
Matapos ang Anim na Taon Nilang Pagsasama ay Saka pa Lamang Nalaman ng Babae ang Tunay na Pagkatao ng Nobyo; Ginamit Lang Pala Siya Nito
Tatlong linggo na rin ang nakalilipas mula noong nakalabas si Verly sa ospital dahil sa hindi inaasahang pagkawala ng kaniyang apat na buwang ipinagbubuntis na sanggol. Mula noong nakunan siya at nagpahinga sa ospital ay hindi man lang siya naalalang dalawin ng kaniyang nobyong si Mark. Kahit anong tawag niya rito ay hindi ito sumasagot at nang minsang sinagot nito ang tawag niya’y agad ding nagpaalam dahil may mga kailangan pa raw itong gawin.
“Sigurado ka na ba sa gagawin mo, Verly? Baka mabinat ka d’yan sa ginagawa mo, alam mo namang kaka-raspa lamang sa’yo,” nag-aalalang wika ng kapatid niyang si Vivian.
“Kung hindi ko ito gagawin ngayon, ate, kailan? Mula noong nanghihingalo ako sa ospital, hanggang ngayon ay hindi man lang ako naalalang bisitahin ng nobyo ko. Hindi ba siya nag-aalala sa’kin? Hindi ba niya naiisip na kailangan ko siya sa mga panahong ito?!” inis na wika ni Verly.
“Kung iyan ang gusto mo’y sige… sasamahan kita papunta sa kaniya. Baka kasi mapaano ka, dahil hindi pa talaga nakakabawi ang katawan mo sa nangyaring pagkalagas ng anak mo,” ani Vivian.
Kasama ni Verly ang kapatid ay pinuntahan nila ang apartment kung saan nakatira ang nobyo niyang si Mark. Anim na taon silang magkarelasyon hanggang sa mabuntis siya. Noong una’y ang saya-saya nilang dalawa nang malaman niyang nagdadalantao na siya, ngunit kinalaunan ay biglang nagbago ang ugali ni Mark.
Naging bugnutin ito at kaunting mali lang niya ay agad itong nakasinghal at palaging mainit ang ulo. Pinilit ni Verly na intindihin ang nobyo, iniisip niya’y baka marami lamang itong iniisip kaya naging gano’n ang ugali nito.
Isang hindi inaasahang aksidente ang nangyari dahilan upang malagas ang anak nila sa kaniyang sinapupunan. Ang pinakauna niyang tinawagan ay si Mark, ngunit ang sabi lamang nito’y susunod ito sa ospital dahil may mga kailangan pa itong asikasuhin. Ang iniisip ni Verly noon ay magkukumahog itong puntahan siya dahil sa labis na pag-aalala, ngunit makalipas ang tatlong araw ay saka pa lang ito dumalaw at agad ring umalis dahil may mga kailangan daw itong asikasuhin, at iyon na rin ang huling beses na nakita niya ang nobyo.
Kaya ngayon ay pupuntahan niya ito at kukumprontahin nang personal. Alam ni Verly ang code ng pinto nito kaya hindi na siya nag-atubiling mag-doorbell at deretso na niyang pinindot iyon at agad na nabuksan ang pinto.
Sa pagbukas ng pinto ay kasama no’ng nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakitang kababuyang ginagawa ng kaniyang nobyo, kasama ang isang lalaki at pareho silang nasa ilalim ng kumot— h*bo’t-hub@d!
“A-ano ‘to, Mark?” nauutal niyang tanong. “B-b@kla ka?”
Agad namang bumalikwas ang dalawang lalaki sa kama at pinilit na ikubli ang mga sariling katawan, gamit ang mga kamay nito.
“Verly, please let me explain,” anito.
Anim na taong puro kasinungalingan? Anim na taong hindi niya alam na may itinatagong lihim pala ito sa kaniya. Sa anim na taong iyon hindi man lang niya naramdaman na b@kla ang lalaking minamahal niya.
“Kailan niyo pa ako niloloko, Mark?” nagtatagis ang mga bagang niya sa pinipigilang galit.
“I’m sorry, Verly,” nakayuko at puno ng konsensiyang sambit ni Mark. “Sampung taon na kaming may relasyon ni Jeffrey. Sa katunayan ay nagli-live-in na kami halos limang taon na ang nakakaraan,” mahinang pag-amin nito.
Halos mawalan ng malay si Verly sa bombang pinasabog ni Mark sa harapan niya. Anim na taon pa lang ang relasyon nila, samantalang sampong taon na ang relasyon ng dalawa.
