
Kahit Maruming Pagkain ay Kaniyang Kinakain Maibsan Lamang ang Kalam ng Sikmura; Isang Tulong ang Darating, Tulungan Niya Rin Kaya ang Sariling Makawala sa Kahirapan?
Dala ng humahapding sikmura ay napilitan si Norman na mangalkal sa basurahan upang maghanap lamang ng makakain para na rin maibsan ang pangangalam ng kaniyang tiyan. Kahit nakakadiri ay wala siyang mapagpipilian.
Abala si Norman sa pagngata ng nakuhang maruming pagkain sa basurahan nang biglang may sumita sa kaniya. Isang mamá na may malaking katawan. Matangkad ito at paniguradong isang balibag lamang nito sa kaniya’y mapapadpad na siya sa malayong lugar.
“Hoy!” sita nito.
Agad niyang nabitawan ang maruming pagkain at aktong tatakbo na sana siya nang agad siya nitong nahawakan sa braso.
“Sino ka’t anong ginagawa mo rito?!” malaki at nakakatakot ang boses nito.
“N-nagha-hanap l-lang naman po ako ng m-makakain,” nanginginig at mangiyak-ngiyak na wika ni Norman.
“Makakain? D’yan sa basura?” anito na animo’y hindi naniniwala.
Tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa at agad ring ngumiwi nang tuluyang tumambad sa harapan nito ang kaniyang itsura. Marahan siya nitong binitawan at malumanay na kinausap.
“O-opo,” mahinang sagot ni Norman. “Nagugutom na po kasi talaga ako, para lang maibsan ang panghihilab ng tiyan ko’y naghanap na lang ako ng makakain sa basurahan,” muli niyang wika.
“Nasaan na ang mga magulang mo?”
“Ulila na po akong lubos,” tugon niya. “Sampung taong gulang pa lang po ako’y nam@tay na silang pareho dahil sa sakit na TB. Mula po noon ay kung kani-kaninong kamag-anak na lamang po ako nakikituloy. Kaso palagi rin nila akong pinapalayas kasi sabi nila salot daw ako’t animo’y may sumpa. Kaya nagpalaboy-laboy na lamang po ako,” dagli niyang paliwanag.
Dala ng awa ay inimbitahan siya ng lalaking pumasok sa loob ng bahay nito upang doon kumain. Agad naman siyang sumama sa lalaki, dahil wala naman siyang pagpipilian. Apat na araw nang hindi nalalamnan ang kaniyang sikmura.
“Pumasok ka rito sa loob, Norman,” aya ng lalaki.
“Dito na lang po ako sa labas ng bahay ninyo boss, madumi po ako at nangangamoy basura… baka maipasok ko pa ang masangsang kong amoy d’yan sa malinis at maganda mong bahay,” nahihiyang wika ni Norman.
Ngunit ipinagpilitan pa rin ng lalaki na pumasok siya sa loob at hindi inalintana ang sinabi niya. Pagkapasok ay ipinakilala siya ng lalaki sa asawa nito at inutusan siyang maligo. Pagkatapos maligo ay pinakain siya ng mga ito, habang kumakain ay nagkwento siya kung paano siya humantong sa pagiging palaboy. Binigyan siya ng damit, mga gamit na ayon sa misis nito’y hindi na nila nagagamit at pinabaunan siya ng malaki-laking pera, na kahit tanggihan niya’y ipinagpilitan iyon ni Mang Henry.
“Sa susunod na magkikita tayo, gusto ko’y ibang Norman ka na ah,” mahigpit na bilin ni Mang Henry. “Iyang kaunting halagang ibinigay ko sa’yo, sana mapalago mo iyan, para hindi mo na kailangang mangalkal ng basura para makakain. Tandaan mo Norman, may misyon ka pa sa buhay na ito kaya hinayaan kang mabuhay ng ating Panginoong Ama, hindi por que nawala na ang buong pamilya mo’y wala ka nang pag-asa. Habang may buhay, Norman, palaging may pag-asa. Sana muli pang mag-krus ang landas natin,” anito saka matamis na ngumiti.
Nais umiyak ni Norman sa huling sinabi ni Henry bago siya tuluyang umalis sa bahay nito. Nakakataba ng pusong malaman na may mga tao pang kagaya ni Henry na nagbibigay pag-asa sa mga kagaya niyang tila wala nang pag-asa sa buhay.
Ipinangako ni Norman sa sarili na sa susunod na magkrus ang landas nila ng lalaki ay ibang Norman na ang makikita nito.
