
Plano ng Dalaga na Paikutin ang Kaibigan Upang Maangkin ang Asawa Nito; Bandang Huli’y Hindi rin Siya Nagtagumpay
“Leslie, bakit para yatang kilig na kilig ka riyan? Huwag mong sabihin sa aking dahil na naman ‘yan kay Randy?” sita ni Aling Merced sa kaniyang anak na babae.
“Si Randy agad, ‘nay? Hindi ba p’wedeng may ibang nanliligaw sa akin? Tigilan n’yo na po ang pag-iisip sa akin ng masama dahil naka move on na po ako kay Randy. Kaya sana ay kayo rin!” tugon naman ni Leslie.
“Dapat lang, Leslie. Tandaan mo na matalik mong kaibigan ang asawa niya kaya dapat alam mo kung saan ka lulugar. At isa pa, hindi ako makakapayag na basta mo na lang yurakan ang pangalan na pinangalagaan namin ng tatay mo dahil lang sa kalandian mo! Siguraduhin mong hindi ka na nakikipagkita pa riyan kay Randy dahil sinasabi ko sa iyo ngayon pa lang, hinding hindi kita kakampihan!” babala pa ng ina.
Dalawang buwan na kasi ang nakalilipas nang mahuli ni Aling Merced ang kaniyang anak na nakikipagrelasyon sa asawa ng matalik na kaibigang si Jasmin. Bata pa lamang ay magkasama na ang dalawa at parang magkapatid na ang turingan nila. Kaya ganoon na lamang ang pagkadismaya ni Aling Merced nang malaman niyang tinatalo ng anak ang kaibigan.
Ipinangako naman ni Leslie na titigilan na niya ang pakikiapid kay Randy. Ngunit ang hindi alam ni Aling Merced ay patuloy ang pakikipagrelasyon ng dalaga sa asawa ng kaibigan.
Isang araw ay tumawag si Jasmin kay Leslie. Nais kasi nitong magkwento at humingi ng payo sa kaniyang kaibigan.
“Hindi ko alam kung bakit lagi kong nararamdaman na tila may iba si Randy. Ang sakit sakit sa dibdib kung malalaman kong totoo ang hinala ko, bes. Sa tingin mo, ano ba ang dapat kong gawin?” tanong ni Jasmin kay Leslie.
“Ang sabi nga ay hindi nagkakamali ang mga kutob ng babae. Baka naman talagang may iba nga ang asawa mo. Ano ba ang gagawin mo kung malaman mong may iba si Randy?” usisa pa ng dalaga.
“Hindi ko rin alam. Ang alam ko lang ay guguho ang mundo ko kapag nalaman kong may iba siya. Alam mo kung gaano ko kamahal ang asawa ko, bes. Kaya masakit sa akin na pag-isipan ko siya ng masama. Pero kung totoo ang hinala ko ay wala na akong ibang gagawin kung hindi hiwalayan siya. Parang hindi ko kaya kasing kalimutan kung sakaling nagloloko siya,” paliwanag muli ni Jasmin.
Dito nagkaroon ng ideya si Leslie. Kung tuluyan kasing maghihiwalay ang mag-asawa ay malaya na silang makakapagsama ni Randy.
Imbis na makonsensya sa panlolokong ginagawa ay lalo pang sinulsulan nitong si Leslie ang maigting na nararamdaman ng kaniyang kaibigan.
“Gusto mo bang tulungan kita na hulihin ang asawa mo, bes? Gagawin ko ito para lang sa ikakatahimik ng isip mo. Alam mo namang ayaw kong nai-istres ka,” saad pa ni Leslie.
Pumayag si Jasmin sa mga balak ni Leslie. Ang hindi niya alam ay lalo lamang niyang binibigyan ng dahilan si Leslie upang mas makasama pa si Randy nang matagal.
Parang ginigisa ni Leslie ang kaibigan sa sarili nitong mantika. Sinabi niya rin kay Randy ang magdetalye kung kailan sila magmamanman ng kaibigan. Lalong nagpakasaya sina Leslie at Randy sa piling ng isa’t isa.
Ngunit tila walang sikreto na hindi nabubunyag. Isang araw ay nahuli ni Aling Merced ang anak na kasama si Randy at papasok ng isang motel. Labis ang gigil ng ina sa ginagawang panloloko ng kaniyang anak.
Agad niya itong pinagsabihan nang araw na iyon pero binalewala lamang ni Leslie ang pag-aalala ng kaniyang ina.
“Napakaraming lalaki diyan, Leslie! Bakit ba pinagsisiksikan mo ang sarili mo kay Randy? Hindi ka na naawa sa kaibigan mo! Sa iyo siya nagsasabi ng sama ng loob niya. Paano ka nakakatulog sa gabi sa kahayupan na ginagawa niyo kay Jasmin?!” gigil na sambit ng ina.
“Ayaw na ni Randy kay Jasmin dahil ako na ang mahal niya! Masakit pero kailangang tanggapin ni Jasmin na wala na siyang puwang kay Randy. Wala naman talagang binatbat sa kagandahan ko iyang si Jasmin at isa pa sabi ni Randy ay wala siyang kwenta sa kama!” bulyaw ng anak.
Nang talikuran ni Leslie ang ina ay labis ang kaniyang gulat nang makita si Jasmin sa kaniyang harapan.
“Hindi ko talaga alam kung bakit ako pinapunta ni Tita Merced dito pero siguro ay narinig ko nang lahat ang tunay na dahilan. Paano mong nagawa sa akin ito, Leslie? Tinuring kitang kapatid ko. Nagtiwala ako sa iyo pero ito pala ang ginagawa mo sa akin?” hindi maiwasan ni Jasmin ang maluha sa sobrang sama ng loob at galit sa kaibigan.
“Ibibigay ko na ang gusto n’yo ni Randy. Makikipaghiwalay na ako sa kaniya para maging malaya na kayo. Pero simula ngayon kalimutan mo na ang pagkakaibigan natin!” dagdag pa nito.
Naging masalimuot ang lahat ng pangyayari mula nang malaman ni Jasmin ang katotohanan. Nagsampa ng demanda si Jasmin sa kaniyang asawa at sa kaniyang kaibigan. Dahilan para kumalat sa lahat ang kahihiyang kanilang ginawa.
Labis din ang takot na naramdaman ni Randy nang pilit na nakikipaghiwalay sa kaniya si Jasmin. Bukod kasi sa mapupunta ang pangangalaga ng mga bata sa ginang ay wala ring maiiwang yaman at ari-arian kay Randy.
Nais mang itama ni Randy ang nagawang kamalian ay huli na ang lahat. Ayaw nang makisama sa kaniya ni Jasmin.
Samantala, si Leslie naman ay lakas loob na hinaharap ang lahat ng tsismis na ibinabato sa kaniya. Ngunit ang masakit doon ay kahit na naghiwalay na ang mag-asawang Randy at Jasmin ay hindi siya pinakisamahan ng ginoo. Siya pa nga ang sinisisi nito dahil sa kahihiyan at hirap ng buhay na kaniyang tinatamasa.
Tulad ng sinabi ni Aling Merced ay hindi niya kinampihan ang anak. Nais niyang mag-isa nitong kaharapin ang kamaliang ginawa upang matuto sa nagawang pagkakamali.
Mahirap man para kay Jasmin ang kinahantungan ng kaniyang buhay pag-ibig ay pilit niyang ibinabangon ang kaniyang sarili. Tiwala si Jasmin na balang araw ay kakaharapin din ng dating asawa at kaibigan ang kanilang mga karma.

