Inday TrendingInday Trending
Itinanggi ng Modelo ang Mahirap na Matalik na Kaibigan at Kababata; Babaliktad ang Kanilang Mundo Kalaunan

Itinanggi ng Modelo ang Mahirap na Matalik na Kaibigan at Kababata; Babaliktad ang Kanilang Mundo Kalaunan

Halos hindi na mapaghiwalay ang matalik na magkaibigang Glenda at Perla. Pagdilat kasi ng mga mata ng mga ito sa umaga ay nauna pa nilang puntahan ang isa’t isa kaysa mag-almusal. Sabay silang tumutulong sa kanilang mga ina sa paglalaba at paghuhugas ng pinggan sa batis. Pagkatapos ay saka sila maliligo. Lumaking tila magkapatid na ang turingan ng dalawa.

“Tingnan mo ‘yang sina Glenda at Perla, mare. Dinaig pa nila tayo sa pagiging malapit sa isa’t isa. Kulang na lang ay magsama sila sa iisang bahay. Hindi sila nagkakasawaan,” sambit ng nanay ni Perla na si Aling Thelma.

“Sinabi mo pa, mare. Sa gabi nga ay walang ginawa ‘yang si Glenda ko kung hindi isipin kung ano naman daw kaya ang gagawin nila ni Perla kinabukasan. Kulang na lang ay itahi ko ‘yang si Glenda sa anak mo!” natatawa namang kwento ni Aling Simang, nanay ni Glenda.

Narinig ng dalawang bata ang pagkukwentuhan ng kanilang mga ina. Hindi tuloy maiwasan ni Perla na magtanong sa kaniyang matalik na kaibigan.

“Hanggang kailan kaya tayo magiging malapit sa isa’t isa, ano, Glenda? Pagtanda kaya natin ay tayo pa rin ang matalik na magkaibigan?” tanong ng batang si Perla.

“Aba, s’yempre naman, Perla! Wala naman akong ibang kaibigan kung hindi ikaw lang! Saka kahit kailan ay hindi ako hahanap ng ibang kaibigan dahil ikaw lang ang gusto ko. Ikaw lang kasi ang nakakaunawa sa akin at sa mga nais ko. Pangako ko sa’yo, sabay tayong aalis sa probinsyang ito. Sabay tayong pupunta ng Maynila at sabay tayong magtatagumpay sa buhay!” wika naman ni Glenda.

Sa pagkakataong iyon ay parehas ang nararamdaman ni Perla. Nais niyang palagi lamang kasama ang matalik na kaibigan. Pinakahihiling niya sa Diyos na sana’y matupad nga ang kanilang mga pangarap.

Lumipas ang isang taon ay kinailangang umalis ng pamilya ni Glenda at magtungo sa ibang lugar upang doon manirahan. Doon kasi permanenteng nakadestino ang kaniyang ama sa trabaho nito kaya nagdesisyon ang kaniyang ina na sumama na lamang sila.

Labis na lungkot naman ang naging hatid nito sa magkaibigan.

“Hayaan mo kapag may pagkakataon ay dadalawin kita rito. O hindi naman kaya ay ikaw ang dumalaw sa amin, Perla. Lagi kitang susulatan at tatawagan. Huwag mong kakalimutan na ikaw lang ang pinakamatalik kong kaibigan. Huwag mo akong kakalimutan, ha?” umiiyak na sambit ni Glenda.

Mahigpit na niyakap ni Perla ang kaniyang kaibigan at saka sila nagpaalam sa isa’t isa.

Halos araw-araw ay nagsusulatan ang magkaibigan. Lagi ding hinihintay ni Perla ang tawag ni Glenda at halos hindi na nila maibaba ang telepono sa walang patid nilang pag-uusap. Sadyang miss na miss na nila ang isa’t isa.

Ngunit lumipas ang mga taon at nagdalaga na ang mga ito. Madalang na silang magtawagan at magkumustahan. Malaki na rin ang pinagbago ng kanilang mga buhay. Hindi na nakapag-aral pa ng kolehiyo itong si Perla dahil salat sila sa panggastos. Minsan ay sumasali na lamang ito sa mga patimpalak sa pag-awit sa kanilang lugar upang makapag-uwi ng pera.

Samantalang si Glenda naman ay nakapagtapos ng kolehiyo at ngayon ay isa nang tanyag na modelo. Madalas ngang makita ni Perla ang mga larawan nito sa mga billboards. Nakikita na rin niya ito sa mga commercial sa telebisyon.

Masayang masaya si Perla sa naabot ng kaniyang kaibigan. Kaya nang nabalitaan niyang uuwi ito sa kanilang lugar dahil itatampok ang buhay nito sa isang programa sa telebisyon ay labis ang kaniyang saya. Halos hindi siya makatulog sa gabi sa kahihintay ng araw na iyon.

“Tiyak akong kukunin din ni Glenda ang oportunidad na ito para makita ako, nanay! Gagawan ko siya ng pulseras nang sa gayon ay lagi niya akong maaalala,” saad ni Perla sa ina.

