Inday TrendingInday Trending
Nuknukan ng Arte ng Dalagang Ito; Isang Matandang Lalaki sa Dyip ang Magbibigay sa Kaniya ng Matinding Aral

Nuknukan ng Arte ng Dalagang Ito; Isang Matandang Lalaki sa Dyip ang Magbibigay sa Kaniya ng Matinding Aral

“Anak, masaya ako at nasamahan mo ako ngayon sa mga lakad ko. Ang hirap kasi na umalis na mag-isa. Mabuti at wala kang gaanong gagawin ngayon sa eskwela,” saad ni Anna sa kaniyang anak na si Marion.

“May magagawa pa ba ako, ma? Ilang araw mo na po akong kinukulit sa pagsama sa iyo. Sa totoo lang po ay gusto ko lang sana pumirmi sa bahay para magpahinga. Saka kilala n’yo naman ako. Wala akong tiyaga sa pag go-grocery saka sa pamamalengke,’ tugon naman ng anak.

“Hayaan mo na, anak. Minsan lang naman akong maglambing sa iyo. Hayaan mo at ililibre kita ng masarap na pagkain mamaya,” wika pa ng ina.

Masaya man si Anna na makasama ang kaniyang anak ng mga sandaling iyon ay mababanaag mo naman sa mukha ng dalaga ang pagkairita. Ni hindi man lamang nito sinamahan ang ina sa mismong loob ng palengke para sa mga bibilhing isda at manok.

“Bakit ang tagal mo, ma? Napakainit dito sa labas at ang putik pa. Tapos na po ba kayong mamili? Tara na at pumunta na po tayo sa grocery,” wika pa ng dalaga.

“Ikaw naman kasi, hindi ka pa sumama sa akin sa loob. Naipakilala sana kita sa suki ko. Lagi kasi kitang kinukwento sa kanila,” pagmamalaki ni Anna.

“Hayaan n’yo na, ma. Hindi ko na rin naman sila gustong makilala. Umalis na po tayo dito at sobrang hindi ko na makayanan ang amoy. Pumunta na tayo sa grocery,” giit pa ni Marion.

Nagmadaling maglakad si Marion nang hindi man lamang nito tulungan ang ina sa bitbit nitong bayong. Nandidiri kasi siya sapagkat alam niyang medyo malansa din ang hawakan nito.

Nang makarating sila sa pinakamalapit na grocery ay wala pa ring ginawa si Marion kung hindi tumingin lamang sa kaniyang telepono. Sa tuwing tinatanong at kinakausap siya ng kaniyang ina ay tumatango lamang siya. Halata mo sa kaniya na wala siyang interes sa mga sinasabi ng kaniyang ina.

“Ma, matagal pa po ba tayo? Nagugutom na po kasi ako. Saka nakita ko po na napakahaba ng pila sa cashier. Hihintayin ko na lang po kayo doon sa restawran,’ sambit ni Marion.

“Pero, anak, hindi ko kasi kayang buhatin ang mga ito. Dito ka na lang muna at samahan mo ako. Sandali na lang naman ito at matatapos na akong mamili. Kung gusto mo ay kunin mo na ang pinamalengke natin doon sa package counter at hintayin mo ako sa gilid,” mungkahi ng ni Anna.

“Ay, ayoko po, mama. Ayaw kong maghawak ng bayong. Ito na lang pong pinamili n’yo dito sa grocery ang bubuhatin ko!” sambit pa ni Marion.

Inip na inip na si Marion sa paghihintay sa kaniyang ina. Kaya nang matapos makapagbayad ang kaniyang Mama Anna sa cashier ay dali dali niyang binuhat ang mga pinamili ng ina at saka pinakuha sa kaniyang nanay ang bayong sa package counter.

“Ma, sa magandang restawran naman tayo kumain. Nagsasawa na ako sa lagi nating pinupuntahan! Gusto ko po doon sa nakikita kong pinupuntahan ng kaklase ko at ng mama niya,” wika ng dalaga.

“Naku, ‘yung kinuwento mo sa akin na restawran? Sakto lang kasi ang dala kong pera, anak. Saka doon na lang sa dati para makatipid din tayo. Saka alam nating masarap talaga,” saad ni Anna sa anak.

Labis na nadismaya itong si Marion. Kaya habang kumakain sila ay pinamumukha talaga niya sa kaniyang ina na hindi niya gusto ang restawran na kanilang kinakainan.

“Ma, tawagin mo nga ‘yung waiter. Pakisabi linisin namang mabuti itong mesa. May dumi pa sa banda dito oh!” reklamo ni Marion.

Tiningnan ni Anna ang tinutukoy na dumi ng kaniyang anak.

