Inday TrendingInday Trending
Anak Lamang sa Labas ang Babaeng Ito; May Iba Palang Habilin ang Yumao Nitong Ama

Anak Lamang sa Labas ang Babaeng Ito; May Iba Palang Habilin ang Yumao Nitong Ama

“Huwag kang mag-alala, anak, ngayon na wala na ang daddy mo ay siguradong sa’yo mapupunta ang kumpanya. Ikaw ang sisiguraduhin kong magpapatakbo noon,” wika ni Madam Sofia sa kaniyang anak.

“Sigurado ka ba riyan, mommy? E si ate na ang itinalaga ni daddy na presidente bago pa siya nawala. Ano pang habol ko roon?!” iritableng sagot naman ni Alexandra sa kaniyang ina.

“May shares din naman ako sa kumpanya at marami akong kadikit sa mga board of directors. Kayang-kaya kong manipulahin ang lahat, ngayon pa ba na wala na si Julio. Hindi naman sa sinasabi kong masaya ako na nawala ang daddy mo pero ito na ang pagkakataon na maibigay ko naman sa’yo kung ano ang dapat na sa’yo. Ang tagal kong nagtiis at pinilit ko lamang lunukin ang pagmamahal niya para sa una niyang anak habang napakaliit lamang ng tingin niya sa’yo, hindi na ako magtitiis pa. Ako na ang may kapangyarihan!” matapang na sabi ni Madam Sofia sa kaniyang anak.

Kaagad naman na tinawagan ni Madam Sofia ang ibang miyembro ng kumpanya at pinili niya ang mga alam niyang noon pa lamang ay kapanalig na niya. Diretso niyang sinabi na gusto niyang mapababa sa pwesto ang unang anak ng kaniyang asawa na si Helena na tumatayo ngayong presidente ng kumpanya ng yumao niyang mister. Kaagad naman siyang nakakuha ng suporta sa mga ito at nagpatawag nga ng pagpupulong.

“Hindi ka ba natatakot sa kung anong pwedeng mangyari ngayong araw?” tanong ni Jana, ang sikretarya ni Helena.

“Inaasahan ko naman na ito, alam ko naman na si daddy lang talaga ang kakampi ko sa kumpanya at maging sa pamilya namin. Maswerte na lang ako na umabot ako sa ganitong edad na nakaranas ng masaganang buhay bilang anak sa labas. Alam ko rin na kapag nawala na si daddy ay mawawalan na rin ako ng suporta sa kumpanyang ito,” malungkot na saad ni Helena sa babae.

“Pero hindi lang naman dahil sa anak ka ng may-ari nito kaya ikaw ang presidente ngayon kung ‘di dahil na rin po sa galing niyo. Sa mga ideya niyo na lalong nagpayabong sa negosyong ito. Dapat ay ipaglaban niyo po iyon,” pagpupumilit pang muli ni Jana sa kaniya.

“Gulo lang ang aabutin ko kapag ginawa ko iyon dahil alam ko naman na gagawin ni Madam Sofia ang lahat para mawala rin ako. Ayos lang ako, Jana, huwag kang mag-alala dahil hindi ka naman mawawalan ng trabaho ano man ang mangyari sa pagpupulong mamaya,” ngiting sagot ni Helena sa sekretarya.

Nang magkasakit ang ina ni Helena ay saka lamang niya nalaman na mayaman pala ang kaniyang ama at kahit na ayaw niyang tumira sa lalaki ay wala siyang nagawa nang mawala na ang kaniyang ina. Laking pasasalamat na lamang niya dahil minahal siya ng kaniyang ama kahit nga mala-impyerno rin ang dinanas niya sa kamay ng asawa nito at ng kaniyang kapatid. Sinuklian na lamang niya ng pagsusumikap at sinunod ang gusto ng kaniyang ama bilang pasasalamat sa pagmamahal nito. Kaya naman nakatapos siya ng pag-aaral at masasabing lumaking matalino si Helena.

Nagsimula na sila sa kanilang pagpupulong at katulad ng inaasahan ay pinagbotohan nila ang pagpapababa sa pwesto ni Helena.

