
Nang Dahil sa Inggit ay Ipapahamak ng Babaeng Ito ang Kaniyang Kapwa, Kayanin Kaya Niya ang Hagupit ng Karma?
“Hindi ko na kaya ang ganito! Dapat ay matuto siya ng leksyon! Anong akala niya, isa siyang Diyosa? Maganda lang siya, matalino ako! Hindi lang ‘yun makita ni Andrew dahil sa malandi siya!” inis na inis na sabi ni Micah sa sarili habang nakatitig siya sa bago nilang kaklase na kaagad na nakaagaw ng atensyon ng lahat, si Aya.
“Micah, hello, alam mo ba ‘yung sinasabi nila Andrew na Freshmen Night? Gusto ko kasing maranasan ‘yun kahit na malapit na tayong magtapos. Sa tingin mo, pwede kaya?” tanong ni Aya na lumapit sa kaniya at kaagad siyang niyakap na parang isang kapatid.
“Ikaw pa ba? E ikaw yata ang star ng taong ito! Huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa’yo!” kaagad naman na sagot niya rito at pumeke pa lalo siya ng ngiti nang makita niyang nakatingin sa kanila si Andrew, ang kaisa-isang lalaking laman ng puso ng dalaga.
Halos ilang buwan pa lamang nilang kaklase si Aya ngunit hindi maipagkakaila na maraming nahuhumaling sa dalaga at ayos lang naman ito kay Micah dahil sanay na siya sa mga ganitong klase ng babae. Para sa kaniya ay kaya niyang tapatan ang mga ito ng kaniyang talino. Ngunit pagdating kay Aya ay nagbago ang lahat dahil bukod sa napakaganda nito ay maganda rin ang mga grado at magaling din sa klase ang babae na siyang nakakuha naman ng pansin ni Andrew.
“Micah, sigurado ka ba sa gagawin natin na ‘to? Baka naman mapahamak si Aya!” tanong ni Kelly, kaibigan ni Micah.
“Ano ka ba, sa tingin mo ba ‘yung mga ganoong klase ng babae ay virgin pa at hindi pa nakakainom? Huwag kang mag-alala dahil baka nga kulang pa ‘tong mga alak na hinanda natin para sa kaniya,” iritableng sagot ni Micah dito.
“Basta labas ako riyan sa plano mo! Gusto ko pang magmartsa ngayong taon, baka mamaya niyan ay tayo pa ang mapahamak dito! Sinasabi ko sa’yo, iba ‘yung mga lalaki kapag nakainom,” sabi pang muli ni Kelly sa kaniya.
Hindi na nagsalita pa si Micah at inayos na ang camera na itinago niya para kuhanan ang mga susunod na mangyayari.
Katulad ng plano ay inimbitahan ni Micah si Aya para sa Freshmen Night ngunit sa ibang paraan niya ito idaraos. Inimbitahan niya ang mga lalaking alam niyang nahuhumaling sa dalaga at naghanda siya ng sandamakmak na alak upang malasing at mangyari ang dapat na mangyari. Nariyang naglagay rin siya ng camera upang makuhanan at magamit ito sa sarili niyang paraan.
“Micah, bakit parang puro lalaki yata ang nandito ngayon? Ang konti lang nating babae, hindi ba ito masama? Natatakot ako!” wika ni Aya sa kaniya nang makarating sa lugar at nakita niyang nag-iinuman na ang iba nilang kaklase.
“Ano ka ba, kaklase at ka-batch naman nating ‘yang mga ‘yan! Siyempre hindi kita isasama sa freshmen kasi mga isip bata pa ‘yung mga ‘yun at sigurado akong hindi ka magsasaya roon! Ito ang para sa’yo, enjoy the night, Aya! Walang bawal ngayon!” masayang sagot ni Micah dito.
