
Tinunton ng Magkakapatid ang Inang Nag-Iwan sa Kanila sa Bahay-Ampunan; Kalunos-Lunos pala ang Katayuan Nito
“Sigurado ba talaga kayo sa binabalak n’yo, Kuya Jomar at Cathy? Kung ako kasi ang tatanungin ay mas ayos na sa akin na hindi na natin balikan ang nakaraan. Ayos naman na ang buhay natin at sa tinagal-tagal din ng panahon ay hindi naman tayo hinanap ng babaeng iyan!” naiinis na sambit ni Georgia sa kaniyang mga kapatid.
“Huwag ka ngang ganyang magsalita, Georgia. Kahit pagbali-baliktarin mo pa ang mundo ay siya pa rin ang tunay nating ina. Sa kakarampot na alaala na mayroon ako sa kaniya ay alam kong may dahilan siya kung bakit niya nagawa na ipaampon tayong lahat,” wika naman ng panganay na si Jomar.
“Para sa akin naman kahit makita ko siya o hindi ay wala din namang magbabago sa buhay natin. Kaya maganda na ‘yung malaman natin kung nasaan ba siya. Nagtatampo man ako ay hindi ko rin kasi maiwasan na isipin kung bakit nga ba nagawa niya ang ginawa niya. Ni wala man lamang akong alaala ni nanay,” sambit naman ng bunsong si Cathy.
Mahigit tatlong dekada na kasi ang nakakalipas nang dalhin ng inang si Hilda ang tatlo niyang anak sa bahay-ampunan. Hindi naging madali ang buhay ng magkapatid habang naghihintay ng aampon sa kanila. Lalo pa nang malaman nilang hindi sila sama-samang aampunin ng iisang pamilya lamang.
Pinilit ng panganay na si Jomar na alamin kung nasaan ang kaniyang mga kapatid. Nakatulong ng malaki ang magandang teknolohiya sa kasalukuyan.
Nasa ibang bansa na si Jomar at doon na sila naninirahan ng kaniyang pamilyang nakaampon sa kaniya. Doon na rin siya nakapag-asawa at nagkaroon ng sariling pamilya.
Samantalang si Georgia ay inampon ng isang negosyante at si Cathy naman ay napunta sa isang prominenteng pamilya sa probinsya. Lahat sila ay naging maayos naman ang buhay.
Umpisa pa lang na natunton ni Jomar ang kaniyang mga kapatid ay lagi na niyang sinasabi na hahanapin nila ang kanilang magulang. Naalala pa niya ang tunay na pangalan ng ina at kung saan sila noon nakatira dahil anim na taong gulang na siya noon nang sila’y dalhin sa ampunan.
Tutol naman si Georgia sa nais gawin ng kaniyang kuya dahil para sa kaniya ay matagal na silang walang koneksyon sa ina dahil pinaampon sila nito. Malaki ang galit ni Georgia sa kanilang tunay na ina.
Ilang linggo pa ng pagpupumilit ay pumayag na rin si Georgia na hanapin nilang magkakapatid ang kanilang ina.
“Kapag nakita ko ‘yang babaeng iyan ay ipapamukha ko sa kaniya kung gaano na ako kasaya ngayon. Kung paano ako inaruga ng pamilyang kumupkop sa akin. Sila ang nariyan noong kailangan ko ng isang ina. Matagal ko nang iniisip na kaya tayo pinamigay ng babaeng iyon ay dahil may iba na siyang kinakasama. Hindi ba ikaw na rin ang nagsabi sa akin, kuya, na may natatandaan kang kinakasama niya? Pinagpalit niya tayo para sa sarili niyang kaligayahan!” nagngingitngit sa galit itong si Georgia.
“Tama ka, Georgia. Pero hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan dahil mahal na mahal tayo ni nanay!” sambit naman ni Jomar.
“Mahal? Ganyan ang pagmamahal sa para sa kaniya? Mas pinili niyang mawalay sa atin? Dinala niya tayo sa bahay-ampunan at ipinamigay, kuya! Tapos sasabihin mong mahal niya tayo?! Mag-isip ka nga!” bulyaw pa ng kapatid.
Ngunit naniniwala si Jomar na may dahilan ang kanilang ina. Kaya lagi niyang pinapanalangin na sana ay buhay pa ang kanilang ina at isang araw ay matagpuan na nila ito.
Lumipas ang ilang buwan at tila nawawalan na ng pag-asa ang magkakapatid na makita ang kanilang tunay na ina.
Hanggang sa isang araw habang magkaka-video call ang magkakapatid ay may umantig sa damdamin ng bunsong si Cathy.
“Kawawa naman itong matandang babaeng ito na nasa social media. Palaboy-laboy lamang daw sa kalye. Napakadumi niya at mukhang nanghihina na ang katawan. Parang wala ata siya sa tamang pag-iisip,” kwento ni Cathy.
Pinakita ni Cathy sa kaniyang mga kapatid ang larawan ng matandang babaeng kaniyang nakita sa social media.
