
Paulit-ulit Niyang Itinaboy ang Manliligaw na Baduy Kung Manamit; Isang Araw ay Nagulat Siya sa Pagbabago Nito
“Baduy talaga!” nakairap na bulong ni Karen nang makita ang lalaking kasalubong niya sa paglalakad. Si Jules.
“Hi, Karen!” magiliw na bati ng lalaki, na sinagot niya ng isang malamig na tango.
Matagal na siyang kinukulit ng lalaki. Subalit hindi niya gusto ito, dahil baduy itong manamit. Isa pa, halos hindi niya na makita ang mukha nito sa pagkakapal-kapal na salamin na suot nito. Mahaba rin ang buhok nito, bagay na ayaw niya sa mga lalaki.
“Grabe ka naman, Karen! Pansinin mo naman si Jules,” puna ng kaibigan niyang si Rochelle.
“Mabuti na ‘yan, para tigil-tigilan niya na ako! Ang tagal na rin akong pinepeste niyan ni Jules, eh!” inis na pakli niya sa kasama.
Nang humapon ay mas lalo pa siyang nainis sa kaniyang manliligaw. Bigla-bigla kasi itong sumulpot upang yayain siya sa kung saan.
Sa kaniyang inis ay nabulyawan niya ito.
“Alam mo, Jules, inis na inis na ako sa’yo ha! Ayoko sa’yo dahil baduy ka, at hindi ikaw ang tipo ko!”
Nahagip ng tingin niya ang kaopisina niyang si Leslie. Gaya ni Jules ay “manang” din kung manamit ang babae.
“Ayan, si Leslie, yayain mo! Bagay kayo! ‘Wag ako!” bulyaw niya sa lalaki bago siya nagmamadaling naglakad palayo.
Maraming tao ang nakasaksi ng pamamahiya niya sa lalaki ngunit wala naman siyang ibang pagpipilian. Gusto niyang gawin iyon para tigilan na siya ni Jules.
Ang mga sumunod na linggo ay naging mapayapa. Kung dati ay araw-araw siyang niyaya ni Jules na kumain, ngayon ay lumilipas ang mga araw na hindi niya na ito nakikita.
At kung makita man niya ito ay ito na mismo ang kusang umiiwas.
Napansin niya rin na ang madalas nitong kasama, kakwentuhan, at katawanan ay walang iba kundi si Leslie.
Noong una ay nakahinga siya nang maluwag dahil sa wakas ay wala nang paulit-ulit na kumukulit sa kaniya.
Ngunit nang lumaon ay nakaramdam siya ng kakaiba.
“Bakit ka nakasimangot? Hindi ba’t ‘yan naman ang gusto mo? Ang tigilan ka na niya at mapunta siya sa baduy na si Leslie?” isang araw ay kunot-noong usisa ni Rochelle nang mapansin nito na masama ang pagkakatingin niya kina Jules at Leslie na noong ay masayang nagtatawanan habang nagkakape.
“Bakit? Naiinis lang ako kasi dito sila naglalampungan. Baka mawalan ng gana ‘yung mga taong kumakain,” nakairap na katwiran niya.
Hindi nakaligtas sa paningin niya ang nanunuksong ngiti ng kaniyang kasama.
“‘Wag ka ngang ampalaya riyan! Bakit kasi hindi mo na lang aminin na nahulog na ang loob mo kay Jules? At ngayong nasa iba na ang atensyon niya, nagseselos ka?” nanunuksong bulalas nito.
Natameme siya at napaisip. Talaga bang nahulog ang loob niya sa baduy na si Jules?
Ang inis na nadarama niya sa t’wing nakikita si Jules na may kasamang iba ang nagkumpirma na gusto niya nga ang lalaki.
Subalit paano niya iyon sasabihin sa lalaki, gayong siya mismo ang nagtaboy dito?
Nang hapong iyon ay balisa niyang hinintay si Jules. Plano niya nang umamin dito at humingi ng tawad para sa pamamahiya at pananaboy niya rito.
Nang makita niya itong paparating ay naghanda siya ng isang matamis na ngiti. Ngunit agad na napalis iyon nang makita niya sa tabi nito si Leslie.
Pero nilakasan niya ang loob niya. Kailangan nitong malaman ang damdamin niya bago mahuli ang lahat.
“J-Jules…” nautal pang tawag niya sa lalaki.
Bumalatay naman ang gulat sa mukha nito. Marahil ay hindi ito sanay na kinakausap niya ito.
“Bakit, Karen?” takang tanong naman nito.
“P-pwede ka bang makausap?” kiming tanong niya sa lalaki.
Tila nag-isip ito bago sumagot. “Karen, mahalaga ba? May pupuntahan pa kasi kami ni Leslie…” alanganing tugon nito. Tila ayaw nitong paghintayin ang babae.
Nasaktan man siya sa sinabi nito ay hindi niya iyon pinahalata at pinilit niyang ngumiti.
“S-sige, kahit sa susunod na lang,” halos pabulong na wika niya.
Agad naman itong naglakad palayo kasama si Leslie.
Malungkot man si Karen ay ipinagkibit-balikat niya na lamang iyon. Sa Lunes niya na lamang kakausapin si Jules.
Subalit nang dumating ang Lunes ay laglag ang panga niya nang makita ang lalaki. Ibang-iba na ang itsura nito!
Wala na ang dating baduy nitong pananamit. Ang bagong Jules ay makisig at maporma. Wala na rin ang makapal nitong salamin, kaya naman kitang-kita na ang gwapo nitong mukha, na binagayan ng bagong gupit nitong buhok.
Hindi lang siya, kundi ang buong opisina ang nila ang nagulat sa transpormasyon ng binata.
“Grabe, ang gwapo pala ni Jules! Sisi ka, ano?” pabiro pang hirit ni Rochelle nang mapansin ang paninitig niya.
Mas lalo tuloy umigting ang kagustuhan niya na makausap ito at sabihin ang tunay niyang nararamdaman. Siguro naman ay hindi ganoon kabilis na mawawala ang damdamin nito para sa kaniya, hindi ba?
Kaya naman nang magkaroon siya ng tyansa na makausap ito ay hindi niya iyon pinalampas.
“Jules, nung nawala ka, saka ko napagtanto na gusto pala kita. Pwede bang bumalik tayo sa dati?”
Subalit tila pinagbagsakan siya ng langit at lupa sa naging sagot nito sa pagtatapat niya.
“Sorry, Karen. Girlfriend ko na si Leslie, at gustong-gusto ko siya. Tama ka, mas marami kaming pagkakapareho kaya naman masaya ako sa t’wing kasama ko siya,” paliwanag nito.
“Saka tanggap niya kung ang buong pagkatao ko, Karen. Sigurado ako na makakahanap ka rin ng para sa’yo,” walang paligoy-ligoy pang pahayag nito.
Sa mata nito ay kitang-kita niya ang kasiguraduhan.
Naiwan siyang luhaan at sising-sisi. Nanghihinayang siya na hindi niya pinahalagahan ang pagmamahal ni Jules noon.
Tunay nga na makikita mo ang halaga ng isang bagay kapag wala na ito sa’yo.