Inday TrendingInday Trending
Inilagak ng Ginoo ang Inang Nagdadalamhati sa Isang Home for the Aged; Pighati ang Magiging Dulot Nito sa Kaniya

Inilagak ng Ginoo ang Inang Nagdadalamhati sa Isang Home for the Aged; Pighati ang Magiging Dulot Nito sa Kaniya

“Roel, ano na ngayon ang balak mo sa nanay mo ngayong wala na ang tatay mo? Hindi mo p’wedeng basta na lang pabayaan ‘yan dahil matanda na rin ang nanay mo. Mahirap para sa kaniya ang walang katuwang sa buhay,” nag-aalalang sambit ni Domeng sa kaniyang pamangkin.

“Tinanong ko naman ang nanay, tiyo. Ang sabi naman niya ay ayos lang daw siyang mag-isa sa bahay. Hindi kasi siya talaga maaasikaso sa bahay dahil palagi akong wala bilang ako ang nagtatrabaho. Marami na ring responsibilidad ang asawa ko sa aming mga anak. Saka baka mamaya ay hindi magkasundo ang nanay at ang asawa ko,” tugon naman ni Roel.

Napailing si Domeng sa tinuran ng pamangkin.

“Matanda na ang nanay mo, Roel. Kung maiiwan siyang mag-isa sa bahay na iyan ay lalo lamang niyang mararamdaman ang pagdadalamhati sa pagkawala ng tatay mo. Iuwi mo na siya muna sa bahay ninyo. Hindi magiging maayos ang lagay ng nanay mo kung mag-iisa lang siya!” giit pa ni Domeng.

Batid ni Roel na hindi siya tatantanan ng kaniyang tiyuhin kung hindi niya susundin ang payo nito. Isa pa, kahit na sinasabi ng kaniyang ina na ayos lamang itong mag-isa sa bahay ay nahahabag din naman siya dito. Kaya napagpasyahan niyang nang araw na ring iyon ay isama na ang kaniyang inang si Lisa pauwi ng bahay nilang mag-asawa at panandaliang magbakasyon muna.

“Wala namang problema sa iyo kung mananatili muna dito ang nanay ko, hindi ba? Kailangan mo lang siyang pakisamahan ng kaunti. Unawain mo na lang at kakawala lang ng tatay ko,” saad ni Roel sa asawang si Joy.

Sa una ay maayos naman ang naging pakikitungo ni Joy sa kaniyang ina. Ngunit dahil nga may edad na rin si Lisa at hindi pa rin nito matanggap ang pagkawala ng asawa ay madalas itong walang ganang makipag-usap. Minsan din ay masungit ito at nais lamang na mapag-isa.

Dahil dito ay hindi palagay si Joy na makasama ang biyenan sa iisang bubong.

“Madalas niyang sigawan ang mga bata, Roel. Ako man ay hindi nakakaligtas sa pagpapalit-palit niya ng disposisyon. Nakakasawa na lagi na lamang siyang inuunawa. Ibalik mo na lang siya sa bahay niya sapagkat iyon naman ata ang kaniyang kagustuhan!” saad ni Joy sa mister.

“Ngunit nag-iisa lang ang nanay ko sa bahay at wala siyang makakasama do’n. Hindi magiging mabuti para sa kaniya ang mag-isa,” tugon naman ni Roel.

Sa pagdidiskusyon nilang mag-asawa ay napagdesisyunan nilang manatili na muna sa kanilang poder ang matanda.

Ngunit ilang linggo pa ang nakalipas ay tila sinusumpong na naman ng pagkalungkot si Lisa. At dahil sa hindi na alam ni Roel ang gagawin ay kinumpronta niya ang ina.

“Kailangan n’yo ring tulungan ang sarili n’yo, ‘nay! Wala na si tatay kaya tanggapin n’yo na ‘yon! Hindi ako laging nandito sa tabi n’yo dahil may mga ginagawa rin ako. Hindi ko kayo kayang alagaan pa kaya sana ay huwag naman kayong maging pabigat sa akin!” pakiusap ni Roel sa ina.

Walang nagawa si Lisa kung hindi umiyak at magkulong sa kaniyang kwarto matapos ang pagtatalo nila ng kaniyang anak.

