Inday TrendingInday Trending
Kasing Husay nga Raw ng Babaeng Ito ang Kaniyang Anak; Sa Huli ay Siya pa ang Nasorpresa sa Totoong Talento ng Bata

Kasing Husay nga Raw ng Babaeng Ito ang Kaniyang Anak; Sa Huli ay Siya pa ang Nasorpresa sa Totoong Talento ng Bata

“Anak, buti naman at tumataas na ang grado mo sa eskwela. Sabi ko naman sa’yo, magugustuhan mo ang iba’t ibang klase ng sining. Hindi lang basta sa pagguhit ngunit marami pang iba,” wika ni Ginang Valerie, ang nanay ng dalaga.

“Syempre naman, mommy, mana ako sa napakagaan niyong kamay,” natatawang sagot naman ni Isabela habang nag-aagahan sila.

“Sa susunod ay pwede ka nang sumabay sa akin sa pagpipinta para makita ko rin ang istilo mo sa pagguhit,” pahayag muli ng kaniyang ina.

“Mommy, sa school namin ‘yun ginagawa saka sa bahay na nga lang ako nakakapagpahinga pati ba naman dito ay kailangan ko pa rin mag-aral at magpraktis?” malungkot na balik ng dalaga sa kaniyang ina sabay haba pa ng nguso nito.

“Oo nga naman, honey, hayaan mo nang makapagpahinga rito sa bahay natin ang prinsesa ko dahil ang importante naman ay mataas ang grado niya,” singit din ni David, ang ama ng dalaga.

“Basta kailangan ay makapagtapos kang Cum Laude, okay?” muling dagdag ng kaniyang ama at isang ngiti lamang ang ibinalik ni Isabela sa mga magulang.

Lumaki sa mayamang pamilya si Isabela at katulad ng ibang mga nakakaangat sa buhay ay sunod sa luho ang dalaga ngunit hindi siya nanalo sa pagpili ng gusto niyang kurso ngayong pagpasok niya sa kolehiyo. Dahil katulad ng kaniyang ina ay gusto nilang maging bihasa si Isabela sa aspeto ng sining kaya naman kahit na ayaw ng bata ay Fine Arts pa rin ang kaniyang kinukuha ngayon.

Kaya naman sa ilang buwan na pag-aaral ng kanilang anak ay labis silang nagugulat at natutuwa dahil maganda ang mga marka na pinapakita nito. Maging ang mga pagguhit niya ay siya namang kahanga hangang tunay. Hanggang sa umabot ito ng ikalawang taon sa kolehiyo.

“O, nandito na pala ang prinsesa namin. Mag hello ka muna anak sa mga amiga ko dahil inimbitahan ko sila para sana masaksihan ang pagguhit mo! Surprise! Sana naman pagbigyan mo si Mommy,” ngiting bati ni Ginang Valerie nang makauwi si Isabela at naabutan niyang napakaraming bisita sa kanilang salas at handa na rin ang mga gamit niya sa pagpipinta.

“Ha? Mommy, ano ‘to?” gulat na tanong niya sa kaniyang ina at hindi niya malaman ang gagawin.

“Anak, alam mo naman na dati ko pa gustong makita kang mag-painting kaya naman sinorpresa kita ngayon para naman hindi mo na ako tanggihan, nakakahiya naman sa mga amigas ko, anak,” ngiti pang muli ni Valerie rito.

“Isa pa, Isabela, sabi rin ng anak ko na sikat nga raw ang mga gawa mo sa eskwela kaya naman karangalan sa amin na masaksihan ang gawa mo,” dagdag pa ng isa sa mga bisita ng kaniyang ina.

Ngunit imbes na sumagot ay tumakbo papunta sa kwarto si Isabela at iniwan ang kaniyang ina. Kaagad naman na nagpaumanhin si Valerie sa mga bisita para sundan ang kanyang anak.

“Anak, bakit ka naman ganiyan? Nakakahiya naman,” wika ng kaniyang ina sabay sara ng pinto upang hindi sila marinig sa labas.

“Mommy, hindi pa ba sapat na mataas ang marka ko? Bakit kailangan ko pang magpasikat sa ibang tao?” inis na tanong ni Isabela sa kaniya.

“Bakit kailangan mong magalit nang ganyan? Okay, hindi na kita pipilitin pa,” mabilis na sagot ng kaniyang ina.

“Mommy, hindi ako kasing galing mo,” seryosong sabi ni Isabela.

“Hindi mo kailangan maging kasing galing ko dahil may sarili kang galing, anak. May sarili kang kwento ng buhay at may sarili kang mga kamay kaya hindi mo kailangan na maging katulad ko,” sagot naman kaagad ng kaniyang ina na siyang mabilis na nakapagpaluha kay Isabela na pinagtakahan naman ni Valerie.

Doon na inamin ng dalaga ang totoo na nagpapaguhit lamang siya sa ibang tao sa lahat ng proyektong ipinasa niya.

“Patawarin mo ako, Mommy, sinubukan ko naman pero kahit simpleng mata ng tao ay hindi ko magawa,” iyak ni Isabela sa kaniya.

“Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin? Ibig sabihin sa loob ng dalawang taon, nandadaya ka lang?” tanong ng kaniyang ina.

“Dahil wala kayong bukambibig ni daddy kung ‘di dapat maging katulad mo ako. Pakiramdam ko kapag hindi ko nagawa iyon ay wala akong kwentang anak. Kaya ko naman tapusin ang kurso ko, Mommy, sa pagpipinta lang talaga ang hindi ko kaya. Mataas ang grado ko sa ibang paksa, please, Mommy, please don’t be mad,” iyak muli ng kaniyang anak.

Hindi nakapagsalita si Valerie at kaagad na lumabas ng kwarto para iwan ang kaniyang anak. Mabilis niyang pinauwi ang mga kaibigan at saka siya umiyak mag-isa. Ngayon niya napagtanto na hindi niya maaring kontrolin o iguhit ang buhay ng kaniyang anak dahil may iba itong talento at pangarap sa buhay. Kaya naman kinausap niya ang mister at saka nila kinausap si Isabela. Pinaintindi nila sa bata na mali ang kaniyang ginawa at tinanggap din nila na mali sila sa pagpupumilit sa kanilang gusto. Kaya naman kaagad na lumipat ng kurso si Isabela at buong puso nilang sinuportahan ito.

Bilang isang mga magulang, isa lang ang gusto nating lahat at iyon ay ang mapaganda ang kinabukasan ng ating mga anak. Ngunit lagi sana nating tatandaan na darating din sila sa punto ng kanilang buhay na hindi nila kailangan ng ating proteksyon bagkus ay ang ating buong pusong suporta.

Advertisement