Inday TrendingInday Trending
Pinagbintangan Siya ng Among Babae sa Kasalanang Hindi Naman Niya Ginawa; May Itinatago Naman Pala Itong Lihim

Pinagbintangan Siya ng Among Babae sa Kasalanang Hindi Naman Niya Ginawa; May Itinatago Naman Pala Itong Lihim

“Lumayas ka sa pamamahay na ito, Diane! Manloloko ka at magnanakaw! Umalis ka sa bahay ko!” Naghihisteriyang sigaw ni Madam Vina sa katulong nilang si Diane, habang ang mga gamit nito’y isa-isang itinapon sa labas.

“Ma’am, parang awa niyo na po, hindi ko po ginawa ang mga ibinibintang niyo sa’kin,” humihikbing wika ni Diane, habang yakap-yakap ng kasamang si Lira na isa ring katulong.

Nanlilisik ang mga matang nilingon siya ng amo at sinugod upang hilain palabas ng bahay. “Sinasabi mo bang sinungaling ako?!”

“Tama na po iyan, ma’am. Nasasaktan niyo na po si Diane,” umiiyak na ring wika ni Lira.

“Anong gusto mo, Lira? Gusto mo bang sumama sa walang hiyang katulong na ‘to? Gusto mong palayasin rin kita gaya niya!?”

Humihikbing umiling-iling si Lira, saka dahan-dahang binitawan si Diane, na tuluyan nang nahila palabas ni Vina.

“Ipapa-barangay kita kapag bumalik ka pa sa bahay ko! Magnanakaw ka! Manloloko!” malakas na sigaw ni Vina, sapat upang marinig ng mga nakapalibot sa kanilang mga kapitbahay.

Umiiyak na inisa-isang pinulot ni Diane ang mga gamit na itinapon na lang ng kaniyang amo nang basta-basta. Nanliliit siya sa malisyosong tingin sa kaniya ng mga kapitbahay na nakikiusyoso sa nangyaring gulo. Naririnig niya ang hindi malinaw na bulong-bulungan ng mga ito, dahilan upang mas lalo siyang mapahagulhol nang iyak.

Alam ng Diyos na wala siyang ginawang kahit anong kasalanan sa kaniyang amo. Pinagbibintangan lamang siya ng kaniyang among babae na siya ang kumuha ng mga bagay na nawala kahit ang totoo’y ibinenta nito’t winaldas.

Saan na siya pupunta ngayon? Ayaw niyang umuwi sa probinsyang walang nangyayari sa buhay niya. Pumunta siya ng Maynila kasi akala niya’y ito ang susi nang pag-ahon nila sa kahirapan pero ito… pinalayas siya’t pinagbintangang magnanakaw at manloloko.

“Dito ka muna sa bahay ng tiyahin ko, Diane, kahit pansamantala lang hanggang sa makahanap ka ulit ng bagong amo,” ani Lira.

“Salamat, Ate Lira,” buong pusong wika ni Diane, saka niyakap ang babae.

“Alam kong wala kang kasalanan, Diane, kaso patawarin mo ako kung hindi ko nagawang ipagtanggol ka. Ayokong mawalan ng trabaho, alam mo naman na ako ang nagpapaaral sa lahat ng kapatid ko. Paano na sila kapag kagaya mo’y pinalayas ako ni madam,” malungkot nitong wika.

Nauunawaan niya si Lira at hindi rin niya gustong madamay ito sa problema niya. Sapat na sa kaniyang kahit papaano’y may matutuluyan siya ngayon, kahit pansamantala lamang.

Nagsumikap si Diane upang makahanap ulit ng trabaho. Hangga’t maaari sana’y ayaw na niyang maging katulong, kahit anong trabaho, huwag lang ang katulong dahil labis ang kaniyang pagkadala sa nangyari. Umayon naman sa kaniya ang tadhana sapagkat natanggap siya bilang isang saleslady ng malaking mall.

“Diane, willing ka bang magtrabaho abroad?” tanong nang kasamahan niyang si Henna. “May kamag-anak kasi akong care giver doon sa U.S naghahanap siya ngayon ng dalawang tao mula rito sa ‘Pinas, mabilis lang matanggap kasi direkta naman siya at hindi agency. Kaso nga lang kailangan mo ng certificate, patunay na may alam ka sa pagiging care giver,” mahabang paliwanag nito.

Hindi na nagdalawang-isip si Diane na kunin ang oportunidad na makapagtrabaho abroad. Kasama si Henna ay nagtraining sila upang makakuha ng nasabing certificate at gaya ng sinabi nito’y agad ngang naproseso ng tiyahin nito ang paglipad nila patungong Amerika.

Nang malaman ni Lira ang kaniyang plano’y naging masaya ito para sa kaniya at ang tanging bilin lamang ay huwag niya itong kakalimutan, na siniguro naman niyang hindi mangyayari.