“Ang totoo’y nagmamahalan kami ni Jeffrey nang pumasok ka sa buhay ko. Upang pagtakpan ang kab@klaan ko sa nakakarami ay pinili kong ligawan ka— pero maniwala ka man sa hindi, Verly, minahal kita kagaya nang pagmamahal ko kay Jeff. Pero iba talaga si Jeffrey, kasi mas mahal ko siya kaysa sa’yo,” mangiyak-ngiyak na paliwanag nito.
Nilapitan niya si Mark upang bigyan ng mag-asawang sampal. “Ginamit mo lang pala ako!” nanggigil niyang wika.
“Patawarin mo ako, Verly,” ani Mark.
“No’ng nabuntis ako, Mark, sa magiging anak sana natin… natuwa ka man lang ba talaga? Alin ba sa mga ipinaramdam at ipinakita mo ang totoo, Mark? Kasi naguguluhan na ako,” humihikbing wika ni Verly.
“Alam ng Diyos na sobra akong natuwa noong nalaman kong buntis ka na, dahil sa wakas magiging ama na ako. Pero kakambal nun ang pangamba na baka kapag nagkaanak na tayo’y pilitin mo na akong magpakasal sa’yo. Hindi pa ako handang pakasalan ka, Verly, patawarin mo ako. Pero handa akong maging ama sa anak sana natin, pero hindi ang maging asawa mo. Mahal kita, pero hindi kagaya nang pagmamahal na nararamdaman ko kay Jeffrey,” ani Mark.
Kung legal lamang ang pumat@y ng tao ay baka napat@y na niya ngayon si Mark at ang nobyo nito sa tindi ng pagkamunghing nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Siguro nga may dahilan ang Diyos kaya kinuha nito kaagad ang magiging anak sana nila. Napakasakit isipin na ginamit lamang siya ni Mark upang mapagtakpan ang totoo nitong kasarian sa marami.
Anim na taon? Ipinaabot pa nito sa gano’n kahabang panahon. Kaya pala dati kapag niyaya niya itong mag-live-in na sila’y mahigpit itong tumatanggi, dahil may kalive-in na pala ito. Ang t@nga-t@nga niya upang hindi mapansin na b@kla ang lalaking mahal na mahal niya. Ang t@nga niya dahil hinayaan niya itong gamitin siya.
Bago siya umalis sa bahay nito ay kinuhanan niya muna ito ng litrato kasama ang nobyo nitong si Jeffrey. Wala siyang balak na siraan si Mark sa nakakarami, nais lamang niyang kumuha ng ebidensya upang wala na itong mabiktima pa ulit na kagaya niya.
“Gusto kitang sakalin at pat@yin sa totoo lang, Mark. Ang sakit sa pride ko na malamang matapos ang lahat ay ginamit mo lang pala ako sa pansarili mong kapakanan. Hindi ko alam kung paano kita mapapatawad sa ginawa mo sa’kin,” mangiyak-ngiyak na wika ni Verly. “Pero sana kaysa manggamit ka ng ibang babae upang pagtakpan ang totoong ikaw, lumantad ka na at tanggapin ang panghuhusga ng ibang tao. Sa ganoong bagay, wala ka pang nasaktan na kagaya ko!”
“I’m sorry, Verly,” puno ng emosyong wika ni Mark, pati na rin ng nobyo nitong kanina pa nakayuko at hindi makatingin ng tuwid sa kaniya.
Bago siya tuluyang umalis sa harapan ng dalawa’y binigyan niya muna ng malakas na suntok sa mukha si Mark, dahilan upang matumba ito sa sahig at bahagyang dumugo ang ilong nito.
“Kulang pa ang sakit na iyan sa sakit na nararamdaman ko ngayon!” ani Verly, saka nagmartsa palabas ng bahay nito kasama ang kapatid niyang si Vivian.
Mas maigi na rin ang tagpong nakita niya. Masakit dahil ang daming niyang ibabasurang alaala at ang taon na pinagsamahan nila. Pero ang isiping ginamit lamang siya nito para sa pansariling kapakanan ay nais niyang kasuklaman ang lalaki. Makaka-move-on rin siya… hindi man agad-agad, pero alam niyang mangyayari rin ang bagay na iyon sa takdang panahon.
Huwag na huwag tayong gumamit ng ibang tao sa kung anumang paraan upang mapagtakpan ang totoo nating kulay, dahil hindi natin alam kung ano ang magiging epekto noon sa taong maaari nating masaktan.