Inday TrendingInday Trending
Nagbago ang Buhay ng Mag-Ina Matapos Iwan ng Padre de Pamilya; Nakagugulat ang Ginawa ng Bata sa Pagbabalik ng Ama

Nagbago ang Buhay ng Mag-Ina Matapos Iwan ng Padre de Pamilya; Nakagugulat ang Ginawa ng Bata sa Pagbabalik ng Ama

“Parang awa mo na, Gabriel, huwag mo kaming iwan ng anak mo. Hindi ko alam kung paano siya bubuhayin dahil sa kalagayan kong ito!” pagsusumamo ng ginang na si Letty sa kaniyang mister.

“Nagsasawa na akong makisama sa isang paralitikong kagaya mo, Letty! Nahihirapan na rin ako nang parang wala akong asawa! Bukod sa hindi mo na nga naibibigay sa akin ang mga pangangailangan ko ay pabigat ka pa!” bulyaw ni Gabriel sa kaniyang misis.

Patuloy naman sa pagmamaakawa ang ginang na manatili sa kanilang piling na mag-ina ang kanilang padre de pamilya ngunit buo na ang loob ni Gabriel na iwan sila at tuluyang sumama sa kaniyang bagong kinalolokohang babae.

“Mabuti pa si Sheila, kaya niyang ibigay ang lahat ng pangangailangan ko! Dapat ay noon ko pa ito ginawa, Letty. Matagal akong nagtiis na alagaan ang isang pabigat na gaya mo!” dagdag pa ng mister.

Palabas na sana ng pinto si Gabriel nang pigilan siya ng ngumangawa niyang anak.

“‘Tay, huwag mo po kaming iwan ni nanay. Paano na po kaming dalawa? Paano po kami mabubuhay?” pagtangis ng walong taong anak na si Junior

“Sumama ka na lang sa akin at iwan natin ang nanay mo! Tutal hindi ka na rin naman niya maaalagaan, anak. Sumama sa ka na lang sa akin at bibigyan kita ng bagong nanay na mag-aalaga sa iyo nang husto,” wika ni Gabriel sa anak.

“Hindi ko po kayang iwan si nanay at ayaw ko po ng bagong ina. Siya lang po ang nanay ko, ‘tay. Huwag na lang po kayong umalis, parang awa n’yo na,” patuloy sa pagmamakaawa ang anak.

Ngunit talagang buo na ang loob ni Gabriel. Iniwan niya ang kaniyang mag-ina sa panahong kailangang-kailangan ng dalawa ang masasandalan.

Hirap man ay pilit na bumangon si Letty sa kaniyang pagkakahiga upang yakapin ang anak.

“Bakit hindi ka pa sumama sa tatay mo, anak? Mas maalagaan ka nila roon. Hindi ka mahihirapan kung sasama ka sa kaniya,” umiyak na sambit ng ina.

“Hindi ko po kayang iwan kayo, ‘nay. Kailangan n’yo po ako as inyong tabi kaya dito lang po ako. Hinding-hindi ko po kayo pababayaan,” lumuluha ding wika ng bata.

Dahil walang panggastos ay pinilit ni Letty na maghanapbuhay sa kabila ng kaniyang kalagayan. Gamit ang lumang wheelchair na ibinigay ng kapitbahay ay binabagtas ng mag-ina ang mga eskinita upang manguha ng mga kalakal.

Minsan ay naaawa si Junior sa kaniyang ina kaya naman nagpasya siyang mag-isa na lamang siyang maghahanap ng mga kalakal sa basura.

“Dito na lang po kayo sa bahay, ‘nay. Hintayin n’yo na lang po ang pag-uwi ko. Delikado po kasi kung sasama pa kayo. Baka po kasi mainitan o hindi naman ay maulanan kayo,” saad ni Junior sa ina.

“Anak, pasensya ka na kung kailangang ikaw ang magbanat ng buto para sa atin gayong ako itong magulang mo. Napakaswerte ko sapagkat ikaw ang binigay ng Diyos sa akin,” wika naman ni Letty sa anak.

