Inday TrendingInday Trending
Napilitang Mag-1-2-3 sa Dyip ang Mag-Ama Maihatid Lang ang Anak sa Unang Araw Nito sa Trabaho; Nagbunga ang Kahihiyang Ito ng mas Magandang Bukas

Napilitang Mag-1-2-3 sa Dyip ang Mag-Ama Maihatid Lang ang Anak sa Unang Araw Nito sa Trabaho; Nagbunga ang Kahihiyang Ito ng mas Magandang Bukas

Matindi ang pag-aasam ni Marie na makatapos na ng pag-aaral. Alam niya kasing tanging ito ang magiging susi para maiahon niya ang kaniyang mga magulang sa kahirapan. Ume-ekstra lamang kasi bilang pintor ang kaniyang ama. Ang kaniyang ina naman ay isang labandera. Maagang nakapag-asawa ang kaniyang nakatatandang kapatid at hindi rin ayos ang buhay nito kasama ang tatlong mga anak. Tanging si Marie na lamang ang inaasahan ng kaniyang pamilya.

Nasa ika-apat na taon na ng kolehiyo itong si Marie. Halos sumuot nga siya sa karayom maitawid lang niya ang mga semestre. Malapit man siyang makatapos ng pag-aaral ay alam niyang marami pa siyang pagdadaanan. Ang huling semestre kasi nila ay nakalaan para sa kanilang OJT. At sigurado si Marie na malaking pera ang kailangan niya.

Napansin ng amang si Jun ang tila nangangambang itsura ng kaniyang anak na si Marie.

“Anak, may problema ba?” tanong ng ama.

“Wala naman po, ‘tay. Huwag niyo na po akong pansinin may naalala lang po ako,” pinipilit ni Marie na ngumiti dahil ayaw niyang mag-alala pa ang kaniyang tatay.

“Huwag mo nang itago sa akin, anak. Nakita ko sa mesa mo na natanggap ka para mag-OJT sa Quezon City. Maganda at tanyag na opisina iyon, anak. Hindi ka ba masaya?” tanong muli ng ama.

“M-masaya po. Sa totoo lang ay hindi ko maipaliwanag ang mararamdaman ko, ‘tay. K-kasi po, ‘tay, malayo po ang Quezon City rito sa atin. Malaki po ang gagastusin ko sa pamasahe. Tapos kailangan ko pa pong magbaon dahil buong araw po kami do’n. Pero ako na po ang bahala. Huwag na po kayong mag-alala, ‘tay. Hahanap na lang po ako ng mas malapit,” tugon naman ni Marie.

“Anak, kung gusto mo doon ay ituloy mo. Huwag mong palagpasin ang magandang oportunidad na ito. Hayaan mo at gagawa kami ng nanay mo ng paraan upang maitawid natin ang OJT mo na ito,” sambit pa ni Mang Jun.

Nabuhayan ng loob itong si Marie. Alam niyang hindi siya pababayaan ng kaniyang ama.

Ngunit ilang araw bago ang nakatakdang pagpasok ni Marie sa naturang opisina ay walang makuhang trabaho itong si Mang Jun. Panay kasi ang ulan. Wala na ring makapagpahiram pa ng pera sa kanila dahil baon na baon na sila sa utang.

“Anak, hayaan mo at gagawa tayo ng paraan. Bukas ay sasamahan kita. Mag-ayos ka na ng mga gamit ngayon pa lang upang hindi ka mahuli sa unang araw ng pasok mo,” bilin ni Mang Jun sa anak.

Dumating ang kinabukasan. Maaga pa lamang ay umalis na ng bahay ang mag-ama. Tanging mainit na tubig lamang ang laman ng sikmura ng dalawa. Nagbaon lamang ng kanin at kamatis itong si Marie dahil wala talaga silang kapera-pera.

Bago umalis ng bahay ay kinuha ni Mang Jun ang matagal na niyang itinatagong pilak na lighter. Napulot niya ito noon habang nagpipinta siya ng isang tindahan.

Habang naglalakad ay ipinaliwanag ni Mang Jun ang kaniyang plano kay Marie.

“Anak, aaminin ko na sa iyo, wala talaga akong nadilehensiyang pera. Huwag kang magpahalata sa unang dyip na sasakyan natin na hindi tayo magbabayad. Pasensiya ka na kung gagawin natin ito pero hindi ko kayang hindi mo matapos ang iyong pag-aaral,” saad ng ginoo.

Kinakabahan man at nahihiya ay wala nang nagawa pa si Marie kung hindi lakasan na lamang ang kaniyang loob at pilit gawin ang sinabi ng kaniyang ama.

Tatlumpung minuto lamang ang byahe ngunit tila napakatagal nito para kay Marie. Para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib nang makalusot sila ng ama.

Ngunit kailangan pa nilang sumakay muli ng bus. Sa pagkakataong ito ay hindi na sila nakatakas pa. Galit na galit ang konduktor nang malamang walang pambayad ang mag-ama at pilit silang pinabababa.