“Naku, anak, malinis naman ang mesa. Huwag ka naman masyadong maselan. Ito ang tisyu at ikaw na ang magpunas,” saad ni Anna sa anak.

Pero iritable pa rin si Marion kahit pilit siyang inaamo ng kaniyang ina.

Nang matapos silang kumain ay agad nang nag-aya si Marion na umuwi ng bahay.

“Ma, huwag mong sasabihing sasakay lang tayo ng dyip? Bakit hindi na lang tayo mag-taxi?” naiinis na tanong ng dalaga.

“Kaunti lang naman itong pinamili natin, anak. At saka malapit lang naman ang bahay natin. Huwag kang masasaktan sa sasabihin ko, Marion, ha? Napapansin ko kasi na masyado ka nang nagiging maarte? May problema ba, anak? Baka mamaya ay kainisan ka ng mga tao dahil sa ugali mo,” pagtataka ni Anna.

“Ma, napapagod na po ako. Saka tingnan n’yo naman may mga dala tayo at gusto n’yo pang mag dyip. Dapat talaga ay hindi na lang ako sumama sa inyo, e!” sambit pa ni Marion.

“Hayaan mo, anak, sa susunod ay hindi na talaga kita isasama pa. Akala ko kasi ay gusto mo rin akong makasama,” pagtatampo ng ina.

Panandaliang naging tahimik ang dalawa hanggang sa pumara na ng dyip itong si Anna. Ilang sandali pa ay may sumakay sa dyip na isang may edad na ring lalaki at may dala itong supot. Umupo ito malapit sa inuupuan ng mag-ina.

Nang maamoy ni Marion ang lalaki ay agad itong nagreklamo.

“P’wede bang sa iba na lang po kayo sumakay? Hindi ko po talaga makayanan ang nakakasulasok n’yong amoy! Hindi po ba uso sa inyo ang maligo?” sambit ni Marion sa lalaki.

“Marion, ano ka ba naman? Huwag mong pagsalitaan ng ganyan ang matanda! Humingi ka ng tawad sa kaniya!” sambit naman ni Anna.

“Totoo naman po ang sinasabi ko, ma. Dapat talaga ay nag taxi na lang tayo. Ngayon ay kailangan kong tiisin ang amoy ng lalaking ito hanggang sa makababa tayo!” patuloy sa pagtataas ng boses itong si Marion.

Nakaagaw na ng atensyon sa ibang pasahero ang ginagawang pang-aalipusta ni Marion sa matandang lalaki.

“Mamang drayber, ikaw nga po ang magsabi sa mabahong lalaking ito na bumaba na. Naaapektuhan na kaming mga pasahero sa kaniyang amoy!” sigaw pa ni Marion.

Ngunit labis ang pagmamakaawa ng matandang lalaki sa drayber upang huwag siya nitong pababain ng dyip.

“Parang awa n’yo na po. Magbabayad naman po ako, e. Halos mag-iisang linggo na po akong naglalakad pauwi. Galing pa po ako ng probinsya at pagod na pagod na po ako. Wala pa akong kain at walang maayos na tulog. Nagpunta po ako dito sa Maynila sa pagbabakasakali na mayroon akong makukuhang trabaho para sana sa asawa kong may sakit at anak na may kapansanan. Ngunit nagkamali ako, mas mahirap pala ang buhay dito sa Maynila. Kaya naman pinilit ko na lamang maglakad para kahit paano ay may maiuwi akong pera sa kanila,” pagsusumamo ng matandang lalaki.

Lahat ay nahabag sa tinuran ng matanda. Lahat sila ay napailing sa ginawang pamamahiya ni Marion. Ang iba pa ay nagsalita ng hindi maganda sa dalaga dahil sa masamang asal nito.

Samantala, nagbigay naman ang ilang pasahero ng tulong para tuluyan nang makauwi ang matandang lalaki sa kanilang probinsya.

Labis naman ang kahihiyan na nararamdaman ni Marion dahil sa pahayag ng matandang lalaki at ng ilang pasahero. Napilitan tuloy siyang bumaba. Sinundan naman siya ng kaniyang ina.

“Ayoko sanang sa ganitong paraan ka matuto, anak. Ngunit sana ay magtanda ka na. Hindi sa’yo umiikot ang mundo, Marion. Kailangan mong makisama at unawain ang ibang tao. Saka bawasan mo ang iyong kaartehan dahil talagang kaiinisan ka ng iba,” wika pa ni Anna sa anak.

Dahil sa pangyayaring ito ay natutunan ni Marion ang isang mahalagang aral. Mula noon ay nagbago na siya ng ugali.

Advertisement