
Sukdulan ang Inis ng Mayamang Dalaga sa Pulubing Babae; Hindi Niya Akalain ang Koneksyon Niya Rito
Pababa pa lamang ng sasakyan ay paulit-ulit na inaayos ni Carla ang kaniyang itsura. Alam niya kasing maraming estudyante ang mapapatingin sa kaniya at ayaw niyang mapintasan siya. Kaya naman todo tingin siya sa salamin. Nais niyang maging perpekto sa paningin ng marami.
Hindi nga nagkamali si Carla. Pagbaba pa lamang niya sa kotse ay halos lahat ng mata ay nasa kaniya. Masaya siyang sinalubong ng kaniyang mga kaibigan.
“Napakaganda mo talaga, Carla! Lahat sila ay nakatingin sa’yo, o!” saad ng kaibigang si Helga.
“Sanay na akong lagi akong tinitingnan, Helga. Saka wala ba kayong napapansin kung bakit nakatingin ang mga kababaihan sa akin?” sambit pa ng dalaga.
Nagulat ang mga dalaga nang makita ang bagong mamahaling bag at selpon na gamit ni Carla.
“Ibang klase ka talaga, Carla. Lahat ng nais mo ay nabibili mo! Sana ay kasing yaman din ng mga magulang mo ang mga magulang namin!” wika pa ng isang kaibigan.
“Kaya naman maraming naiinggit sa iyo Carla dahil nasa iyo na ang lahat. Maganda na, mayaman pa!” dagdag pa ni Helga.
Papasok na sana ng eskwelahan ang magkakaibigan nang biglang mabangga ni Carla ang isang matandang babae.
“Ano ba ‘yan! Bakit haharang-harang ka sa daraanan ko?! Tingnan mo at nadumihan tuloy ang bago kong bag! Hindi mo ba alam na mamahalin ito? Baka mamaya ay mas mahal pa ito sa buhay mo, e!” bulyaw ni Carla sa madungis na ginang.
“P-paumanhin, hija. Hindi ko talaga sinasadya. P-pinilit ko naman talaga na iwasan ka pero hindi ka kasi nakatingin sa dinadaanan mo,” nauutal na sambit ng ginang.
“At nangangatwiran ka pa! Ikaw nga ang hindi dapat na narito! Hindi mo ba alam na pangmayaman lang eskwelahan na ito? Sigurado akong wala kang anak o alaga man lamang na nag-aaral sa eskwelahan na ito. Sa itsura mo pa lang ay halatang mas mahirap ka pa sa daga!” sambit pa ng naiiriang si Carla.
Patuloy naman sa paghingi ng paumanhin ang madungis na babae ngunit tinalikuran lamang ito ng dalaga.
“Tara na nga at pumasok na tayo. Ayaw ko nang bigyan ng oras ko ang pulubing ‘yan! Nakakadiri!” saad pa ni Carla sa mga kaibigan.
Matapos ang klase ay naghihintay sa labas ng eskwelahan si Carla kasama ang kaniyang mga kaibigan. Napansin ni Helga na naroon pa rin ang babaeng pulubi at nakatitig lamang ito kay Carla.
“Carla, hindi ba iyon ‘yung babaeng nabangga mo kanina. Kanina pa siya nakatitig kasi sa’yo. Tingnan mo at ngingiti-ngiti pa siya,” bulong ni Helga sa dalaga.
Tiningnan ni Carla ang sinasabi sa kaniya ni Helga at doon nga ay nakita niya ang pagtitig ng nasabing pulubi. Tiningnan ni Carla nang masama ang babae ngunit hindi man lang ito nagpapitlag.
Dahil sa sobrang inis ni Carla ay nilapitan niya ang pulubing babae.
“Kanina ka pa nakatingin sa akin! Nananadya ka ba? Gusto mo ay ipahuli kita sa mga pulis? Isang tawag ko lang sa daddy ko at sa bilangguan na ang punta mo! Tigilan mo ang pagtingin sa akin, baka mamaya ay may sa mangkukulam ka at kung ano na ang ginagawa mo sa akin!” sita ni Carla sa babae.
“P-pasensya ka na at hindi ko muli sinasadya. Hindi ko kasi maiwasan na titigan ka dahil napakaganda ng iyong mukha. Bagay na bagay sa iyo ang suot mo at ang magandang bag na iyan. Talagang bagay sa iyo ang maging mayaman,” paliwanag naman ng pulubi.
“Ngayon ka lang siguro nakakita ng tunay na mayaman. Ngayong natitigan mo na ako, p’wede bang sa iba ka na tumingin? Naiirita na kasi ako sa iyo! Saka sasabihin ko rin sa pamunuan ng eskwelahang ito na higpitan ang seguridad at palayasin ang mga tulad mong pulubi!” bulyaw pa ng dalaga.
“Alam mo wala sa itsura mo ang tunay mong ugali. Nakakapanlumo lamang, maganda ka nga at mayaman ngunit napakataray mo. Pasensya ka na sa akin. Sige, aalis na ako,” wika pa ng ginang.
Taas-noo at pangisi-ngisi naman si Carla nang tuluyang sumuko sa kaniya ang babaeng pulubi.
“Buti alam niya kung sino ang nakakaangat. Kung hindi talaga aalis ay ipapadampot ko siya sa mga pulis. Sasabihin ko nga sa mommy at daddy ko ang nangyaring ito nang sa gayon ay mabigyan nila ako ng proteksyon! Isa pang lapit sa akin ng babaeng iyan ay ipapakulong ko siya. Sa preso man o sa kanlungan ng mga baliw!” sambit pa ng dalaga.