“Parang awa mo na, boss, hayaan mo na lang kahit ang anak ko na makasakay hanggang sa opisinang papasukan niya. Unang araw niya sa trabaho at kailangan niya ito para makatapos siya ng pag-aaral. Parang awa mo na, boss,” pagmamakaawa ni Mang Jun sa konduktor.

Halos maluha naman si Marie nang makita niya ang pagsusumamo ng kaniyang ama.

Dali-daling binunot ni Mang Jun ang lighter at pilit na ibinibigay sa konduktor.

“Kahit ito na lang ang ibayad ko sa’yo. Sa iyo na ang lighter na ito, pasakayin mo lang ang anak ko. Bababa na ako dito basta siguraduhin mo lang na makakarating ang anak ko sa opisina,” muling pakiusap ng ginoo.

Pumayag din sa wakas ang konduktor at bumaba naman ng bus si Mang Jun. Alam ni Marie na wala itong dalang pera at maglalakad lamang ito pauwi ng kanilang bahay.

Hindi na napigilan pa ni Marie na maluha. Ibinaba naman siya sa kailangan niyang puntahan ngunit bago pa pala siya makarating sa opisinang papasukan ay kailangan pang sumakay muli. Dahil takot nang mapahiya muli ay nilakad na lamang ni Marie patungong opisina.

Tumatagaktak ang kaniyang pawis nang makarating sa pupuntahan. Mabuti na lamang ay mabait ang lahat ng mga nagtatrabaho doon at magiliw siyang tinanggap. Pansamantala ay nakalimutan ni Marie ang kaniyang mga problema ngunit inaalala niya kung nakauwi na kaya ang kaniyang Tatay Jun at paano naman kaya siya uuwi gayong wala siyang dalang pera.

Nais man niyang manghiram sa mga katrabaho ay nahihiya siya dahil unang araw pa lamang niya sa opisina.

Kaya nang mag-uwian ng alas singko ng hapon ay nagsimula nang maglakad itong si Marie. Gutom at pagod ang kaniyang naramdaman sa anim na oras na paglalakad. Halos abutin na siya ng madaling araw sa lansangan.

Nang sa wakas ay nakita niya ang kanilang bahay ay pinangako niya sa kaniyang sarili na kahit kailan ay hindi na ito mangyayari sa kaniya. Lalo siyang kumapit sa kaniyang mga pangarap nang sa gayon ay maiahon niya ang pamilya sa kinasasadlakang kahirapan.

Isang magandang balita naman ang bumungad sa kaniya nang siya ay makauwi. May tanggap na raw na trabaho ang kaniyang ama at ina.

“Bumale muna sa ako sa amo ko. Ang sabi ko ay gagamitin para sa pamasahe mo, anak. Pasensya ka na at kinailangan mong pagdaanan ang lahat ng ito. Ngunit hanga ako sa katatagan mo, anak. Nawa’y ibigay ng Diyos ang lahat ng mabuting bagay sa iyo,” nangingilid ang luha ni Mang Jung habang sinasabi ito sa dalaga.

Pinaghusayan ni Marie ang kaniyang pagtatrabaho. Napalapit na rin siya sa ilang mga empleyado doon dahil nga sa angkin niyang sipag at dedikasyon. At nang malaman ng mga ito ang pinagdaraanan ng dalaga, sa tuwing sweldo nila ay nag-aambagan sila upang may maibigay na allowance kay Marie.

Laking pasasalamat naman ni Marie sa kabutihang ginawa sa kaniya ng mga empleyado ng kompanya.

Isang mas magandang balita pa ang nagpaluha kay Marie nang isang araw ay kausapin siyang kaniyang boss.

“Marie, nais ng kompanyang ito na anyayahan ka na dito ka na magtrabaho kapag natapos ka na sa pag-aaral. Kailangan namin ng isang taong kasing sipag at kasing galing mo. Sana ay paunlakan mo kami dahil mataas na posisyon ang naghihintay sa iyo,” wika ng babaeng amo.

Napaluha na lamang sa labis na kagalakan itong si Marie. Sa dami kasi ng hirap na kaniyang pinagdaanan ay sa wakas at nakikita na niya ang liwanag sa mas magandang bukas.

Makalipas ang limang taon ay marami na ang nagbago sa buhay ni Marie at kaniyang pamilya. Hindi na nangangamuhan pa ang kaniyang mga magulang, dahil sa taas ng sahod ni Marie ay siya na ang bumubuhay sa mga ito. Naipagawa na rin niya ang kanilang bahay at mayroon na silang negosyong bigasan at malaking grocery.

Sa tuwing binabalikan niya ang nakaraan ay hindi niya maiwasan ang pangingilid ng kaniyang luha.

“Talagang tutuparin ng Panginoon ang Kaniyang pangako. Maraming salamat, Diyos ko, at hindi Mo kami pinabayaan,” sambit ni Marie habang nakatingin sa langit.

Advertisement