Inday TrendingInday Trending
Palaging Bitbit ng Amang Masipag ang Luma at Sira-Sira Nitong Bag; Nang Mawala Ito’y Nalaman Nila ang Natatanging Dahilan

Palaging Bitbit ng Amang Masipag ang Luma at Sira-Sira Nitong Bag; Nang Mawala Ito’y Nalaman Nila ang Natatanging Dahilan

Hindi pa man pumuputok ang araw ay amoy na sa maliit na kabahayan ang nilutong tuyo at itlog ni Mang Nilo. Nakagawian na kasi nito na bago siya pumasok sa trabaho bilang isang karpintero ay sabay-sabay silang mag-aagahan ng kaniyang pamilya.

Payak man ang kanilang pamumuhay ay busog naman ang mag-anak sa pagmamahal. Ilang sandali pa ay sinamahan na ng misis na si Remy ang kaniyang asawa sa kusina. Nagtimpla na siya ng kape para sa kanilang mag-asawa at mainit na tsokolate naman para sa kanilang dalawang anak na pumapasok sa kolehiyo.

Masayang pinagsaluhan ng mag-anak ang simple nilang almusal.

Habang papaalis na si Mang Nilo ay napansin ng kaniyang asawa na may punit ang gamit nitong lumang bag.

“Ang bibigat siguro ng mga dala mong gamit kaya napunit itong bag mo. Tanggalin mo muna ang mga laman at tatahiin ko,” saad pa ni Aling Remy.

“Naku, huwag na at ako na ang bahala. Lalagyan ko na lang ng pardible. O kaya ay pabaunan mo na lang ako ng sinulid at karayom. Doon ko na gagawin sa trabaho dahil mahuhuli na ako,” tugon naman ni Mang Nilo.

“Ikaw talaga, Nilo, ayaw na ayaw mong mawawalay sa iyo ang bag mo na iyan! Ganyan ba kahalaga sa iyo ang mga gamit mo sa pagkakarpintero? Dapat ay bumili ka ng mas mainam na bag. Baka mamaya ay bumigay na ‘yan habang nasa daan ka at doon pa magkalat ang mga gamit mo!” wika pa ng misis.

“Magsasayang lang ako ng pera sa pagbili ng bagong bag, Remy! Madudumihan lang din naman. Saka mahalaga talaga sa akin ang mga kagamitan ko sa pagkakarpintero. Ito ang dahilan kaya may nauuwi ako sa inyong paggastos sa araw-araw,” wika pa ng ginoo.

Alam ni Remy na nagdadahilan lamang ang asawa niya. Kilala kasi niya ito. Basta para sa sarili ay matipid. Lagi lamang niyang nilalaan ang kaniyang kakarampot na kinikita para sa kanilang mag-iina at sa pag-aaral ng mga anak.

Masipag at mabait na asawa at tatay itong si Mang Nilo. Hindi man niya naibibigay ang luho sa kaniyang mga anak ay napalaki naman nilang mag-asawa ang kanilang mga anak na may takot sa Diyos at may magagandang asal.

Ang tanging nais lamang ng ginoo ay mabigyan niya ng magandang kinabukasan ang kaniyang mga anak upang hindi mapares ito sa kaniya na pilit lamang itinatawid ang kanilang pang-araw-araw na gastusin.

Pagdating sa trabaho ay nagmadali si Mang Nilo na sulsihan ang punit sa kaniyang lumang bag. At kahit na nagkukumpuni ito ay hindi niya magawang ibaba ang kaniyang bag na pinagtatakahan din ng kaniyang mga kasamahan.

“Ano ba talaga ang laman ng bag mo na ‘yan at ayaw mong ibaba? Hindi ka ba nahihirapan niyan, Nilo?” tanong ng kaniyang kumpare.

“Ayaw ko kasing mawala ang mga gamit ko sa pagkukumpuni, pare. Ayokong bumili na naman ng bago dahil pinaglalaanan ko ang pag-aaral ng mga anak ko. Mas mainam na itong lagi kong sukbit para pagkatapos kong gamitin ay ilalagay ko na lang ulit sa aking bag. Maiiwasan ko ang mawalan ng gamit,” paliwanag ng ginoo.

Matapos ang kanilang gawain ay sandaling nagpahinga itong si Mang Nilo. Tinitigan niya ang larawan ng kaniyang mga anak na nasa kaniyang lumang pitaka. Ilang sandali pa ay nilapitan niya ang kaniyang kaibigan.

“Pare, may alam ka pa bang trabaho? Malapit na kasing matapos ang kontrata natin dito. E, wala pa raw kasiguraduhan ‘yung susunod. Hindi p’wedeng wala akong trabaho. Dalawang anak ko ang nasa kolehiyo. Ayaw ko namang matigil sila ng pag-aaral,” saad pa ni Mang Nilo.