“Sana nakapagpaalam ka na sa mga itinuturing mong mga kaibigan sa kumpanya na ito dahil pagkatapos na mabasa ang botohan ay inaasahan kong aalis ka na,” mataray na wika ni Madam Sofia kay Helena. Ngumiti naman sabay yuko na lamang si Helena sa babae at hindi na ito nagsalita. Sinimulan ng basahin ang resulta ng botohan at nang magpantay na ang bilang ng sumasang-ayon sa hindi ay kaagad nang napangiti si Madam Sofia.

“Ang huling boto ay hindi sumasang-ayon,” wika ng nagbabasa ng resulta at mabilis na napatayo si Madam Sofia sabay bagsak ng kaniyang palad sa mesa. Nanlaki naman ang mata ni Helena.

“Anong kalokohan ito? Paanong nangyari na mas maraming boto ang hindi sumasang-ayon?! Sino ang tumalikod sa akin?!” baling ni Madam Sofia at tinignan isa-isa ang mga nakaupo roon. Wala naman sumagot sa mga ito umiwas na lamang ng tingin sa babae.

“Siguro malaki ang binayad mo sa kung sino man ang tumalikod sa akin! Magsaya ka na ngayon dahil babalik ako at sisiguraduhin kong dudurugin kita!” galit na galit na wika ni Madam Sofia sa lahat at mabilis itong tumayo saka lumabas. Napabuga ng hinga si Helena at hindi siya makapaniwala sa resulta hanggang sa umalis na rin ang ibang board members at may limang taong naiwan kasama siya.

“Kayo po ba ang sumuporta sa akin?” nanginginig na tanong ni Helena sa mga ito.

“Alam mo, bago namaalam ang tatay mo ay may isa lamang siyang hiniling sa amin at iyon ay ang suportahan ka namin sa pagpapatakbo ng kumpanya na ito. Alam niya na sa oras na mawala siya sa mundo ay gagawin daw lahat ni Sofia ang lahat para mawala ka pero kabilin-bilinan niyang huwag kaming magpapadala sa kaniyang asawa. Isa pa, hindi lamang ito usapan ng pamilya niyo kung ‘di ikaw mismo dahil nakikita namin sa’yo ang malaking potensiyal at pagmamahal mo sa negosyo. Alam namin na hindi mo pababayaan na bumagsak o malugi ito,” siwalat ng isa at hindi makapaniwala si Helena.

“Kaya huwag kang mag-alala, hindi ibig sabihin na wala na si Don Julio ay mawawala ka na rin dahil pinaghirapan mo kung ano man ang mayroon ka ngayon. Nandito kami at susuportahan ka namin, katulad ng hiling ng iyong ama, magtiwala ka,” dagdag pang wika nito saka ngumiti ang lima sa kaniya at umalis.

Labis na nagpapasalamat si Helena sa natanggap niyang suporta ngunit mas nagpapasalamat siya sa kaniyang ama na kahit na lumisan na sa mundong ito ay hindi pa rin siya pinababayaan. Kahit sa huling habilin nito ay kasama pa rin siya sa pinagkakatiwalaan niyang tao, napakalaking bagay na nito para sa isang anak sa labas na katulad niya.

Simula noon ay natutong lumaban ang babae sa mga pang-aapi ni Madam Sofia at ipinakita niyang karapatdapat siya sa kung ano man ang iniwan sa kaniya ng yumao nitong asawa. Natutuhan din ni Helena na ipaglaban ang kaniyang sarili at ang kaniyang kakayahan sa kumpanya at hindi nagtagal ay unti-unti niyang natanggap ang suporta ng lahat laban kay Madam Sofia. Wala namang nagawa si Madam Sofia kung ‘di tanggapin din na kailangang lumaban ng patas ng kaniyang anak na si Alexandra. Hindi lamang sa kumpanya kung ‘di sa lahat ng aspeto ng buhay dahil hindi pamilya, apelyido, o pera ang magdadala sa’yo sa tagumpay kung ‘di ang sarili mong mga kakayahan.

Advertisement