
Walang Awa Niyang Pinalayas ang Mag-lola na Hindi Makabayad ng Renta; Makalipas ang Ilang Buwan ay Luhaan Siya
Umagang-umaga ay ang malakas na talak ni Lourdes ang gumising sa mga kapitbahay.
“Aling Lina, umalis na ho kayo ngayon din! ‘Wag niyong hintayin na kaladkarin ko pa kayo paalis!” malakas na sigaw niya mula sa labas ng maliit na apartment na inookupa ng isang mag-lola.
Hindi niya alintana ang naagaw na atensyon ng iilang dumaraan.
Tumaas ang kilay niya nang lakas-loob na nakiusap ang matanda.
“Lourdes, baka naman pwedeng bigyan mo pa kami ng kaunti pang palugit. Isang buwan lang naman ang hindi ko nabayaran. Wala kaming matutu–”
“Hindi! Hindi na ho! Isang buwan na akong naging mabait. Umalis na ho kayo at may bago nang titira riyan,” mataray na putol niya sa sinasabi niya.
Pinanood niya ang matanda na mag-empake. Hindi ito nakabayad noong nakaraang buwan. Pinagbigyan lang niya ito dahil nangako ito na magbabayad rin. Isa pa, wala pa naman ibang kumukuha sa bahay.
Ngunit kaninang umaga lamang ay may kumausap sa kaniya. Naghahanap ng marerentahan. Kaya nagdesisyon siya na palayasin na ang mag-lola. Aba, sayang naman ang kikitain niya!
Palihim na napangisi si Lourdes. Mabuti na lang talaga at paupahan ang naisip niyang gawing negosyo. Siya lang kasi ang nag-iisang may ganoon sa baranggay nila. Kaya walang sinuman ang makareklamo kahit pa may kamahalan ang singil niya sa bahay.
“Kukuha-kuha ng bahay, wala namang palang pambayad!” asik niya pa sa matanda nang dumaan ito sa harap niya.
Laylay ang balikat nito na naglakad palayo kasama ang apo.
Napangiti si Lourdes. Sa wakas, wala na siyang magiging problema kapag araw ng singilan!
Nang mga sumunod na araw ay walang naging problema sa pagpasok ng pera. Lahat kasi ay nagbabayad naman sa tamang oras.
“Aba! Takot lang nila na palayasin ko sila gaya ng ginawa ko kay Aling Lina!” ang palagi niyang katwiran.
Isang araw, papunta siya sa palengke nang mapadaan siya sa bakanteng lote pinag-iipunan sana nilang mag-asawa. Napansin niya kasi na may mga karpintero roon na nagsisimula nang gumawa.
Bumangon ang pag-aalala sa dibdib ni Lourdes. May nakabili na ba sa lote?
Takang inusisa niya ang isa sa mga manggagawa.
“Manong, nabili na ho ba itong lote na ito? Sino hong nakabili? Ano hong itatayo rito? sunod-sunod na tanong niya sa lalaki.
“Hindi ko ho kilala ang nakabili, pero dati raw ho na tagarito. Apartment po ang itatayo,” sagot nito.
Agad siyang nakaramdam ng pagkadismaya dahil magkakaroon na siya ng kakompetensya. Gusto niya pa naman sanang magtayo pa ng isang apartment dahil marami pa rin ang naghahanap ng mauupahan sa baranggay nila.
Dahil marami ang manggagawa ay madaling natapos ang pagbuo sa bagong apartment.
Nalula si Lourdes dahil limang palapag iyon, at sa tingin niya ay aabot sa dalawampung okupante ang kaya noon, doble sa kaya ng apartment niya.
Gayunpaman, kampante siya. Maganda at elegante ang apartment, kaya sigurado siya na magiging mahal ang singil doon.
Kaya naman nagulat siya nang ilang araw lang ang lumipas ay dalawa na kaagad sa mga nangungupahan sa apartment niya ang nagdesisyong lumipat sa bagong apartment.
“Sigurado ka ba na kaya mo ang presyo doon? Mahal ang singil doon, panigurado!” inis na paalala niya kay Christian. Isa itong estudyante.
Umiling ito. “Hindi, Aling Lourdes. Parehas lang ang singil niyo. S’yempre doon na ako sa mas maganda at mas bago!” tila nagmamalaki namang sagot nito.
“Eh ‘di umalis ka!” inis na taboy niya sa binata.
Nang malaman niya na hindi kamahalan ang singil sa bagong apartment ay doon na talaga siya kinabahan. Lalo pa’t nang sumunod na araw ay tatlo pa ang nagdesisyong lumipat.
Bago pa man magdesisyong umalis ang natitirang lima ay gumawa na siya ng paraan. Tinipon niya ang mga ito.
“Bababaan ko ng isang libo ang renta natin,” nakangiting pagbabalita niya sa mga ito.
Ngunit wala siyang nakitang saya sa mukha ng mga ito, taliwas sa inaasahan niya.
“Aling Lourdes, nakapagdesisyon na ho kasi kami. Lilipat na rin ho kami sa bagong apartment. Mas maayos ang lahat doon dahil bago. May security guard na nakabantay. Nakausap na ho namin ang may-ari. Mabait ho siya at hindi parating nakasigaw,” tila pasakalye ni Myrna.
Sa sinabi nito ay nakaramdam siya ng galit. Napagtanto niya kasi na isa-isang inaagaw ng bagong may-ari ang mga nangungupahan sa kaniya.
Galit niyang tinungo ang bagong apartment.
“Nasaan ang may-ari rito? Lumabas ka!” galit na sigaw niya.
Bumukas ang opisina. Lumabas mula roon ang isang pamilyar na mukha. Ibang-iba na ang ayos nito, ngunit hindi siya maaaring magkamali. Mukha na itong mapera!
“Aling Lina? Bakit ka nandito? Hindi ba’t pinalayas na kita?” takang tanong niya sa matanda.
Ngumiti ito. “Sabi mo gusto mong makausap ang may-ari? Ako ang may-ari ng apartment na ito,” taas noong sagot nito.
Tiningnan niya ang matanda. Balot ito ng mamahaling alahas.
“P-paano nangyari ‘yun?” gulong-gulong usisa niya.
Sa kwento nito ay nalaman niya na matapos niyang mapalayas ang matanda ay tumama pala ito sa lotto. Ginamit nito ang pera upang magpatayo ng apartment sa baranggay nila.
“Gusto ko kasing magkaroon sila ng tiyansa na manirahan sa isang lugar kung saan ituturing sila na parang tao. Hindi porke’t ikaw ang nakaaangat ay may karapatan ka nang apak-apakan ang mga taong mas mababa sa’yo. Magkaroon ka naman ng puso,” tila pangangaral nito.
Naiwang tulala si Lourdes. Hindi niya inaasahan ang natuklasan niya noong araw na iyon.
Dahil sa magandang apartment na pag-aari ni Aling Lina ay tuluyan nang nawalan ng okupante ang apartment niya.
Kinailangan niyang babaan ang renta para kahit paano ay may tumira naman doon. Mula noon ay natutunan na rin ni Lourdes na maging magpakumbaba at mabait sa mga tao sa paligid niya.
Dahil ang lahat ng kasamaan at panlalamang na ginagawa mo sa iba ay paniguradong babalik at babalik sa’yo!