Upang mapalago ang perang ibinigay ni Henry ay nag-isip siya ng pwede niyang maging negosyo at napili niyang bumili ng candy, sigarilyo, tubig, at basahan na mahalaga sa mga tsuper na palaging nasa daan. Naging takatak boy siya at sinusuong ang init at ulan sa kalsada para kumita lamang ng pera.
Unti-unti ay lumago ang sinimulan niyang negosyo dala na rin ng labis na pagsisikap. Noong sa tingin niya’y kaya na niyang pag-aralin ang sarili’y muli siyang nag-aral. Hindi para sa ibang tao, kung ‘di para sa sarili niya. Mahirap pero alam niyang kakayanin niyang mapagtapos ang sarili.
Mabilis na lumipas ang panahon… ang binatilyong si Norman na noon ay palaboy, nangangalkal ng basura makakain lang, madungis at mabaho… ngayon ay isa na sa may-ari ng malaking sikat na restawran sa buong syudad. Dala ng labis na pagsisikap sa buhay gamit ang perang ibinigay noon sa kaniya ni Mang Henry, napalago niya ito at heto na nga siya ngayon. Propesyonal at nagmamay-ari na ng malaking restawran!
“Sir, nagbi-bill out na po iyong table number 9,” wika ni Tony, isa sa kaniyang mga trabahante.
“Ako na ang kakausap sa kanila, Tony, paki-total na lang lahat ng babayaran nila,” aniya saka hinintay ang resibo ng table number 9.
Nang makuha ay agad na naglakad si Norman sa pwesto ng pamilyang naka-okupa ng table 9.
“Iyan na ba ang bill namin?” masayang wika ng lalaking kahit ilang dekada na ang lumilipas ay hindi man lang nakalimutan ni Norman ang mukha nito. “Bayad na? Ha, bakit? Sino ang nagbayad?” takang wika ng lalaki.
“Ako po ang nabayad sa lahat ng kinain niyong magpamilya, Kuya Henry,” nakangiting wika ni Norman. Nakita niya kung paano itong nabigla sa sinabi niya. “Long time no see po pala sa inyong dalawa, ako ito si Norman, kung naaalala niyo pa.”Agad na nanlaki ang mata ng mag-asawang Kris at Henry nang magpakilala si Norman. Hindi napigilan ni Kris ang tumayo upang yakapin si Norman nang tuluyan itong makilala, gano’n rin si Henry.
“Hindi kita kailanman nakalimutan, Norman, palagi kong ipinagdarasal na sana mula noong huli kitang nakita ay naging maayos na ang buhay mo. Palagi kong hinihiling na sana’y muling magkrus ang landas natin at hindi ko inaasahan na matutupad ang lahat ng iyon,” mangiyak-ngiyak na wika ni Henry.
“Salamat po Kuya Henry, dahil sa inyo nagkaroon ng pag-asang mabago ang buhay ko. Dahil sa sinabi niyo noon, nagkaroon ako ng ideya na dapat ko palang ipagpatuloy ang buhay ko kahit wala na ang mga magulang ko. Ginawa ko po ang sinabi niyo, pinalago ko ang perang ibinigay niyo at labis akong nagpapasalamat sa inyo, kuya,” puno ng emosyong wika ni Norman.
Tinulungan ni Henry si Norman upang magbago ang masalimuot nitong buhay. Dala ang mga payo ni Henry ay pinilit ni Norman na magsikap sa buhay upang sa muli nilang pagkikita’y ibang Norman na ang makita nito.
“Tinulungan kita Norman sa pamamagitan ng suportang pinansyal, pero mas tinulungan mo ang sarili mo upang magbago ang buhay mo mula sa masalimuot at malupit na katotohanan sa mundo. Kahit tulungan pa kita nang tulungan, kung ayaw mong magbago ang buhay mo, wala pa ring mangyayari sa’yo. Pero higit na mas mahal mo ang sarili mo, kaya heto ka ngayon at naging maunlad sa buhay. Masaya ako’t ipinagmamalaki kita,” masayang-masayang wika ni Henry saka muling niyakap si Norman.
“Salamat pa rin kuya,” aniya. Utang niya sa lalaking ito kung anuman ang mayroon siya ngayon.
Nasa taong tinulungan din talaga ang desisyon kung paano niya nais na baguhin ang sariling kapalaran sa pamamagitan ng tulong ng ibang tao. Kung hindi nag-isip si Norman at mas nakuntento sa maliit na tulong ni Henry noon, baka hanggang ngayon ay isa pa rin siyang palaboy na nangangalkal ng basura upang may maipanlaman lamang sa kumakalam na sikmura.