Inday TrendingInday Trending
Mas Pinili ng Matandang Lalaki ang Mahirapang Mag-isa sa Lansangan; Nakakaiyak na Kwento Pala ang Dahilan Kung Bakit Nito Iyon Ginawa

Mas Pinili ng Matandang Lalaki ang Mahirapang Mag-isa sa Lansangan; Nakakaiyak na Kwento Pala ang Dahilan Kung Bakit Nito Iyon Ginawa

“Palimos ‘neng, pambiling pagkain,” nanghihinang wika ng matandang lalaki sa dalagang si Maxene.

Niyuko ni Maxene ang mamá saka tinitigan. May edad na ito’t medyo kulubot na nga ang balat at tila nanghihina na sa gutom at dala na rin siguro ng matinding sikat ng araw. Inabutan ni Maxene ang matanda ng sampung pisong nahugot sa bulsa ng pantalon, saka nagmamadaling maglakad upang abutan pa ang tren. Bago siya tuluyang makaalis ay narinig niya ang mahinang pasasalamat ng matandang lalaki.

Kinagabihan ay muli siyang dumaan sa overpass at muli niyang nakita ang matandang kanina ay nanghihingi sa kaniya ng pagkain. Dito na rin pala sa overpass natutulog ang matandang lalaki. Nasaan na kaya ang pamilya nito? Bakit hinayaan na lamang nang mga itong magpalaboy-laboy ang matanda?

“Tatay,” gising niya sa natutulog na matanda.

Nang magising ang mamá ay tinanong niya ito kung kumain na ba, na agad namang sumagot nang hindi pa. Dala ng awa ay ibinigay niya na lamang rito ang pagkaing binili kanina sa labas ng kaniyang trabaho. Habang kumakain ang matandang lalaki ay tinanong ni Maxene kung ano ang pangalan nito at nalaman nga niyang ito si Mang Lucas, singkwenta’y otso anyos.

“Dito na po ba kayo nakatira sa overpass na ito? Paano kapag umuulan? Saan ka sumisilong?” sunod-sunod na tanong ni Maxene kay Mang Lucas.

Matamis na ngumiti ang matandang lalaki saka nagsalita. “Sa totoo lang dito ako hinatid ng mga paa ko mula nung umalis ako sa Home for the Aged na pinaghatiran ng anak ko sa’kin,” mapait na wika nito. “Kaya tungkol doon sa tanong mo’y baka nga dito na ako nakatira,” dugtong nito saka nagpatuloy sa pagkain.

Malungkot na tinitigan ng dalaga si Mang Lucas. Ibig sabihin pala ay may anak nga itong si tatay at gaya ng sinabi nito’y hinatid na ito ng anak sa pangangalaga ng mga matatandang walang kakayahan ang mga anak na alagaan ang mga ito.

“Kapag umuulan naman ay nakikisilong ako d’yan sa mall,” muling wika ni Mang Lucas sabay turo sa malaking mall na nakadungaw sa overpass.

“Bakit ka umalis doon sa pinaghatiran sa’yo ng anak mo, tatay?”

“Ayoko doon,” agad na sagot nito. “Alam mo ineng, sabi ko nga sa anak ko ihatid niya na lang ako sa probinsya at doon na lang ako hanggang sa bawian ako ng buhay. Pero imbes na pauwiin ako ng probinsya ay ipinasok niya ako sa malungkot na lugar na iyon, kaya lumayas ako, kasi pakiramdam ko’y masisira ang bait ko doon,” mahabang paliwanag ni Mang Lucas.

“Noong kabataan ko’t malakas pa ako, ni minsan hindi ko ginustong mahiwalay sa’kin ang mga magulang ko. Wala akong ibang ginawa noon kung ‘di ang alagaan ang mga magulang ko hanggang sa pagtanda nila at pagkawala nila rito sa mundo. Kasi inisip ko, obligasyon kong gawin ang bagay na iyon kasi anak nila ako,” kwento pa ng matanda.

“Noong bata pa ako ay sila ang nag-aruga’t nag-alaga sa’kin, kaya ibinabalik ko lang sa kanila ang pabor no’ng sila naman ang nangangailangan ng pag-aalaga ko. Pero iba na pala talaga ang mga kabataan sa panahon ngayon,” malungkot na wika ni Mang Lucas saka tumingala sa kalangitan. “Ayaw nilang alagaan ang mga matatanda nilang magulang. Mabilis silang mapagod pagdating sa mga magulang nila, kaya iniasa na lamang nila ang pangangalaga sa ibang tao, at iyon ang ginawa ng mga anak ko sa’kin,” mapait itong ngumiti.

Pakiramdam ni Maxene ay gusto niyang humagulhol ng iyak dahil sa sinabi ni Mang Lucas.