Hindi naman na nagsalita pa si Aya at ngumiti na lang din ito kay Micah saka siya naupo at nakihalubilo sa mga kaklase. Napapansin ni Micah na hindi umiinom ng alak si Aya habang ang mga kasamahan niyang lalaki ay nalalasing na.
“Micah, malakas na ang tama namin. Baka hindi na namin mapigilan pa. Sigurado ka bang kaisa ka namin sa planong ‘to? Sabik na sabik na ‘yung mga barkada ko,” wika ni Ismael, kinontrata ni Micah na manamantala kay Aya.
“Bahala na kayo, basta labas ako riyan. Sigurado ba kayong hindi na v*rgin ‘yang si Aya? Mamaya naman ay mapahamak tayo,” pabulong naman na sagot ni Micah sa kaklase.
“B*rhen man o hindi, ang mahalaga ay matitikman namin siya nang sabay-sabay! Salamat, Micah,” ngiti ni Ismael sa kaniya sabay alok pa ng alak dito. Biglang nangilabot si Micah ngunit mas nanaig sa kaniya ang kagustuhan na masiraan si Aya sa buong eskwelahan at tanging itong paraan lang naiisip niya.
Hanggang sa nakita niyang pinilit nilang painumin si Aya ng alak kahit nga gumagamit na sila ng dahas at pinalilibutan na rin ito ng mga lalaki.
“Micah! Tulungan mo naman akong awatin ‘tong mga ‘to! Natatakot na ako!” pagtatawag pa ni Aya sa kaniya ngunit tumalikod siya rito.
“Guys, ‘wag naman ganito. Tinatakot niyo ako! Uuwi na ako,” nanginginig na sabi ni Aya sa mga lalaking kaklase.
“Aya naman, pumunta ka rito kaya’t ibig sabihin ay inaasahan mong mangyari ito. Isa pa, hindi ka namin sasaktan, papaligayahin ka namin,” wika ni Ismael sabay tawanan ng lahat.
Umiyak nang malakas si Aya na siyang ikinagulat ni Micah at mabilis niyang nilapitan ito para kuhanin at patayuin. Hindi naman nakapagsalita sila Ismael at walang nagawa kung ‘di manahimik.
“Halika na, Aya, ihahatid na kita,” sabi ni Micah.
Hindi nagsalita si Aya at niyakap niya si Micah nang mahigpit.
“Alam kong hindi mo kayang ipahamak ang kapwa mo babae sa kamay ng mga lasing na ‘yun,” hikbi ni Aya sa kaniya.
Doon natauhan si Micah sa kaniyang sarili na maling-mali ang kaniyang nasa isip kaya pati siya ay napaiyak na rin.
Inamin niya ang totoo kay Aya at kaagad siyang humingi ng tawad sa babae.
“Sampalin mo ako, Aya, magalit ka sa akin. Saktan mo ako para makaganti ka man lang, please!” iyak ni Micah sa kaniya. Imbes na sampalin ay mas lalo pa siyang niyakap ni Aya.
“Salamat pa rin, Micah, dahil sa huli ay mas pinili mo ang tama at iyon ang importante sa akin. Kalimutan na natin iyon, ayaw ko nang maalala pa dahil natatakot at kinikilabutan lang ako. Sana’y magsilbing aral sa’yo, sa atin, ang pangyayari na ito. Huwag sana nating ilalagay sa kapahamakan ang kapwa natin,” wika ni Aya sa kaniya na mas lalo pang nakapagpaiyak sa babae.
Simula noon ay nagising sa katotohanan si Micah na walang ginagawang masama si Aya, at ang tanging pinag-ugatan ng lahat ay ang kaniyang insekyuridad sa sarili at pagiging inggitera. Unti-unti ay natanggap din ng babae na palaging may mas lamang sa lahat ng bagay at hindi siya ang palaging nasa tuktok, dahil walang kahihinatnan ang buhay niya kung palaging inggit at pakikipagkompetensiya sa iba ang nasa isip niya.