
Upang Maturuan ng Leksyon ay Pinagtrabaho Niya ang Anak Bilang Isang Tiga-Linis; Isang Kaibigan ang Magpapabago Rito
Nagalit si Eduardo sa anak na si Damian dahil sa kabulastugang ginawa nito sa harap ng kanilang katulong, drayber, at hardinero sa bahay. Pinagmumura nito si Aleng Beth dahil lang sa hindi nito narinig ang iniutos nitong ipagtimpla siya ng juice at nais nitong patalsikin ang drayber nilang si Mang Alfonso, dahil lang sa ayaw siya nitong ipag-drive papunta sa lugar na nais nitong puntahan. Malupit na insulto at katakot-takot na mura naman ang natanggap ng hardinero nilang si Dean, dahil nabasa nito ang sapatos na bagong bili ni Damian habang ito ay nagdidilig.
“Sumo-sobra na iyang ugali mo, Damian!” matigas na wika ni Eduardo na halos mapatid na ang ugat nito sa leeg dahil sa galit na naramdaman.
“Kasalanan naman nilang lahat, Dad! Kaya bakit ako ang sinisisi mo?” sutil nitong sagot.
Masyado nga siguro nilang na-spoil si Damian kaya nakalimutan na nilang mag-asawa kung paano ito turuan ng tamang asal at nais niyang pagsisihan ang bagay na iyon.
“Dahil sa ugali mong iyan, Damian, kaya nagbago na ang desisyon kong bilhan ka ng sapatos at selpon na gusto mo!” kalmado ngunit matigas na wika ni Eduardo.
“Pero Dad!”
“Kung gusto mong bumili ng bagong selpon at sapatos, at ibasura ang lumang ginagamit mo ngayon, Damian, matuto kang paghirapan ang bawat sentimong makukuha mo. Para malaman mo kung gaano kahirap ang magtrabaho!” puno ng awtoridad na wika ni Eduardo sa anak.
“Ayoko!” matigas na tanggi ni Damian.
“Ayaw mo? Bahala ka na, Damian. Sinabi ko na ang nais kong sabihin. Gusto mong bumili ng bagong gamit, paghirapan mo. Baka sa gano’ng paraan e malaman mo kung gaano kahirap ang kumita ng pera at maintindihan mo kung gaano kasakit ang ginagawa mo sa mga taong nagsisilbi sa’tin,” ani Eduardo saka naglakad palayo.
Walang nagawa si Damian, ipinasok siya ng kaniyang ama na si Eduardo sa negosyo ng kaibigan nito bilang isang janitor o tiga-linis, kaya mas lalo siyang nainis. Alam niyang hindi siya magtatagal sa trabahong ito.
“Damian, ikaw ang nakatokang maglinis ngayon sa banyo,” wika ng kasamahan niyang janitor din na si Karl. “Tinuruan na kita kung paano linisin ang mga iyon ‘di ba. Naisaulo mo ba?”
Nakasimangot na humarap si Damian kay Karl. “Bakit hindi na lang kaya ikaw ang gumawa sa trabaho ko? Tutal sanay ka namang gawin ang bagay na iyon.”
“Pasensya ka na p’re, sa’yo ibinigay ni Ma’am Elise ang trabahong iyan e, kaya hindi kita pwedeng saluhin d’yan. At saka ang dami ko nang trabahong sinalo sa’yo, kaya pasensya ka na kung ‘di ko na kayang tulungan ka ngayon. Marami pa rin kasi akong gagawin na trabahong hindi ko naasikaso para lang tulungan ka,” ani Karl sabay tapik sa balikat niya’t umalis upang asikasuhin ang mga trabahong na pending upang tulungan lamang si Damian.
Sa kawalang magawa ay napilitan si Damian na linisin ang buong banyo na nakatoka sa kaniya. Nakakapagod at nakakainis lalo na kapag may mga taong pumapasok sa loob upang dumihan ang banyong kalilinis lang niya. Gigil na gigil siya sa mga tao sa t’wing naglalampaso siya’t may lalakad sa sahig na kakapunas lang niya. Ang hirap nga pala talagang mag-trabaho. Iyon ang bagay na naunawaan ni Damian sa tatlong linggo niyang pagiging janitor.
“Karl, sumabay ka na sa’kin sa pag-uwi. Saan ba ang bahay mo?” tanong ni Damian sa katrabaho— kaibigang si Karl.