Makalipas ang tatlong taon ay muling nagbalik si Diane sa Pinas. Hindi naging madali ang buhay ni Diane sa ibang bansa pero salamat sa Diyos at ang lahat ng hirap ay nakayanan niya’t heto na siya ngayon.

“Totoo ba, Diane? Pinamanahan ka ng matandang Amerikanong inalagaan mo sa ibang bansa?” hindi makapaniwalang sambit ni Lira.

“Opo, ate, sapat para matupad ko ang matagal ko nang pangarap noon na maiahon ang nanay at tatay sa hirap,” masayang wika ni Diane.

Mula nang bumalik sa ‘Pinas si Diane at nag-resign na rin sa trabaho si Lira, at plano niyang isama ito sa ibang bansa kung saan siya nagtatrabaho kaya tinutulungan niya itong makakuha ng mga kakailanganing papeles upang hindi ito mahirapan.

Hindi inaasahan ay nag-krus muli ang landas nilang tatlo. Si Diane, Lira, at ang dati nilang among si Vina. Nakataas ang kilay habang nakayupos sa sarili nitong katawan ang dalawang braso at mataray silang tiningnan mula ulo hanggang paa.

“Kita mo nga naman kung sino pa ang makikita ko rito sa loob ng mamahaling mall,” mataray na wika ni Vina. “Kumusta, mga muchacha?”

“Hindi mo na kami katulong ngayon, Vina, kaya wala kang karapatang bastusin kaming dalawa ni Diane,” matapang na sambit ni Lira.

Pagak itong tumawa saka dinuro si Diane. “Alam mo, Diane, mula noon hanggang ngayon ay wala man lang nagbago sa’yo, amoy mahirap ka pa rin at malamang sa malamang hindi na magbabago iyon kahit magdamit ka pa ng mga mamahaling damit,” nang-iinsultong wika ni Vina.

Tabinging ngumiti si Diane saka matapang na tinitigan sa mga mata si Vina. “Okay lang, walang kaso sa’kin kung kahit anong gawin ko’y mukha pa rin akong katulong sa paningin mo o sa kahit kaninong tao. Marangal ang trabaho ng mga katulong, hindi kagaya mo, Vina,” aniya na animo’y iniinsulto ang kaharap sa mahinahong paraan.

“Magara ang mga damit na suot mo’t mukha kang mayaman sa tingin ng ibang tao, pero ang totoo’y nabubulok ang tunay mong ugali. May kabit kang pinaggagastusan gamit ang pera ng asawa mo at kapag nahuli ka’y sa isang hamak at walang kalaban-labang katulong mo ito ibinibintang!” matigas na dugtong ni Diane sa totoong nangyari noong araw na kinaladkad siya nito paalis.

Namutla ang buong mukha ni Vina dahil sa kaniyang sinabi.

“Hindi ka pa ba tinatamaan ng karma mo, Vina? Kung gayon ay ang suwerte mo naman, pero huwag ka pa ring makampante. Tandaan mo, walang usok na natatago. Tignan mo ako, ako lang naman ang katulong na pinagbintangan mong manloloko’t magnanakaw, kahit na ang totoo’y ikaw ang gumawa nun lahat!”

Humakbang naman papalapit si Lira sa kinatatayuan ni Vina upang bigyan ito nang mag-asawang sampal.

“Bago pa man dumating ang karma, iyan ang kabayaran ng mga kasamaang ginawa mo noon kay Diane!” galit na wika ni Lira. “Tingnan mo ang muchachang inapi mo noon, Vina, mas mataas na siya ngayon sa’yo at hindi tulad nang dati na naaapak-apakan mo lang siya basta-basta. Hintayin mo ang karma mo, malaki-laki ang sisingilin niya sa’yo!” dugtong nito saka hinila si Diane palayo sa harapan ni Vina.

Habang naglalakad pauwi sina Lira at Diane ay panay ang tawa nila dahil sa wakas ay nakaganti na rin sila kahit papaano kay Madam Vina– este kay Vina na manloloko’t manggagamit!

Talaga ngang umiikot ang gulong ng kapalaran. Minsan ang akala mo’y wala nang pag-asa ay magkakaroon pa pala ng pag-asa. Hindi man nagawang ipagtanggol ni Diane ang sarili noon sa ibinibintang ni Vina sa kanya, kahit papaano’y masaya siya dahil sa wakas, nagawa niyang harapin ang babae na walang takot at malinis ang konsensya.

May awa ang Diyos, kung hindi siya nakaalis noon sa poder ni Vina, baka hindi niya natatamasa ang buhay na natatamasa niya ngayon. Kung kailan man darating ang karma kay Vina ay Diyos na rin ang may alam. Ipinapasa-Diyos na niya ang lahat. Basta ang mahalaga ay maayos na ang buhay niya at alam niya sa sariling kahit kailan ay wala siyang naapakang ibang tao.

Advertisement