
Gaya ng Karakter na Napapanood sa TV ay Inakala ng Babae na May Kinalolokohang Kabit ang Mister Niya; Siya Pala ang Mas Masosorpresa
Mahilig manood ng mga drama sa TV si Jocelyn kaya minsan ay nadadala niya sa kaniyang pamumuhay ang mga napapanood niya gaya na lamang ng paborito niyang teleserye na ang istorya ay tungkol sa pakikiapid.
“Nakakapanggigil talaga itong Eunice na ito! Ang kapal ng mukha, lantaran na ang pang-aagaw sa mister ni Shiela!” inis na sabi ni Jocelyn habang nanonood.
“Ayan ka na naman! Dalang-dala ka na naman sa pinapanood mo! Baka mamaya ay atakehin ka riyan sa puso!” nang-aasar na sagot ng asawa niyang si Miel.
“Hay naku, nakakabuwisit kasi itong kabit na kontrabida sa pinapanood kong teleserye, eh! Walang ginawa kundi ahasin yung asawa ng bidang babae,” wika niya sa mister.
“Bahala ka na nga!” tanging tugon ni Miel saka nagmamadali nang umalis papasok sa trabaho.
Napansin ni Jocelyn na hindi man lang nagpaalam nang maayos sa kaniya ang asawa. Hindi rin ito humalik sa pisngi niya na palagi nitong ginagawa bago umalis.
“Hindi na nakuhang mag-paalam ng buhong na ito! Pati paghalik sa akin ay nakalimutan na!” inis niyang sabi sa isip.
Sa tagpong iyon ay may karapatan siyang maghinagpis dahil…
“Bukas na nga pala ang pinakamahalagang bahagi ng buhay naming mag-asawa, p-pero tila wala siyang naaalala,” bulong pa niya sa sarili.
Sumagi sa isip niya na bukas na pala ang anibersaryo ng kanilang kasal ni Miel ngunit parang nakakalimot na ito. Hindi tuloy maiwasan ni Jocelyn na magduda gaya ng napapanood niya sa paborito niyang teleserye.
“Iba talaga ang nararamdaman ko, mare, sa kumpare mo, duda ko’y may iba siyang kinalolokohan gaya ni Rafael na ginawang kabit si Eunice kaya kawawa ang asawa niyang si Shiela,” hayag niya sa kaibigang si Laura nang bisitahin siya nito kinagabihan.
“Masyado ka lang napa-praning, mare, dahil sa kakapanood mo ng kabit serye na ‘yon eh, akala mo’y may ibang babae na rin ang asawa mo? Marahil ay masyado lang siyang abala sa trabaho niya kaya hindi niya naalala ang anniversary niyo, o baka malay mo, sorpresahin ka na lang niya. Ikaw kasi, masyado kang nadadala sa mga pinapanood mo sa TV ‘yan tuloy kung anu-ano ang naiisip mo! Why don’t we take a walk? Mag-dinner tayo sa labas para malimutan mo ang problema,” tugon ng kaibigan.
Napabuntung-hininga na lang si Jocelyn at sumang-ayon sa nais gawin ni Laura.
“Mabuti pa nga siguro!” aniya.
Sa pagsama ni Jocelyn sa kaibigan ay lalo lamang sumama ang loob niya nang may makitang ‘di niya inasahan…
“Aba! Si Miel ‘yun, ah!” wika ni Laura sabay turo sa lalaki.
“Ang ungas kong asawa! May kasamang buntis! Sino ang babaeng ‘yon?!” sambit niya sa nanggigigil na boses.
Nakita nila si Miel na may kasamang babaeng buntis at magkasamang sumakay sa taxi. Hahabulin sana nila ang mga ito ngunit…
“Buwisit! Ang bilis makaalis ng mga hinay*pak! Tama ang kutob ko na may kabit ang g*go! Parehong-pareho sila ni Rafael, mga manloloko! Sobra na, masyado akong naaapi! Ngayon ay alam ko na ang pakiramdam ni Shiela, pakiramdam na naagawan ng asawa!” hagulgol ni Jocelyn.
“T-teka muna, baka naman mali ang iniisip natin, kailangan kausapin mo muna siya nang masinsinan,” tugon ni Laura sa kaniya.
“Para ano pa?! Sapat na ang nasaksihan natin ‘yung dinadala ng babaeng buntis, maaaring kaniya ‘yon! Ang walang hiya, nakabuntis pa ng ibang babae gaya ng ginawa ni Rafael sa malanding si Eunice, binuntis niya ang kontrabidang ‘yon kaya malakas ang loob na kalabanin ang bidang si Shiela!” sagot niya.
“P-pero, Jocelyn, you’re judging him without trial! Ang mabuti pa ay huwag kang magpahalata sa nakita mo, makiramdam ka muna,” tugon pa ni Laura.
Nang umuwi ang asawa ay parang walang nangyari. Maaga pa nga itong natulog at tila pagod na pagod. Nanggagalaiti naman sa galit si Jocelyn habang pinagmamasdan ang natutulog na si Miel.