“Sige lang p’re, may isang trabaho pa kasi akong dapat puntahan,” ani Karl.
“May trabaho ka pa?!” gulat na tanong ni Damian.
“Oo p’re. Kailangan ko kasing magdoble-kayod lalo na ngayong may malaki akong pagkaka-gastusan kasi kailangan ng nanay kong ma-operahan sa baga. Malaking halaga pa kasi ang dapat kong buuin p’re kaya tiis-tiis na muna.”
Si Karl ang tumutulong sa kaniya mula pa noong unang pasok niya sa trabaho bilang isang janitor at ito rin ang naging kaibigan niya. Ito ang unang beses na nagkaroon siya ng kaibigang hindi mayaman sa pera, pero mayaman naman sa kabutihang loob. Matiyaga siyang tinuturuan ni Karl at minsan pa nga’y ito na mismo ang gumagawa ng kaniyang trabaho. Lingid sa kaniyang kaalaman ay mas pagod pa pala ito.
“Natutulog ka pa ba niyan?”
Mapait na ngimiti si Karl saka tumango. “Kahit papaano nakakatulog pa naman ako ng dalawang oras. Masaya na ako sa tulog na iyon, huwag kang matakot kung hindi ka nakakatulog, matakot ka kapag ‘di ka na nagising,” biro pa nito saka tuluyang nagpaalam.
Kinabukasan bago pumasok si Damian sa kaniyang trabaho ay dumaan muna siya sa opisina ng kaniyang ama upang kausapin ito personal.
“Bakit biglang nagbago ang isip mo, Damian? Hindi ba’t gustong-gusto mong makuha ang latest model ng selpon na iyon at ang mamahaling sapatos na sinasabi mo? Bakit tila biglang nag-iba ang ihip ng hangin sa’yo, anak?” nagtatakang wika ni Eduardo.
“Na-realize ko kasi, Dad, kung gaano kawalang kwenta ang mga bagay na hinihiling ko sa’yo,” seryoso niyang pahayag.
Agad namang nagtaasan ang kilay ni Eduardo sa sinabi ng anak.
“Kahit maayos pa ang mga gamit ko’y nais ko na iyong mapalitan kaagad kasi napaglumaan na siya’t pakiramdam ko’y napag-iiwanan na ako sa uso. Lahat ng gusto ko ay para lamang magpasikat sa mga kaibigan ko at sa ibang tao… pero hindi si Karl,” dagli siyang huminto sa pagsasalita upang alalahanin ang eksenang dinalaw nila ang ina nito sa ospital upang kumustahin.
“Para kay Karl, walang ibang mas mahalaga kung ‘di ang madugtungan ang buhay ng mama niya. Hindi baleng wala siyang magagarang damit, mamahaling sapatos, o bagong modelong selpon. Basta nand’yan ang mama niya, iyon na ang pinakamahalaga’t hindi mababayarang bagay para kay Karl. Marami nang naitulong sa’kin si Karl, Dad, kaya nararapat lang din sigurong ako naman ang tumulong sa kaniya ngayon, lalo na’t may kakayahan naman akong gawin iyon,” nagmamakaawang wika ni Damian.
Sa labis na tuwa ni Eduardo sa anak ay nayakap niya ito nang mahigpit. Ngayon pa lang ay alam niyang may napuntahang maganda ang naging desisyon niya noon. Gaya ng ipinakiusap ni Damian sa ama ay sinagot na ngang lahat ni Eduardo ang gastusin sa pagpapa-ospital ng ina ni Karl, hanggang sa tuluyan itong gumaling ay hindi ito pinabayaan ng pamilya ni Damian.
Labis naman ang naging pasasalamat ni Karl kay Damian, dahil kung hindi dahil dito’y baka hanggang ngayon ay nag-aagaw buhay pa rin ang kaniyang ina. Para kay Karl ay tila isang anghel si Damian na lumapit sa kaniya upang tulungan siya sa kanyang suliranin. Para naman kay Damian ay isang malaking inspirasyon si Karl upang baguhin niya ang kaniyang mga nakasanayan.
Ang dating bugnutin at sutil na si Damian na halos apakan ang sa tingin nito’y mga mababang uri ng tao, ngayon ay malaki na ang ipinagbago. Naging mabait at pantay na ang tingin nito sa kahit na sino. Kailanman ay hindi magiging sapat na dahilan ang pagkakaroon ng maraming pera upang mangmata ng iba.