Minsan na lamang kung sumama si Letty sa pangangalakal ng anak. Madalas din kasi siyang nag-aalala para kay Junior.

Isang araw, napansin ng isang babae ang mag-ina habang pareho itong nagkakalkal ng basura.

Sinundan niya ito ng tingin. Naantig siya nang makitang pinapainom ng bata ng tubig ang inang may sakit. Agad nitong kinuha ang kaniyang selpon at saka niya ito kinunan ng video. Lumapit siya sa mag-ina at kinausap niya ang mga ito.

Lalo pang nahabag ang babae nang malaman niya ang tunay na istorya ng mag-ina. Bago umalis ang babae ay binigyan sila nito ng kaunting tulong.

Dahil sa labis na pagkaantig sa kwento ng mag-ina ay hindi naiwasan ng babae na i-post ito sa social media. Marami ang nakakita ng video at agad itong nag viral. Dahil dito ay bumaha ang tulong para kina Letty at Junior.

Labis ang pasasalamat ng mag-ina nang ipaabot sa kanila ang mga nakalap na tulong.

“Hindi n’yo na po kailangan pang maghirap na magkalkal ng basura. May tutulong din po sa inyo, Aling Letty, para po ipagamot kayo. Ito naman pong si Junior ay makakabalik muli sa paaralan. Magkakaroon po kayo ng tindahan bilang panimula. Hayaan n’yo po at ang lahat ng tulong na malilikom ko ay makakarating sa inyo,” saad pa ng babae.

“Hindi ko alam kung paano ka pasasalamatan sa lahat ng nagawa mo para sa amin. Malaking pagbabago ito sa buhay namin. Kung gagaling man ako ay hindi ko na hahayaan pang mahirapan muli itong si Junior. Masaya ako at muli siyang makakabalik sa pag-aaral,” hindi na napigilan pa ni Aling Letty ang kaniyang mga luha.

Naging maganda na ang takbo ng buhay ng mag-ina. Ngunit isang araw ay may isang taong hindi nila inaasahan na magbabalik. Walang iba kung hindi ang dati niyang mister na nang-iwan sa kanila.

“Hindi naging maganda ang pagsasama namin ni Sheila. Hindi siya naging tapat sa akin. Kaya naisip ko na muli na lang nating buuin ang ating pamilya,” saad ni Gabriel sa kaniyang mag-ina.

Tikom ang bibig ni Aling Letty dahil sa pagkabigla. Hindi niya kasi inaasahan ang pagbabalik na ito. Ngunit masama pa rin ang kaniyang loob. Nais sana niyang pagsalitaan ng masama ang dating asawa dahil sa pang-iiwang ginawa sa kaniya ngunit bago pa man siya makapagsalita ay inunahan na siya ng kaniyang anak na si Junior.

“Hirap na hirap kami ni nanay na itawid ang araw-araw namin noon. Ni hindi namin alam kung mabubuhay pa ba kami. Nasaan ka nang mga panahong kailangan namin ng haligi? Wala ka, ‘tay. Nasa piling ka ng iba habang kami ay nahihirapan. Kung dati ay nagmamakaawa akong manatili ka, ngayon naman ay makikiusap akong layuan mo na kami ng nanay ko dahil maayos na ang buhay namin nang wala ka. Hindi ba ‘yan naman ang gusto mo? Ang hindi kami makapiling dahil wala kaming silbi?” saad ni Junior sa ama.

Parehong nabigla sina Letty at Gabriel sa mga tinuran ni Junior. Napagtanto ni Gabriel na wala na siyang puwang sa piling ng kaniyang mag-ina na dati ay kaniyang basta na lamang tinalikuran para sa makasariling mga dahilan.

Masakit man para kina Letty at Junior ang pagkasira ng kanilang pamilya ay mas tatanggapin na nila iyon kaysa muli silang gamitin at saktan ni Gabriel.

Advertisement