Inday TrendingInday Trending
Hindi na Alam ng Ginang ang Gagawin sa Bigat na Kaniyang mga Pinapasan; Ang Pahiwatig ng Ina sa Kaniyang Panaginip ang Magdadala ng Solusyon

Hindi na Alam ng Ginang ang Gagawin sa Bigat na Kaniyang mga Pinapasan; Ang Pahiwatig ng Ina sa Kaniyang Panaginip ang Magdadala ng Solusyon

Halos pagsakluban ng langit at lupa itong si Janna nang magkasunod na yumao ang kaniyang mga magulang. Wala pa man din kasing isang taong nawawala ang kaniyang ama ay sumunod na rin ang kaniyang ina na inatake sa puso. Ang matindi pa roon, sa kaniyang pagdadalamhati, ang kaniyang asawa ay nasa piling ito ng ibang babae.

Dahil dito ay nakapagpasiya na ni Janna na tuluyan nang iwan ang mister na si Waldo.

“Sigurado ka na ba sa gagawin mo, Janna? Paano mo bubuhayin ang mga anak mo? Kung magtatrabaho ka ay sino ang mag-aalaga sa kanila?” pag-aalala ng tiyahing si Mila.

“Bahala na po, tiya. Iniisip ko nga kung magsasampa na lang ako ng kaso nang sa gayon ay magbigay siya ng sustento para sa pag-aaral ng mga bata. Pero sa ngayon ang naiisip ko na lang ay ‘yung mahiwalay sa kaniya dahil hindi ko na kaya pa ang hinagpis na nararamdaman ko!” sambit naman ni Janna.

“Siguro sa ngayon ay asikasuhin mo muna ang pagkawala ng nanay mo, Janna. Saka mo na lang muna isipin ang asawa mo. Tiyak akong may karma ang lahat. Alam kong mahirap pero magpakatatag ka. Narito lang kaming mga kaanak mo kung may kailangan ka,” wika pa ng tiyahin.

Napakabigat sa dibdib ni Janna ang pagkawalang ito ng kaniyang ina. Minsan kasi ay naiisip niya na kung narito sana ang kaniyang nanay ay may karamay siya sa lahat ng hirap na nararanasan niya sa sarili niyang pamilya. Magaling kasi ang kaniyang ina na magpayo. Mabilis din kasing mapagaan ng ginang ang kalooban ni Janna at ito ang labis niyang namimiss sa kaniyang ina.

Limang araw na ibinurol ang ina ni Janna. At kahit na magdaan pa ang mga araw ay tila hindi maghilom ang sakit ng pagkawala ng tangi niyang kasangga. Lagi na lang iniisip ni Janna ang kaniyang mga anak para makahugot siya ng lakas at maging matatag sa pagsubok na kaniyang nararanasan.

Nang mailibing ang ina ay saka niya hinarap ang problema niya sa kaniyang asawa.

“Ano itong papeles na natanggap ko, Janna? Ang lakas ng loob mo na makipaghiwalay sa akin at tanggalan ako ng karapatan sa mga bata! Sino ba ang ipinagmamalaki mo?” bulyaw ni Waldo sa ginang.

“Tama na ang lahat ng pasakit na ginagawa mo sa akin, Waldo. Nasaan ka noong kailangan ka namin ng mga anak mo? Nasa piling ka ng babae mo at nagpapakasaya. Hindi na tayo pwede pang magsama pa. Hindi ko na hahayaan na saktan at lokohin pa kami ng mga anak mo. Hindi naman kita tinanggalan ng karapatan sa kanila, Waldo, basta gampanan mo ang tungkulin mo sa kanila bilang ama!” sambit ni Janna sa mister.

“Kung hiwalayan ang gusto mo ay ibibigay ko sa iyo pero wala kang makukuha sa akin ni isang kusing! Kaya kong tiisin ang mga bata dahil kaya ko namang gumawa ng mga bagong anak sa bago kong mapapangasawa!” sumbat pa ni Waldo.