“Pagkatapos nito ay baka pumasok muna din ako sa construction. Mas mabigat ang trabaho ro’n pero ang sabi nila ay mas malaki daw ang kita. Kung gusto mo ay sumama ka sa akin,” saad ng kumpare.

Buo na ang desisyon ni Nilo na magtrabaho sa construction site. Nang malaman ito ni Remy ay ipinahayag agad nito ang kaniyang pagtutol.

“Baka naman mapano ka niyan, Nilo. Kayayanin pa ba ng katawan mo ang pagtatrabaho nang mabigat? Magpahinga ka muna. Baka mamaya ay magkaroon kayo ng tanggap muli doon ka na lang ulit mamasukan,” suhestiyon ng ginang.

“Hindi pwedeng mawalan ako ng trabaho, Remy. Kailangan nating masiguro ang magandang kinabukasan ng mga anak natin. Edukasyon lamang ang tanging maipapamana natin sa kanila. Huwag natin itong ipagkait sa mga anak natin. Nais kong maranasan nila ang ganda ng buhay,” saad naman ni Nilo.

Hindi na napigilan pa ni Remy ang kaniyang asawa sa desisyon nito.

Habang patagal nang patagal ang pagtatrabaho ni Mang Nilo sa construction site ay napapansin ng kaniyang asawa ang paghina ng katawan nito.

“Sigurado ka bang kaya mo pa, Nilo? Umalis ka na muna kaya sa trabaho mo? Ang laki na ng binagsak ng katawan mo,” pag-aalala ni Remy.

Ngunit naging matigas pa rin ang ulo nito at ipinagpatuloy ang pagtatrabaho ng mabigat.

Isang umaga, nagtataka si Remy dahil alas sais na ay natutulog pa rin ang kaniyang asawa. Ayaw na muna sana niya itong gisingin dahil gusto niyang lumiban muna ito sa trabaho nang makapagpahinga. Ngunit alam niyang magagalit ito sa kaniya kung hahayaan lamang niya itong matulog.

Paghawak niya sa kaniyang asawa ay nagulat siya dahil malamig na ito. Parang binuhusan siya ng malamig na tubig nang mapansin niyang wala na itong pulso.

Rinig sa buong eskinita ang boses ni Aling Remy habang humihingi ng tulong sa mga kapitbahay. Nang magising ang dalawa nilang anak dahil sa sigaw ng kanilang ina ay nag-iyakan na rin ang mga ito nang malamang wala na ang kanilang pinakamamahal na ama.

Wala nang nagawa pa sina Aling Remy at dalawa nilang anak kung hindi yakapin ang wala nang buhay na katawan ni Mang Nilo.

Nang dalhin nila ito sa ospital ay napag-alamang inatake ito sa puso dahil sa labis na pagod sa trabaho.

“Ang sabi sa akin ay magbibigay daw ng malaking tulong ang kompanyang pinagtatrabahuhan ng tatay n’yo! Sila na rin daw ang sasagot ng pag-aaral n’yo, mga anak. Pero aanhin pa natin ang lahat ng ito kung wala na ang tatay n’yo? Hindi na niya kayo makikita pang makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng magagandang trabaho at magandang buhay. Ni hindi na rin niya kayo maihahatid sa altar sa araw ng inyong kasal. Hindi ko alam kung paano natin malalagpasan ang kalungkutan na ito, mga anak!” pagtangis ni Aling Remy.

Habang inaayos ni Aling Remy ang mga gamit ng kaniyang asawa ay nakita niya ang luma nitong bag na nilalagyan ng kaniyang mga kagamitan.

Hindi niya maiwasan na yakapin ito sapagkat alam niyang lagi itong bitbit ng kaniyang asawa.

Nang buksan niya ang bag ay isa-isa niyang tinanggal ang mga gamit nito sa pagkakarpintero. Hanggang sa isang plastik na pula ang kaniyang nakita. Nang buksan niya ito ay tumambad sa kaniya ang ilang balunbon ng perang iniipon ni Nilo.

“Ngayon malinaw na sa akin ang lahat. Kaya pala ayaw mong mawalay sa iyo ang bag na ito dahil pinag-iipunan mo pala ang magandang bukas ng ating pamilya. Ang lahat ng ito ay hindi sasapat kapalit ng buhay mo, Nilo. Pero maraming salamat dahil sa wagas na pagmamahal mo sa amin!” umiiyak na sambit ni Aling Remy.

Umabot ng dalawang daang libong piso ang ipon ni Mang Nilo. Ginamit ito ni Remy upang magtayo ng isang maliit na grocery store.

Hanggang sa huli ng kaniyang buhay ay ang mag-iina pa rin niya ang inisip ni Mang Nilo. Kahit wala na siya ay patuloy na babaunin ng kaniyang mag-iina ang iniwan niyang wagas na pagmamahal.

Advertisement