Kabigha-bighani ang Bahay na Ito sa Probinsya Ngunit Aswang Daw ang Nakatira; Isang Babae ang Makatutuklas ng Istorya Nito

“Ma, nakikita niyo ba ‘yung may maganda at makulay na bahay roon sa may malapit sa bundok? Palaging kong nakikita ‘yung babae roon. Palagi rin siyang kumakaway sa akin, pwede ba natin siyang bisitahin minsan?” tanong ni Annabel, pitong taong gulang na anak ni Maricris habang nagliligpit sila ng pinaghigaan.

“Naku, apo, huwag na huwag kang titingin sa babae na ‘yun! Aswang ‘yun! Maniwala ka sa akin, kilala ‘yan dito sa lugar natin. Alam mo bang hindi ‘yan lumalabas ng bahay niya at ang lahat ng kailangan niya ay pinapabili niya lang doon sa kasambahay nila?!” mabilis na sagot ni Lola Yolly.

“Ma, tinatakot niyo naman ‘yung anak ko. Kahit na malaki na ‘yan ay isip bata pa ‘yan saka hindi nya alam ‘yang mga aswang-aswang na ‘yan,” iritableng sabi naman ni Maricris sa kaniyang ina.

“Ikaw, Maricris, ang makinig sa akin! Bago lang kayo ulit dito sa atin, lalo na ‘yang apo ko, kaya marami kayong hindi alam dito. ‘Yung tinutukoy niya, si Elma ‘yun! Alam mo ba na simula nang mawala sa aksidente ang anak niya at asawa niya ay hindi na siya lumabas ng bahay! Sabi ng iba ay wala raw kasing mapagpapasahan ng bato niya kaya hindi pa rin nat!t!gok!” muling wika ni Lola Yolly sa kanila.

“Ano po ‘yung bato?” tanong naman kaagad ni Annabel dito.

“Wala ‘yun, anak, huwag kang masyadong nagpapaniwala riyan sa lola mo kasi matanda na ‘yan,” birong sagot ni Maricris dito at inilayo ang kaniyang anak.

“Hay naku, anak, matanda man ako pero kailangan mong maniwala sa akin. Huwag kang lalapit doon kay Elma dahil hindi ko alam ang gagawin ko kapag ginalaw niya ang apo ko. Mas mabuti na lang din ang mag-ingat kahit na laking taga-Maynila kayo ay iba pa rin ang buhay rito sa atin. Sana maalala mo iyon,” pahayag pang muli ni Lola Yolly sa kanya at tumango naman si Maricris dito.

Halos mag-iisang buwan palang sina Maricris sa probinsya at katulad nga ng inaasahan ay nalilibang ang bata sa lawak ng lugar at palagi itong nasa labas na siya namang hinahayaan lamang ng babae upang masamsam nito ang buhay probinsiya.

Advertisement

“Ma, sabi ng ibang mga kalaro ko aswang nga raw ‘yun si Aling Elma! Natatakot na tuloy ako, huwag na tayong dumaan doon sa bahay nila kasi kapag dumaraan po tayo roon ay palagi siyang ngumingiti sa akin,” sumbong ni Annabel na kakauwi lamang galing sa paglalaro at naiyak pa ito sa takot.

“Ayan na nga ba ang sinasabi ko sa sobrang pakikipaglaro mo at kakapakinig mo sa lola mo. Naniniwala ka na rin sa aswang! O, siya huwag ka nang lumapit doon,” balik naman ni Maricris sa anak at napailing na lang sa bata.

“Hay naku, anak, hindi mo ba alam na naaksidente silang buong pamilya at siya lang ang nabuhay? Tapos simula noon ay hindi na siya lumabas ng bahay, sabi ng iba ay wala nga raw kasing mapagpapasahan nung bato na sinusuka ng mga aswang! Maniwala ka na lang sa akin!” mabilis na komento Aling Yolly sa kaniyang apong lumuluha habang abala pa rin ang matanda sa paglalaro sa kaniyang telepono.

Naalala noon ni Maricris na hindi aswang ang turing nila sa pamilya ni Aling Elma kaya naman nagtataka siya na sa paglipas ng panahon ay nagkaganito ang matanda. Kaya naman kahit na ayaw ng kaniyang ina ay naisipan niyang manmanan ang ale. Takot man siya ngunit mas nananaig ang malaking katanungan sa kaniyang isipan kung bakit biglang nagkaganito ito.