“Grrr! Sobra na! Sobra na talaga! Hindi niya talaga naalala ang mahalagang araw namin bukas dahil may iba siyang pinagkakaabalahan! Magsama kayo ni Rafael sa impiy*rno!” mangiyak-ngiyak na sambit ni Jocelyn sa sarili.
Kinabukasan ay pinuntahan niya si Laura at muling umatungal nang iyak.
“Hindi ko na matatagalan ito, talagang may inililihim siya sa akin! May kabit ang asawa ko! Katulad na ako ni Shiela sa pinapanood kong teleserye, pareho na kaming kawawa at api!”
“Huminahon ka nga, Jocelyn. Tumigil ka na sa kakaiyak!” sagot ni Laura habang pilit siyang pinapakalma.
“Siguro kapag ako’y nawala sa mundong ito ay susurutin siya ng kaniyang budhi at babagabagin siya ng kaniyang konsensiya,” aniya na patuloy pa rin sa pag-iyak.
“A-anong ibig mong sabihin?” tanong ng kaibigan.
“Gusto ko nang tapusin ang buhay ko, tutal hindi na pala ako mahalaga kay Miel. Hindi na niya ako mahal, kita mo naman na may iba na siyang babae. Hindi ko na matatagalan ang panloloko niya. Gagayahin ko ang ginawa ni Shiela na nagtangkang magpatiw*kal dahil sa sama ng loob niya sa asawa,” sagot ni Jocelyn.
Napamulagat si Laura sa sinabi ng kaibigan.
“What?! Nahihibang ka na ba? Kapag ginawa mo ‘yon ay ikaw ang magiging talunan! Huwag mong isasakripisyo ang buhay mo dahil lang sa panlolokong ginagawa ng asawa mo, lumaban ka! Huwag mong gayahin ‘yung ginawa ng bida sa paborito mong teleserye na nagtangkang magpakam*tay pero ang resulta mas lalo pa siyang pinagtawanan nung kontrabidang kabit ng asawa niya!” tugon ni Laura.
Ilang oras pa ang lumipas at nagdesisyon na si Laura na ihatid na sa bahay nila si Jocelyn ngunit laking pagtataka ng babae nang dumating sila roon.
“Alas otso na ng gabi at sarado pa ang ilaw sa loob ng bahay? Wala pa ang magaling kong asawa, marahil ay kasama na naman niya ang kabit niya!” inis na bulong ni Jocelyn sa sarili.
At nang buksan nila ang pinto at ang ilaw ay laking gulat nila sa sumalubong sa kanila…
“Happy 3rd anniversary… darling!” bungad na bati ni Miel habang may bitbit na pumpon ng mga rosas kasama ang iba pa nilang malalapit na kaibigan, katrabaho at mga kamag-anak.
Unti-unting nagliwanag ang lahat kay Jocelyn. Matagal na palang pinagplanuhan ni Miel ang pagsorpresa sa kaniya sa mismong araw ng kanilang anibersaryo. Gumawa ito ng isang salo-salo kasama ang mga taong malalapit sa kanilang mag-asawa. Hindi pala totoong nakalimutan ng mister ang mahalagang araw nilang iyon. Nalaman din niya na ang babaeng buntis na kasama ni Miel ay kaibigan nito at kasamahan sa trabaho.
“Wala kang dapat na ipagselos dahil magkaibigan lang kami ni Miel at may asawa na rin ako. Nagpasama lang sa akin ang asawa mo kahapon, ‘di niya kasi malaman kung anong ireregalo sa iyo,” wika ng babae.
“Sinadya ko talagang huwag ka munang pansinin para mas maganda at memorable ang araw na ito, darling! O, eto ang gift ko sa iyo, sana magustuhan mo!” sabad ni Miel sabay suot sa leeg niya ng mamahaling kuwintas.
Hindi napigilan ni Jocelyn na muling mapaluha sa sorpresang iyon ng asawa.
“Nahihiya ako sa iyo, pinag-isipan kita ng masama ‘yun pala’y napakaganda nitong sorpresa mo sa akin. Sorry, darling, akala ko ay katulad mo si Rafael na napapanood ko sa TV na nagkaroon ng kabit!” sagot niya kay Miel at niyakap nang mahigpit ang mister.
“Kung anu-ano kasi ang pinapanood mo,eh ‘yan tuloy ang akala mo ay may kabit din ako? Hinding-hindi mangyayari ‘yon darling dahil ikaw lang ang aking one and only love!” tugon ni Miel saka hinalikan siya sa pisngi.
Nagtawanan naman habang kinikilig ang mga bisita nila kasama ang kaibigan nilang si Laura. Ipinagdiwang nila ng gabing iyon ang kanilang wedding anniversary na walang pagdududa at puno ng pagmamahal sa isa’t isa.
‘Di nagtagal ay nagdalantao na rin si Jocelyn. Malapit na silang magka-anak ni Miel kaya mas lalong tumibay ang pundasyon nilang mag-asawa. Hindi na rin nagpapadala si Jocelyn sa mga napapanood niya sa TV dahil napagtanto niya na hindi lahat ng napapanood niya ay nangyayari sa tunay na buhay.