Nang pakatitigan ni Jomar ay laking gulat niya nang makita ang isang pamilyar na mukha.
“Hindi ako pwedeng magkamali. Tandang tanda ko ang nunal sa mukha ng matandang babaeng ‘yan! Kumuha ka ng mga detalye kung saan natin siya matatagpuan, Cathy. Malakas ang kutob ko na ‘yan ang nanay natin!” sambit ni Jomar.
Agad na nagdesisyon si Jomar na bumalik ng Pilipinas. Sabay-sabay silang magkakapatid na tinunton ang kinaroroonan ng matandang babae.
Sa isang pinagtagpi-tagping kahoy at yero sa isang maputik at mabahong bangketa katabi ng mga basura nila nakita ang naturang matanda. Hindi na ito makausap nang matino at lagi lamang itong tulala. Kita sa kaniyang itsura ang tindi ng hirap na kaniyang pinagdaraanan.
“Kung siya talaga ang nanay natin ay dapat lang iyan na mangyari sa kaniya. Karma ‘yan sa pag-iwan niya sa atin. Hindi man lamang niya tayo pinanagutan!” sambit ni Georgia sa dalawang kapatid.
“Ate, hindi ka ba naaawa sa kaniya? May tampo rin ako kay nanay pero sobra naman ang nangyaring ito sa kaniya kung siya nga ang ating ina,” wika ni Cathy habang nangingilid ang luha.
Dahan-dahang nilapitan ng magkakapatid ang matandang babae. Isang tingin pa lamang sa kanila ng matanda ay bumagsak na ang mga luha nito.
“Hindi ko alam kung nasa langit na ba ako… Ngunit alam kong kayo ang mga anak ko! Jomar, Jonna, at Julia! Patawarin n’yo ako, mga anak, kung kailangan ko kayong iwan sa bahay-ampunan! Buong buhay ko iyong pinagsisisihan!” pagtangis ng matanda.
Kahit na ubod nang dumi ang matanda ay niyakap ito ni Jomar!
“Nanay Hilda, ikaw nga! Kay tagal kong nangulila sa inyo, ‘nay! Masaya ako at sa wakas ay nagkita na rin tayo!” umiiyak na sambit ng panganay na anak.
“Ito na po sina Jonna, ‘nay. Georgia po ang ipinangalan sa kaniya ng mga nag-ampon sa kaniya. At ito naman po si Julia, Cathy naman po ang pangalan niya ngayon. Tara mga kapatid at lapitan n’yo ang nanay natin!” patuloy na pahayag ni Jomar.
Agad na yumakap si Cathy sa ina ngunit si Georgia ay pilit pa ring tinitigasan ang kaniyang loob.
“Bakit, ‘nay? Bakit mo kami iniwan sa bahay-ampunan na parang mga ligaw na kuting? Bakit mo ipinagdamot sa amin na makasama ka? Hindi mo ba talaga kami mahal?” hinagpis naman ni Georgia.
Panay ang iling habang patuloy ang pagluha ni Hilda.
“Mahal na mahal ko kayo, mga anak. Walang segundo na hindi ko kayo inisip!” tugon ng ina.
“Pero bakit mo kami ipinamigay? Hindi mo na lang kami ibinigay sa mga kamag-anak mo! Inilayo mo kami sa iyo!” bulyaw pa ng anak.
“Walang ina ang nais na mawalay sa kaniyang mga anak. Ngunit kailangan kong gawin ang bagay na iyon dahil alam kong iyon ang makabubuti sa inyo. Kinukuha kayo ng mga kamag-anak ng tatay n’yo ngunit nais kayong gawing alila at pambayad utang. Hindi ko kayo kayang buhayin dahil may pinagkakautangan ang tatay n’yo noon bago pa niya tayo iwan. Pilit niyang kinukuha ang isa sa inyo para ibenta. Para masigurado ko ang kaligtasan n’yo ay inilagay ko na lang kayo sa bahay-ampunan. Alam kong doon ay makakapili sila nang maayos na pamilya na kakalinga sa inyo. Masaya akong malaman na naging maayos lahat ang buhay n’yo, mga anak! Isang bagay na hinding hindi ko kayang ibigay!” patuloy sa pagtangis si Aling Hilda.
Sa puntong iyon ay hindi na naiwasan pa ni Georgia na maluha rin dahil sa mapait na sinapit ng kaniyang ina. Ngayon ay naunawaan na niya na ang tanging nais lamang pala ng kanilang ina ay maging maayos ang kanilang mga buhay.
Pinawi ng mahihigpit na yakap na iyon ang mga taon ng kanilang pagkakawalay. Napatawad na ng magkakapatid ang kanilang ina. At dahil sa maayos naman ang kinahinatnan ng buhay nila ay nagtulong tulong ang magkakapatid na bigyan ang ina ng maayos na tirahan at magandang buhay.
Mahigit na tatlumpung taon ang nawala sa mag-iina. Ngayon ay hindi na nila hahayaan pa na sila’y muling magkawalay pa.