
Dahil sa Maruming Trabaho ay Napagtapos ng Binata ang mga Kapatid sa Pag-aaral; Hindi Niya Inasahan ang Igaganti ng mga Ito sa Kaniya
Kaguwapuhan at tikas ng pangangatawan ang puhunan ni Jervie para magkapera.
“Halika na, darling! Naiinip na ako! Nabitin ako sa masahe mo, eh!” malambing na sabi ng matandang babae na kasama niya sa loob ng kuwarto.
“Huwag kang masyadong apurado. Mahaba pa ang gabi, iyong-iyo ako sa buong magdamag,” bulong ni Jervie sa tainga ng kanyang kustomer.
Mayamaya ay tuluyan na niyang tinanggal ang pang-ibabang saplot at tinabihan na muli sa kama ang kanina pa inip na inip na matrona.
Siya ay isang lalaking bayaran. Pinasisilbihan niya ang mga babae at bin*bae na nangangailangan ng kaniyang serbisyo. Paborito at hinahanap-hanap siya ng mga kustomer niya dahil bukod sa pagmamasahe ay sinusulit niya ang ibinabayad ng mga ito at talaga namang inihahatid niya sa rurok ng kaligayahan. Para sa kaniya ay isang propesyon ang ginagawa niya. Sa kabila niyon ay marunong naman siyang ingatan ang sarili sa maaaring sakit na makuha niya sa trabahong iyon.
Pagkatapos ng ilang oras na kasiyahan ay tuwang-tuwa ang kaniyang parukyano.
“Iba ka talaga, Jervie… para sa akin ay the best ka!” masaya at kinikilig pang sabi ng matandang babae habang mahigpit na nakayakap sa kaniya.
“Salamat at ako ulit ang napili mong magserbisyo ngayong gabi. Sa susunod ay ako ulit ang kunin mo ha?”
Sari-saring teknik din kasi ang alam ni Jervie para mapaligaya ang mga kustomer niya kaya gustung-gusto siya ng mga ito.
“O, ito ang bayad ko sa iyo, darling, at ito naman ang tip mo… okay ka talagang magtrabaho,” wika ng kustomer sabay abot sa kaniya ng malaking halaga.
“Naku, salamat ulit! Mas gagalingan ko pa sa susunod,” masayang sagot niya saka kinindatan pa ang matandang babae.
Para kay Jervie ay ganoon lang kadali ang kumita ng pera, ngunit lahat ng iyon ay may kinapupuntahan. Nang minsang umuwi siya sa probinsya para dalawin ang mga kapatid niya ay agad siyang sinalubong ng mga ito.
“Kuya Jervie, may pera ka ba? Magbabayad kasi ako sa school dahil exam na namin sa susunod na linggo!” sambit ng kapatid niyang si Joana.
“Kuya, ako rin wala na akong baon, pahinging pera!” sabad naman ng kapatid niyang si Jonas.
“Oo, mayro’n. Eto na nga at dala ko na ang perang kailangan ninyo. Mag-aral kayong mabuti para magkaroon kayo ng magandang bukas,” tugon niya sa mga ito.
“Huwag kang mag-alala, kuya, ikaw ang inspirasyon namin. Sobrang hirap ng trabaho mo sa Maynila pero binabahaginan mo pa rin kami ng perang pinaghirapan mo,” sagot ni Joana.
“Alam niyo naman na tayong tatlo na lamang ang magkakatuwang sa buhay mula nang namayapa sina itay at inay. Ipinangako ko sa aking sarili na hindi ko kayo papabayaan at itataguyod ko ang inyong pag-aaral. O, eto pa, ibibigay ko na rin ang panggastos ninyo sa loob ng isang buwan baka kasi matagalan bago ako makauwi ulit dito,” sabi ni Jervie sa mga kapatid.
“Salamat, kuya, pero magtira ka naman ng para sa iyo. Huwag mong papabayaan ang sarili mo, lalo na sa pagkain dahil mabigat yata ang trabaho ng isang construction worker, kailangan na palaging malakas ang katawan mo,” sabad naman ni Jonas.
Ang alam ng mga kapatid niya ay construction worker ang trabaho niya, walang kaalam-alam ang mga ito sa tunay niyang trabaho. Alam ng mga kapatid niya na nagbabatak siya ng buto at nagpapatulo ng pawis sa Maynila ngunit iba namang uri ng pagpapapawis ang ginagawa niya.
“Huwag kayong mag-alala at pakaiingatan ko ang aking sarili. Sige, tutuloy na ako,” paalam niya sa mga kapatid kinaumagahan.
“Sige, paalam na, kuya!” sigaw ng dalawang kapatid habang tinatanaw ang pagsakay niya sa bus pabalik ng Maynila.