Kinagabihan ay pupuntahan sana ni Lisa si Roel upang humingi ng tawad. Napagnilayan niya kasi ang sinabi ng kaniyang anak. Kakatok sana ng kwarto itong si Lisa nang mapansin niyang medyo bukas ang pinto ng kwarto ng kaniyang anak at asawa nito. Papasok sana siya nang bigla niyang marinig ang pag-uusap ng mga ito.

“Hindi ko na talaga kaya pang alagaan si nanay. Hindi ako makapokus sa trabaho ko. Kailangan ko na siyang dalhin sa isang home for the aged. Doon ay maibibigay ang kalinga na kailangan niya!” sambit ni Roel kay Joy.

Hindi naman na tumutol pa si Joy sa balak ng asawa. Nahihirapan na rin kasi siyang pakisamahan ang kaniyang biyenan.

Kinabukasan ay malayang sumama si Lisa sa kaniyang anak upang ihatid siya sa home for the aged. Maaliwalas ang mukha ni Lisa at walang bakas ng lungkot na mababanaag. Lalo itong nagbigay ng rason para isipin ni Roel na tama ang kaniyang ginagawa.

Minsan sa isang linggo ay dinadalaw ni Roel ang kaniyang ina. Pansin niyang nag-iiba na ang itsura ng kaniyang ina at nagiging masaya na ito paunti-unti.

Habang tumatagal ay nagiging madalang na rin ang pagdalaw ni Roel sa kaniyang Nanay Lisa. Dahil na rin ito sa pagkaabala niya sa trabaho at kampante naman siyang maayos ang kalagayan ng kaniyang ina.

Hanggang isang gabi ay nakatanggap ng tawag itong si Roel mula sa pamunuan ng pasilidad.

“Hindi na ayos ang lagay ng nanay mo rito, Roel. Magmadali ka at puntahan mo siya,” saad ng babae sa kabilang linya.

Nagmadali si Roel kasama ang asawang si Joy na nagtungo sa Home for the Aged. Doon ay inabutan niya ang ina na hirap na hirap na para sa kaniyang buhay.

“‘Nay, narito na po ako, ang anak niyo, si Roel,” saad pa nito.

“‘Nay, sabihin n’yo lang sa akin ang lahat ng habilin ninyo at pinapangako ko sa inyo na tutuparin ko!” sambit muli ni Roel.

Hirap man ay hinawakan ni Lisa ang mukha ng anak.

“Anak, tulungan mo ang pasilidad na ito na magkaroon ng sapat na masustansyang pagkain. Malas ay kulang ang nakakain namin. Tulungan mo rin silang magkaroon ng mga pasilidad kung saan p’wede silang magsama-sama. Maraming pagkakataon na nalulumbay ako dahil ramdam kong mag-isa lamang ako,” nahihirapang sambit ni Lisa.

“Bakit hindi n’yo man lamang sinasabi sa akin na hindi kayo nakakakain ng tama dito at lagi pala kayong malungkot? Ang akala ko po ay ayos kayo dito sa pasilidad na ito. Bakit ngayon n’yo lang sinasabi sa akin ‘yan kung kailangang mawawala na kayo rito at hindi n’yo na ito mapapakinabangan pa?” lumuluhang tanong ni Roel.

“Hindi para sa akin ang lahat ng iyan, anak. Tanggap ko nang hanggang dito na lang ang buhay ko. At sa wakas ay magkakasama na rin kami ng tatay mo. Nangangamba ako anak na kapag ikaw naman ang ilagak ng mga anak mo rito ay mahirapan ka,” wika ni Lisa sa anak.

Hindi alam ni Roel ang mararamdaman niya sa huling tinuran ng ina. Labis siyang nagsisisi sapagkat hinayaan lamang niyang lumipas ang araw nang hindi man lamang naipaparamdam sa kaniyang ina ang pagmamahal ng isang anak. At hanggang huli ay iniisip pa rin ng kaniyang ina ang mabuti para sa kaniya.

“Ako ang dapat na naging lakas niya nang mawala ang tatay ko. Ako dapat ang naging sandigan niya ngunit ako pa ang gumawa ng dahilan upang lalo siyang malugmok sa kalungkutan. Patawarin mo ako, nanay! Patawad dahil hindi ako naging isang mabuting anak!” pagtuloy na pagtangis ni Roel.

Huli na nang mapagtanto niya ang lahat ng ito. Nang gabi na iyon ay bumuhos ang luha at pagsisisi sa pagkawala ng matandang ina.

Advertisement