Hindi pumayag si Waldo sa pagbibigay ng suporta sa kaniyang mga anak. Nagmatigas siya at nilabanan niya ang demandang isinampa sa kaniya ni Janna. Dahil dito ay lalo pang nadagdagan ang sama ng loob ng ginang. Bukod kasi sa malaking gastos na kailangan sa kanilang paghihiwalay ng asawa ay hindi pa rin naman nakakaahon sa pagdadalamhati itong si Janna.

Labis na nahihirapan si Janna sa kaniyang kalagayan ngayon lalo pa ay nagigipit na rin siya sa pera.

“Nay, sana narito kayo ni tatay para kahit paano ay maibsan ang bigat ng nararamdaman ko. Palagi niyo kaming gabayan ng mga anak ko at ipanalangin n’yo kami na malagpasan namin ang lahat ng pagsubok na ito,” lumuluhang sambit ni Janna.

Nang gabi ring iyon ay napanaginipan ni Janna ang kaniyang ina. Nagising siya na lumuluha dahil labis na ang pangungulila niya sa kaniyang mga magulang.

Ang akala niya ay dahil sa labis lamang niyang pagkamiss sa kaniyang ina kaya niya ito napanaginipan. Ngunit ilang gabi ang dumaan ay iisa lamang ang kaniyang mga panaginip.

“Tiya, sa tingin n’yo ba ay may nais ipahiwatig sa akin si nanay kaya lagi siyang nasa mga panaginip ko?” tanong ni Janna sa kaniyang tiyahin.

“Marahil labis ka lang nangungulila sa kaniya at lagi mo siyang iniisip. Ano ba talaga ang napapanaginipan mo tungkol sa nanay mo?” usisa naman ni Mila.

“Lagi niyang iniaabot sa akin ang lalagyan niyang kahoy. Naaalala mo ba ‘yun? Alam ko lalagyan niya iyon ng mga gamit niya sa pananahi,” sagot naman ni Janna.

“Bakit hindi mo kaya hanapin ang kahon na iyon para malaman mo? Baka mamaya ay may nais ngang ipakita sa iyo ang nanay mo, Janna,” payo pa ng tiyahin.

Upang matahimik ang kaniyang isip ay hinahanap ni Janna ang naturang lalagyanan ng ina. Hinalungkat niya ang lahat ng mga gamit ng ina. Makalipas ang ilang sandali ay natagpuan niya rin ito.

Maingat niya itong pinunasan. Niyakap niya sapagkat alam niyang lagi itong nasa tabi ng kaniyang ina. Muli ay napaluha sa pangungulila si Janna.

Dahan-dahan niyang binuksan ang lalagyan. Saka tumambad sa kaniya ang ilang gamit ng ina. Habang hinahalungkat niya ang laman nito ay nakita niyang may nakausli sa bandang ilalim ng kahon. Nang buklatin niya ito ay dito niya nakita ang isang tseke na nakapangalan sa kaniya. Katabi nito ang maliit na piraso ng sulat ng ina para sa kaniya.

Janna, anak, inipon ko ang lahat ng pensyon namin ng tatay mo nang sa gayon ay mayroon kaming maiwan sa iyo. Gamitin mo ang pera na ito para makapagsimula ka ng buhay mo. Nawa’y manumbalik sa iyo ang ligaya sa piling ng iyong mga anak kahit wala na kami ng tatay mo. Mahal ka namin, anak.

Walang patid ang pagluha ni Janna. Nabigla siya nang makita niya na ang tseke na nagkakahalaga ng limang milyong piso.

“Hanggang sa huli, ‘nay, ako pa rin ang iniisip ninyo ni tatay. Napakabuti niyong mga magulang. Napakaswerte ko na ipinanganak ako sa mundong ito na kayo ang naging nanay at tatay ko!” pagtangis ni Janna.

Ginamit ni Janna ang perang naiwan ng kaniyang mga magulang upang magsimula ng bagong buhay. Tuluyan na siyang nakipaghiwalay sa kaniyang asawa. At kahit kailan ay hindi na niya muling pinayagan pang makapasok ito muli sa buhay nilang mag-iina.

Advertisement