko pa nasusulatan ito,” sagot nito bago itinaas sa ere ang hawak-hawak na papel.

“Kailangan niyo po ba ng tulong?” muli ay tanong niya.

Tila nag-isip ang matanda bago sumagot. Lumingon pa ito sa pintuan ng bangko at nang hindi nito makita ang pamangkin ay saka ito nagsalita.

“Oo sana, hija. Kukuha sana ako ng pera, ang kaso ay hindi naman ako marunong sumulat at magbasa, kaya hindi ko alam kung paano susulatan ito,” nahihiyang pag-amin ng matanda.

Agad niyang kinuha ang papel at panulat mula rito.

“Wala pong problema. Ako na po ang magsusulat para sa inyo,” aniya sa matanda na noon ay tila nakahinga nang maluwag.

“Salamat, hija. Nakakahiya kasi kung malalaman pa ng buong bangko na hindi ako nakakasulat o nakakabasa,” komento nito habang sinusulatan niya ang papel.

Nginitian niya ang matanda. “Wala hong nakakahiya doon. Ang mahalaga lang ho ay wala tayong tinatapakang tao,” sagot niya, kaya matamis din itong napangiti.

Sa pagkukwentuhan nila ay nalaman niya na kukuha pala ng pera ang matanda mula sa ipon nito sa bangko.

“Noong una ay ayaw ko na sanang ilagay sa bangko ang perang naipon ko, kasi nga mahirap na pupunta-punta pa ako rito. Ang kaso ay sayang daw, kasi tutubo ang pera sa bangko,” paliwanag pa nito.

Sumang-ayon naman si Lorie sa sinabi ng matanda.

“Ikaw ba, hija? Bakit ka narito?” maya-maya ay usisa niya.

“Mangungutang ho sana ako. Para sa matrikula ng kapatid kong nasa kolehiyo,” aniya. Naikwento niya na rin sa matanda na wala na talaga siyang ibang malapitan.

“Sana ay makautang ka, hija. Para naman makatulong sa kapatid mo,” tumatango-tangong wika nito.

Ilang sandali pa silang nagkwentuhan bago niya narinig na tinawag ang pangalan niya.

“Ako na ho. Mauna na ho ako, ha?” nakangiting paalam niya sa matanda.

Nang lumapit siya sa empleyado ng bangko ay agad niyang sinabi ang kaniyang pakay bago inabot dito ang ilang dokumento.

Ilang sandali itong humarap sa computer bago malungkot na bumaling sa kaniya.

“Ma’am, pasensya na po, hindi po naaprubahan,” pagbabalita nito.

Bumagsak ang balikat niya. Paano na ang matrikula ng kapatid niya?

Malungkot na nilingon niya ang matanda na noon ay nakatingin din sa kaniya. Base sa ekspresyon nito ay tila nahulaan nito na hindi siya nakakuha ng pera.

Paalis na sana siya nang pigilan siya ng matanda.

“Hija, pwede bang hintayin mo ako kahit sandali na lang? Baka kasi kailanganin ko ulit ng tulong mo,” pakiusap ng matanda.

Dahil wala naman siyang pupuntahan ay pumayag siya. Tinawag din naman ang numero ng matanda at ilang sandali lang ay kausap na nito ang empleyado ng bangko.

Matiyaga siyang naghintay.

Nang lumapit ang matanda sa kaniya ay may malaki itong ngiti sa labi.

“Hija, maraming salamat sa tulong mo ha. Heto, sana makatulong sa kapatid mo,” pahayag nito bago inabot sa kaniya ang isang sobre na may lamang pera.

Nanlaki ang mata niya at awtomatikong tumanggi.

“Naku, hindi po, hindi na po kailangan!” marahas na pagtanggi niya.

Kinuha nito ang kamay niya at inipit doon ang sobre.

“Sige na. Sinabi mo kanina, wala ka nang ibang malapitan, hindi ba? Hayaan mo na, pasasalamat ko na rin sa’yo sa pagiging mabait mo at pagtulong mo sa’kin,” litanya ng matanda.

Umiling siya. “Nakakahiya naman po. Wala naman po dapat kapalit ang pagtulong…”

Nanatili ang ngiti sa labi ng matanda. “Alam ko. Pero gusto kong ibalik ang kabaitan mo, at gusto na rin kitang tulungan dahil kaya ko,” katwiran ng matanda.

Sa huli ay wala rin siyang nagawa kundi ang tanggapin ang pera. Tama ito, wala naman siyang ibang pagkukunan noon.

“Maraming salamat po! Ibabalik ko rin po ito sa inyo, kapag may pambayad na ako. Pwede ko po bang kunin ang pangalan niyo?”

Umiling ang matanda.

“Hindi na. Hindi naman ito utang. Pero kung gusto mo ibalik, tumulong ka na lang din sa nangangailangan sa susunod,” payo ng matanda bago ito nagpaalam.

Nasa jeep na siya nang maisipan niyang buksan ang sobre ng bigay ng matanda. Nagulat siya dahil sampung libo ang laman noon, saktong-sakto sa halaga na kailangan niya!

Hindi mapuknat ang ngiti sa labi ni Lorie. Ang saya-saya ng pakiramdam niya. Ang simpleng malasakit niya para sa isang estranghero ang tumulong na malutas ang kaniyang problema!

Advertisement