
Matagal na Niyang Pinapangarap na Sana’y Magkaroon na Sila ng Anak ng Kaniyang Asawa; Ngunit Tila Mawawala rin Ito Agad sa Kanila
“Hon, sa wakas magkaka-baby na tayo! Positive ang pregnancy test ko kaninang umaga at nang pumunta ako sa OB ko’y kinumpirma niyang nagdadalantao ako, eight weeks na siyang namamalagi dito sa sinapupunan ko,” masayang sambit ni Andrea sa asawang si Leo.
Limang taon na rin silang kasal at matagal na nagdasal na sana’y biyayaan na sila ng isang napaka-cute na supling at heto na nga’t natupad na ang matagal na nilang hinihiling dahil sa wakas ay buntis na siya.
“Talaga, hon? Ang saya-saya ko! Magiging tatay na talaga ako,” masayang tugon ni Leo saka mahigpit na niyakap ang asawa’t hinalikan.
Mula nang malaman nilang nagdadalantao siya’y naging mas maalaga pa si Leo sa kaniya. Halos ayaw siyang padampian nito sa lamok, dahil takot itong baka may mangyari sa baby nila.
“Hon, huwag ka na lang tumuloy sa birthday party ni Mareng Dina, hindi naman sa pinagbabawalan kita, pero baka kasi mapa’no ka. Buntis ka pa naman at wala ako doon, hindi kita mababantayan,” nakikiusap na wika ni Leo sa asawa.
“Hon, ayos lang ako. Hindi naman ako magpapagod at ayaw ko namang magtampo si Dina sa’kin, kasi unang birthday ng anak niya’y hindi man lang ako dumalo. Saglit lang naman ako doon, hon, uuwi rin ako agad,” ani Andrea.
Nagdadalawang-isip man si Leo ay wala itong nagawa kung ‘di payagan ang asawang umalis habang siya’y papasok naman sa trabaho. Maselan ang pagbubuntis ni Andrea, dala nang may edad na itong nagdalantao, kaya nga halos hindi niya ito pahawakin ng pitchel ng tubig dahil takot siyang baka may mangyaring masama rito. Sabagay, hindi naman siguro ito pababayaan ng bestfriend nitong si Dina, dahil alam rin naman nito ang lagay ng pagbubuntis ni Andrea.
Pinilit ni Leo na ipanatag ang sarili at magpokus sa trabaho nang biglang mag-ring ang kaniyang selpon. Asawa ni Dina ang nakausap niya’t sinasabi nitong nagmamadali silang itakbo si Andrea sa ospital, dahil bigla itong dinugo nang sobra-sobra. Hindi malaman ni Leo ang dapat unahin nang malamang nasa kapahamakan ang kaniyang mag-ina. Ito na nga ba ang sinasabi niya e!
Isang oras rin bago niya narating ang ospital na pinaghatiran ni Dina at ng asawa nitong si Andrea.
“Ligtas na sila, Leo. Ang sabi ng OB ay baka napagod lang sa biyahe si Andrea, kaya dinugo ito, pero maayos naman ang lagay ng baby niyo. Sorry talaga, ayaw ko namang papuntahin si Andrea, pero nagpupumilit kasi siya. Ang sabi niya’y kaya naman niya at siya ang nakakaalam sa sarili niyang katawan. Buryong na buryong na raw kasi siya sa bahay kaya gusto naman niyang lumabas at makalanghap ng kakaibang hangin. Sorry talaga,” humihikbing paliwanag ni Dina kay Leo.
Hindi alam ni Leo kung ano ang dapat niyang itugon sa mga sinabi ni Dina, dahil blanko pa ang isip niya’t halos ayaw pang gumana nito. Ang tanging iniisip niya ngayon ay ang kaligtasan ng kaniyang mag-ina.
Tinapik niya sa likod si Dina saka naglabas ng malalim na buntong hininga. “Basta ligtas na ang mag-ina ko, Dina, ay ayos na ako.”
Tumango si Dina saka muling bumalik sa pagkakaupo. Nang lumabas ang ob-gyne na nag-asikaso kay Andrea at payagan silang pumasok na loob ay agad na pumasok si Leo sa loob upang makita ang kaniyang asawa. Halata pa rin sa mukha nito ang panghihina at namumugtong mga mata dahil sa pag-iyak
“I’m sorry, hon,” humihikbing wika ni Andrea pagkakita kay Leo.
Agad namang niyakap ng ni Leo ang asawa. “Tahan na, hindi maganda sa’yo at kay baby ang sobrang emosyon,” aniya.
“Kapag may nangyaring masama kay baby, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Kasalanan ko kaya muntik na kaming mapahamak,” humihikbing wika ni Andrea.
“Magpasalamat na lang tayo’t walang nangyaring masama sa inyong dalawa hon, hindi ko rin mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring hindi maganda sa inyo. Sana talaga’y ginawa ko na lang ang lahat upang pigilan ka,” malungkot na wika ni Leo.
“Pangako, hindi na ako magiging pasaway at ipipilit ang gusto ko. Iniisip ko na kilala ko ang sarili kong katawan, ngunit hindi ko pa rin pala masabi kong ano ang mga pwedeng mangyari. Ang hirap-hirap makabuo tapos pwedeng sa isang pitik lang ay mawala na agad. Pangako, mas iisipin ko na palagi ang baby natin kaysa sa sarili ko, hon,” umiiyak na wika ni Andrea saka mas lalong hinigpitan ang pagkakayakap sa asawa.
Simula no’ng araw na iyon ay naging masunurin na si Andrea sa kung anuman ang ibinilin sa kaniya ng kaniyang doktora na mga dapat at hindi dapat gawin, pati na mga paalala ng kaniyang asawa na si Leo ay palagi na rin niyang sinusunod. Totoong kilala niya ang kakayahan ng sarili niyang katawan, ngunit hindi ng kaniyang sinapupunan. Hindi siya kagaya sa ibang babae na tila kay dali lamang magbuntis, may iba pa ngang sumasayaw-sayaw dahil hindi naman kagaya niyang maselan ang m@tres.
Kung kinakailangang magsakripisyo siya ng ilang buwan kahit na nakakabagot ang walang ginagawa ay gagawin niya para lamang mailabas niya nang maayos at malusog ang anak nila ng kaniyang mapagmahal na asawa.Hindi lahat ng babae ay biniyayaang magbuntis at magkaroon ng anak. May ibang kay bilis at dali lang para sa kanila ang gumawa ng bata, pero may ibang kababaehan ang nahihirapan at minsan ay nawawalan na ng pag-asang makakabuo pa.
Para sa mga maseselang magbuntis, isang malaking biyaya mula sa langit ang pagkalooban ka ng supling. Kaya sa mga babaeng nagagawang itapon o ipalagl@g ang anak nila, sana naisip nilang hindi lahat ng babae ay biniyayaan ng bagay na ibinigay sa kanila. Imbes na itapon at tuldukan ang buhay ng walang muwang na sanggol, ibigay na lamang ito sa ibang walang kakayahang magbuntis at mga nagkakandarapang maging isang ina.

Kahit Maruming Pagkain ay Kaniyang Kinakain Maibsan Lamang ang Kalam ng Sikmura; Isang Tulong ang Darating, Tulungan Niya Rin Kaya ang Sariling Makawala sa Kahirapan?