Nang dumating ang araw na pinakahihintay ni Perla ay dali-dali niyang sinalubong ang kababata. Ngunit hindi niya inaasahan ang magiging reaksyon ni Glenda nang siya ay makita.

“Glenda, kilala mo ba ang babaeng ito? Matalik mo raw siyang kaibigan?” tanong ng isa sa mga tagapamahala ng programa.

“Oo, kilala ko ang babaeng iyan. Anak siya ng kapitbahay namin. Isang malaking tagahanga. Hayaan mo na siya at magpatuloy na tayo sa ginagawa natin,” tugon ng dalaga.

Labis na nasaktan si Perla nang itanggi siya dating kaibigan. Pilit mang nanghihingi ng paliwanag itong si Perla ay hindi na siya pinaglaanan pa ng panahon ni Glenda. Para kay Glenda, hindi si Perla ang matalik niyang kaibigan.

“Nasaan na ang mga pangako mo noong mga bata pa tayo na walang kalimutan, Glenda? Hindi ba sabi mo sa akin ay sabay tayong magtatagumpay at sabay nating aabutin ang mga pangarap natin?” tanong ni Perla sa dalaga.

“Mga bata pa tayo noon, Perla. Kailangan mong tanggapin na magkaiba na ang mundong ginagalawan natin ngayon at sa mundo ko ay hindi ka nabibilang,” sambit naman ni Glenda.

Lalong nasaktan si Perla sa sinabi ni Glenda. Dahil dito ay nilayuan na ng tuluyan ni Perla ang dating kaibigan.

Nagpatuloy sa kaniyang buhay itong si Perla. Naging kontesera siya sa mga patimpalak ng awitan. Hanggang sa isang araw ay may isang producer ang nakapansin ng kaniyang galing at niyaya siyang sumali sa isang malaking patimpalak sa telebisyon.

Agad namang sinunggaban ni Perla ang pagkakataong ito para na rin maiahon niya ang pamilya sa hirap.

Labis na ginalingan ni Perla upang makamit niya ang tagumpay. Hindi madali ang pagsubok na kaniyang pinagdaanan ngunit ginamit niya ang kaniyang mga karanasan upang lalo siyang lumaban at makamit niya ang inaasam na buhay.

Hindi naglaon ay itinanghal na panalo itong si Perla. Kabi-kabila ang alok sa kaniya ng mga producers. Labis siyang nagustuhan ng mga ito dahil bukod sa magaling siyang umawit ay napaka mapagkumbaba pa niya.

Naging mabilis ang pag-angat ni Perla sa industriya ng showbiz. Marami ang humanga sa kaniya. Dahil dito ay tuluyan nang nag-iba ang takbo ng buhay niya at ng kaniyang pamilya.

Isang araw ay nabalitaan na lamang ni Perla na hindi na pala ganoon kaganda ang takbo ng karera ng dati niyang kaibigang si Glenda. Bukod pa rito ay nasali sa isang malaking scam ang kaniyang ina at nakuha sa kanila ang halos lahat ng ipon ng kanilang pamilya.

Hindi nagdalawang-isip si Perla na puntahan ang dating kaibigan.

“Alam kong ipamumukha mo lang sa akin ang kayabangan ko noon, Perla. Oo na, panalo ka na. Ikaw na ang nasa tuktok at ako na ang hindi nabibilang ngayon sa mundo mo! Masaya ka na ba?” bungad ni Glenda sa dating kaibigan.

“Hindi ako naparito para ipamukha sa iyo ang mga bagay na iyan. Narito ako, Glenda, upang tulungan ka. Nais kong tulungan ang pamilya mo na makabangon muli,” sambit naman ni Perla.

Labis na nagulat si Glenda sa tinuran ni Perla. Hindi kasi niya akalain na sa kabila ng mga nagawa at nasabi niya sa dalaga ay narito pa rin ito sa kaniyang harapan at nais siyang tulungan.

“B-bakit mo ginagawa ang lahat ng ito, Perla? Hindi ba’t labis kitang sinaktan noon?” tanong pa ni Glenda.

“Dahil kahit na kinalimutan mo na ako’y mananatiling ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan. Nais kong tuparin pa rin ang pangarap natin noon na magkasama tayong magtatagumpay sa buhay. Kalimutan mo na ang lahat ng nangyari, Glenda. Alam ko naman na sa kaibuturan ng puso mo ay nananatili pa rin ang samahan natin,” sambit muli ni Perla.

Napayakap na lamang si Glenda kay Perla. Lubos ang paghingi niya ng tawad at ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng nagawa sa kaniyang pamilya ng kababata.

Kahit na malayo na ang narating sa buhay ni Perla ay hindi niya nakalimutan ang mga taong nakasama niya noon. Hindi naging dahilan ang kaniyang katanyagan upang lumaki ang kaniyang ulo bagkus ay ginamit niya pa ito upang makatulong sa mas maraming tao.

Nanumbalik ang pagkakaibigan ng dalawa. Ngayon ay magkaagapay na sina Perla at Glenda sa pag-abot pa ng kanilang mga pangarap sa buhay.

Advertisement