Nang makarating sa pinagtatrabahuhang spa ay agad siyang kinausap ng manager.
“Ay salamat at dumating ka na, Jervie! May kustomer ka, ‘yung mayamang matrona na suki mo. Kahapon pa tawag nang tawag dito, eh!”
“A, sige po. Maliligo lang ako at pupuntahan ko na,” sagot niya.
Nang puntahan niya ang bahay ng suki niyang kustomer ay tuwang-tuwa itong sinalubong siya.
“Mabuti naman at dumating ka na, Jervie! Kahapon pa kita kinokontak, ummm…” bungad ng matandang babae sabay yakap at halik sa kaniya.
“Langya rin naman itong isang ‘to… parang pusang lampong kung makalingkis,” natatawang sabi ni Jervie sa isip.
At pagkatapos ng ilang oras na serbisyo…
“Dadagdagan ko ang bayad sa iyo para kapag kinontak kita ay puntahan mo ako agad!” sambit ng matrona habang iniaabot sa kaniya ang bayad.
“Basta ikaw, kapag ganitong maganda ang bayad mo’y isang tawag mo lang, nanginginig pa!” sagot niya.
Ngunit minsan sa kaniyang pag-iisa ay napapaisip din si Jervie.
“Sukang-suka na ako… kung may alam lang sana akong ibang pagkakakitaan na malaki ang kita,” sabi niya sa sarili.
Mabilis na lumipas ang panahon at nakapagtapos na sa kolehiyo ang dalawa niyang kapatid na sina Joana at Jonas at mayroon nang mga kaniya-kaniyang trabaho. Nang lumuwas siya sa probinsya ay nagulat siya sa sinabi ng mga ito.
“Kuya Jervie, huwag ka nang lumuwas ulit sa Maynila, tutal tapos na kami sa pag-aaral at may mga trabaho na. Panahon na para gantihan na namin ni Jonas ang mga paghihirap mo sa amin. Mula ngayon ay hindi mo na babalikan ang dati mong trabaho,” hayag ni Joana.
“A-anong ibig niyong sabihin?” tanong ni Jervie.
“Alam na namin ni Ate Joana ang totoong trabaho mo sa Maynila, kuya. ‘Di sinasadyang nabasa ko ang mga text message sa cell phone mo nang minsang nanghiram ako sa iyo, nakalagay doon ang tungkol sa mga kustomer mo. Huwag kang mag-alala dahil hindi ka namin kailanman huhusgahan at ikahihiya dahil ginawa mo lamang ‘yon para sa amin, para makapagtapos kami ng pag-aaral. Hayaan mong kami naman ang tumulong sa iyo, kuya. Ngayon na maganda na ang mga trabaho namin ay kami naman ni ate ang magpapa-aral sa iyo. Hindi ka na babalik sa trabaho mong iyon sa Maynila, puwede mo nang ipagpatuloy ang pag-aaral mo sa kolehiyo, kuya. Tumigil ka noon sa pag-aaral para magbigay-daan sa aming dalawa, ngayon ay ikaw naman ang may pagkakataong matupad ang sarili mong pangarap. ‘Di ba, pangarap mong maging engineer?” sagot ni Jonas.
Napaluha si Jervie sa mga sinabi ng mga kapatid. Matagal na palang alam nina Joana at Jonas ang uri ng trabaho niya ngunit naiintindihan siya ng mga ito kung bakit niya iyon nagawa at laking pasasalamat niya dahil malawak ang pag-iisip ng mga ito.
“Patawarin niyo ako. Hayaan niyo at magpipirmi na ako rito sa atin. Magpapaalam lang ako nang maayos sa boss ko sa spa. Salamat din sa pag-unawa at pagmamahal,” tugon niya.
Sa pagbalik sa Maynila para pormal na magpaalam sa pinapasukang spa ay magaan na magaan ang mga paa niya sa pag-alis dahil sa kaniyang pagbabalik ay simula na ng pagbabago ng buhay niya kasama ang pinakamamahal niyang mga kapatid.
“Salamat mga kapatid ko. Hindi niyo ako binigo. Salamat sa Diyos at maitutuwid ko na ang buhay ko,” masayang sambit ni Jervie sa isip.
Mahirap man at hindi katanggap-tanggap sa iba ang trabaho ni Jervie ay ito naman ang naging daan para mabigyan niya ng magandang buhay ang mga kapatid na ang isinukli naman sa kaniya ay ang pagbabagong matagal na niyang minimithi.
Marumi man ang paraan niya ng paghahanapbuhay, malinis naman at busilak ang kaniyang hangarin.