“Ang mga anak ko… naging masyado silang abala sa kung papaano sila magkakapera, para sa pagdating ng tag-gutom ay may mahuhugot pa rin sila. Mas nagpukos ang mga anak ko sa pagpapaganda ng buhay nila, kaya nakalimutan nila ako. Upang walang maging sagabal sa pagtupad nila sa kung ano ang gusto nila, ipinasok nila ako sa home for the aged at ni minsan hindi na nila ako muli pang naalala,” mangiyak-ngiyak na wika ni Mang Lucas, dahilan kaya ‘di na mapigilan ni Maxene ang kaniyang paghikbi.

Biglang naalala ni Maxene ang sarili niyang mga magulang na naroon sa probinsya. Silang apat na magkakapatid ay nandito na sa Maynila upang magtrabaho at para na rin tuparin ang mga pangarap nila. Halos limang taon na rin mula noong huling umuwi si Maxene sa probinsya nila at gano’n na rin kahabang panahon na hindi niya muling nakita’t nakasama ang mga magulang. Nagpapadala na lamang siya ng pera sa mga ito upang suportahan ang pang-araw-araw na gastusin.

Ngayong naririnig niya ang hinanakit ni Mang Lucas sa mga anak nito— gano’n rin kaya ang nararamdaman ng mga magulang niya sa kanilang mga anak nito? Dahil kagaya ng mga anak ni Mang Lucas ay halos gano’n rin silang magkakapatid sa mga magulang nila.

“Minsan nga ‘neng, sa t’wing nagbabaliktanaw ako sa nakaraan. Minsan napapahiling ako na sana’y hindi na lamang nagsilaki ang mga anak ko. Disin-sana’y magkakasama pa rin kami ngayon,” anito.

Mas lalong hiniwa sa hapding naramdaman ang puso ni Maxene sa huling sinabi ni Mang Lucas. Dahil sa kwento nito’y naisip ni Maxene na kumuha muna ng dalawang buwang pahinga at umuwi sa probinsya nila para makasama ang mga magulang niya.

“Salamat sa pagkaing ito, ‘neng ah. Pagpalain ka sana ng Diyos Ama sa iyong kabutihan,” buong pusong pasasalamat ni Mang Lucas sa dalaga.

“Tatay, alam mo pa ba ang address sa bahay ng anak mo?”

Tumango si Mang Lucas saka malungkot na ngumiti. Sa nakikita niyang kalagayan ng matanda ay hindi naman kaya ng kaniyang konsensyang iwanan na lamang ito doon. Kaya sinama niya muna ito sa bahay kung saan siya nangungupahan at ipinangakong bukas na bukas ay ihahatid niya ito sa bahay ng anak nito at ipapaunawa ang bagay na napagtanto niya nang makausap niya si Mang Lucas.

Gaya nang kaniyang plano ay hinatid nga niya si Mang Lucas sa bahay ng anak nitong si Larry at tuwang-tuwa ang lalaki nang makita ang amang ilang linggo na nitong hinahanap.

“Maraming salamat, Maxene. Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa ginawa mo, pero sobrang salamat sa ginawa mong paghatid kay Daddy,” masayang wika ni Larry.

“Walang anuman iyon, Larry,” aniya. “Sana huwag niyo na ulit ihatid si Tatay Lucas sa home for the aged, dahil hindi niya talaga gustong manatili sa lugar na iyon. Habang nabubuhay pa ang papa niyo ay hayaan niyo lamang siyang manatili sa tabi ninyo kung saan nakikita at nakakausap niya kayo. Malungkot ang buhay ni Tatay Lucas mula noong ipinasok niyo siya roon, kasi mas masaya siyang nakakasama kayong mga anak niya,” paliwanag ni Maxene.Mangiyak-ngiyak na yumuko si Larry. “Pangako, Maxene, hindi ko na ulit ilalayo si Daddy sa’kin. No’ng lumayas siya, doon ay labis ang pagsisisi ko’t ipinangako na kapag nahanap ko siya’y hindi ko na ulit gagawin ang kalokohang ginawa ko. Akala ko talaga napahamak na ang tatay ko,” humihikbing wika nito saka nilingon ang amang abala sa pakikipaglaro sa mga apo nito.

Bago siya tuluyang nagpaalam ay labis na nagpasalamat si Mang Lucas sa kaniya. Ang ngiti nitong nakikita niya ngayong kasama na nito ang pamilya ay malayong-malayo sa ngiting nakita niya noong binigyan niya ito ng pagkain.

Nagbakasyon ng dalawang buwan si Maxene at nagdesisyong manatili na muna sa probinsya. Miss na miss na rin niya kasi ang mama at papa niya pati na ang buong pamilya. Kung hindi pa niya nakausap noon si Mang Lucas ay hindi niya maiisip na bisitahin man lang ang mga magulang.

Minsan sa kakaisip natin kung paano natin mapapaganda ang buhay natin sa hinaharap ay nakakalimutan nating bigyan ng atensyon ang ating mga magulang, nakakalimutan nating may mga tao rin pa lang nangangailangan sa’tin higit pa sa pinansyal na naibibigay natin sa kanila.Hangga’t hindi pa huli ang lahat ay maglaan ng oras at atensyon sa mga magulang natin, bago pa man tayo magsisisi sa dulo.

Advertisement