Ngunit isang araw sa pagmamanman niya ay bigla siyang nginitian ng aleng nasa bintana lamang nakatitig.

“Hello po,” sigaw at malaking ngiti ni Maricris sa babae kahit nga siya mismo ay naririnig ang kabog ng kaniyang dibdib sa kaba.

Mabilis na nagtago si Aling Elma na parang siya pa ang natakot kay Maricris. Pinagtakahan naman ito ng babae kaya naman umalis na siya at dumaan pa ang ilang araw na pinag-eksperimentuhan niyang batiin ito at palagi ngang nagtatago ang matanda. Hanggang sa napagdesisyunan niyang bigyan ito ng pagkain upang makausap na rin.

“Aling Elma, may dala po akong spaghetti para sa inyo. Gusto niyo po bang pagsaluhan natin?” alok ni Maricris sa matanda at mabilis na binuksan ng ale ang pinto para papasukin siya. Nagtataka man at may takot ay tumuloy ang babae. Napakadilim ng bahay ni Aling Elma at may mga sapot na rin ng gagamba sa ilang sulok nito.

Advertisement

“Naku, pwede niyo po akong kuhaning tagalinis ng bahay niyo! Ang ganda po pala ng loob, kulang lang sa linis,” masayang wika ni Maricris sa ale.

“Hindi ka ba natatakot sa akin? Hindi mo pa ba naririnig ‘yung mga usap-usapan tungkol sa akin? Bakit ang bait mo? Bakit mo ako kinakausap?” tanong ni Aling Elma sa kaniya.

Hindi nakapagsalita kaagad si Maricris.

“Pero huwag kang mag-alala, hindi totoo lahat ng iyon. Salamat nga pala sa pagkain na ito,” naiiyak na wikang muli ni Aling Elma sa kaniya. Hindi naman kaagad tinanong ni Maricris ang ale at niyakap nalang ang matanda. Doon niya naramdaman ang labis na kalungkutan mula rito. Hanggang sa itinuloy niya lang ang pakikipagkamustahan sa ale at hindi nagtagal ay nalaman niya ang totoo.

“Ako ang nagmamaneho ng sasakyan noon pero ako pa ang nabuhay sa aming lahat. Simula nang mawala sila ay natakot ako sa sasabihin ng ibang tao, natakot akong mahusgahan kung paano pa ako nabubuhay gayong wala na ang pamilya ko nang dahil sa akin. Ako ang may kasalanan kung bakit sila nawala,” iyak ni Aling Elma sa kaniya.

“Kaya simula noon ay nagtago na lang ako rito sa bahay. Wala nang saysay ang buhay ko, gustuhin ko mang tapusin ang lahat pero hindi ko magawa. Hindi ko magawa! Kaya hinayaan ko nalang sila na isipin kung ano man ang gusto nilang isipin tungkol sa akin dahil sa huli, handa na akong harapin si Satanas sa kasalanan ko sa pamilya ko,” dagdag pa nito.

Mabilis na niyakap ni Maricris ang ale. Bilang isang ina, alam niya ang hinagpis na mawalan ng anak o ng minamahal sa buhay. Simula rin noon ay mas binisita niya ito kasama ng kaniyang anak na si Annabel hanggang sa sumama na rin ang kaniyang ina at unti-unti nagliwanag ang dating bahay na kinatatakutan ng lahat. Hanggang sa nagbalik-loob siya sa Panginoon. Natutuhan na niyang patawarin ang sarili at humingi ng kapatawaran sa Diyos upang bigyan pa siyang muli ng saysay sa buhay.

Kaya naman naipasa na ni Aling Elma ang kaniyang bato at hindi ito ang pagiging aswang kung ‘di ang takot sa panghuhusga ng ibang tao. Nakalaya na rin siya sa madilim na yugto na iyon ng kaniyang buhay. Hindi nagtagal ay kumalat na rin ang batong iyon at isa-isang naliwanagan ang mga taong nagkakalat ng tsismis tungkol sa kaniya saka humingi ng tawad sa ale.