Nang makauwi siya sa kanilang bahay ay agad niyang sinabi sa kaniyang mga magulang ang nangyari nang araw na iyon.
“Baka naman inalipusta mo ang babae kaya ganoon ang kaniyang reaksyon. Kilala kita, Carla, umamin ka na sa akin,” saad ni Leah sa kaniyang anak.
“Nakakairita kasi siya, mommy. Binangga niya ang bago kong bag. Napakadungis at napakabaho niya! Sige na, mommy, kausapin mo na ang mga namumuno sa eskwelahan na paalisin ang babaeng iyon. Hindi ko na makakayanan pa kapag nakita ko ang pangit na babaeng iyon!” sambit ni Carla sa kaniyang ina.
Dahil sa hiling na rin ng dalaga ay kinausap ni Leah ang namamahala sa paaralang pinapasukan nito.
“Pagpasensyahan niyo na po, ginang, kung may ganitong insidente. Sinisiguro po namin sa inyo na pinangangalagaan namin ang mga anak niyo dito sa eskwelahan,” saad ng namamahala sa paaralan.
Ngunit kinabukasan ay naroon na naman ang babae. Wala naman itong ginagawa kay Carla ngunit madalas itong magnakaw ng tingin at napapansin ito ng dalaga. Dahil sa labis na inis ay muling nilapitan ni Carla ang pulubi.
“Narito ka pa rin? Tatawagan ko ngayon ang mommy ko nang malaman mo kung saan ka talaga nababagay! Mabahong pangit!” sambit pa ng dalaga.
Sakto ay kasama ang ina ni Carla na susundo sa kaniya nang hapon na iyon. Pagbaba ni Leah sa sasakyan ay agad na nagsumbong si Carla.
Nang lapitan ni Leah ang pulubi upang komprontahin ay laking gulat niya nang makita ang isang pamilyar na mukha.
“Siya ang panget at mabahong pulubi na laging tumitingin sa akin, mommy! Ipadampot mo na siya sa mga pulis at hindi nararapat ang isang tulad niyang madungis sa lugar na ito!” bulyaw ng anak.
Ngunit natahimik si Carla nang marinig niya ang susunod na sasabihin ng ina.
“Sonya? Ikaw ba ‘yan, Sonya?” pagtataka ng ginang.
“Ako nga ito, Leah. Wala akong balak na masama kaya ako narito. Nais ko lang makita kung ano na ang itsura ng anak ko. Huwag kang mag-alala at hindi ko siya babawiin sa inyo,” umiiyak nitong pagsusumamo.
“A-anong sinasabi niyang anak, mommy? Bakit mo kilala ang pulubing iyan?” labis nang naguguluhan si Carla.
“Sa bahay ko na ipapaliwanag ang lahat, Carla. Sonya, sumama ka sa akin. Sa bahay natin ito pag-usapan,” wika ni Leah sa dalawa.
Pagdating ng bahay ay pinaligo at dinamitan nang maayos ni Leah si Sonya. Pinakain niya rin ito. Nang dumating ang mister ni Leah ay doon na silang nagsimulang mag-usap-usap.
“Carla, panahon na para malaman mo ang katotohanan. Mahal na mahal ka namin, anak. Ramdam mo naman ‘yun hindi ba? Ikaw ang buhay namin ng daddy mo. Simula nang dumating ka sa amin ay sumaya ang buhay namin ng daddy mo. Mahal na mahal ka namin, Carla, kahit na hindi ka talaga sa amin nanggaling,” pahayag ni Leah.
“A-ano po bang ibig sabihin ng mga sinasabi n’yo, mommy? Ano po ba ang kinalaman ng babaeng ‘yan sa lahat ng ito?” sambit naman nI Carla.
“Ito si Sonya, ang dati naming kasambahay. Nabuntis siya ng isang Amerikano at hindi siya pinanagutan. Ikaw ang batang naging bunga, Carla. Dahil hindi alam ni Sonya kung paano ka bubuhayin ay kinausap ko siya upang ibigay ka na lamang sa amin ng daddy mo dahil hindi kami magkaanak. Iyan ang buong katotohanan, anak,” umiiyak na paliwanag ni Leah.
Hindi makapaniwala si Carla sa lahat ng kaniyang narinig. Hindi niya kasi akalain na ang babaeng pulubi na kaniyang inaalipusta ay siya pa lang tunay niyang ina.
“H-hindi ako naparito para kuhain ka sa kanila, Carla. Nangulila lamang ako sa iyo at nais kitang makita. May malubha akong sakit at hindi na magtatagal ang buhay ko kaya nagpasya akong masilayan ka kahit sa huling sandali. Nais kong magpasalamat sa’yo, Leah, at sa iyong asawa dahil binigyan n’yo ng magandang buhay si Carla. Maraming salamat din dahil hinayaan n’yo akong makilala siya,” pagtangis ni Sonya.
Ilang linggo lamang matapos ang pagtatagpo ng tunay na mag-ina ay tuluyan nang sumakabilang buhay itong si Sonya. Baon niya ang mga huling sandaling nakapiling niya ang kaniyang anak.
Hindi naging madali kay Carla na tanggapin ang buong katotohanan. Simula nang araw na iyon ay malaki na ang pinagbago ng kaniyang buhay. Hanggang ngayon ay pinoproseso pa rin niya ang katotohanang siya ay ampon lamang. Ngunit isang malaking aral ang iniwan sa kaniya ng pangyayaring ito. Mula noon ay hindi na nanghamak pa ng sinuman si Carla, at pinanatili na rin niya ang kaniyang mga paa sa lupa.

