Inday TrendingInday Trending
Puro Online ang Pagpapatama ng Babae sa Kaniyang Kaibigan; Paano Kaya Kapag Silang Dalawa’y Nagkaharapan Na?

Puro Online ang Pagpapatama ng Babae sa Kaniyang Kaibigan; Paano Kaya Kapag Silang Dalawa’y Nagkaharapan Na?

Mula noong hasykul ay naging matalik na magkaibigan na sina Regine at Sheila, mula rin noon ay malaki na ang naitulong ng pamilya ni Sheila kay Regine lalo na sa usaping pinansiyal. Nariyang tinulungan siyang makapagtapos ng pag-aaral hanggang sa pagbibigay ng trabahador sa mga magulang niya bilang empleyado sa negosyo nila Sheila, at napakarami pang iba. Kaya naman patong-patong na utang na loob na ang mayroon si Regine at ang pamilya niya sa pamilya ni Sheila. Kaya lamang ay nagbago ang pakikitungo ni Sheila noong siya na ang nagpapatakbo sa mga negosyo ng kaniyang mga magulang at mas lalo pa nga itong tumabang kay Regine nang bigyan niya ng trabaho ang kapatid nitong lalaki ngunit bigla na lamang itong umalis sa kaniya.

“Naku, ate, sabi ko na, may galit talaga sa’yo itong si Ate Sheila, tingnan mo nagpost na naman siya sa peysbuk. Sabi niya “Mga walang utang na loob at nakakaalala lang pag may kailangan,” natatawang sabi ni Trina sa kaniya at mabilis naman na tinignan ni Regine ito. Aminado siyang may mali sa kanilang dalawa dahil ilang beses na niya itong kinumusta ngunit napaka-iksi lamang ng sagot sa kaniya ng babae at kahit sabihin pa na walang pangalan ay malakas ang pakiramdam ni Regine na siya ang pinatatamaan nito.

Kaya naman dali-daling nagluto si Regine at pumunta siya sa bahay ni Sheila.

“O, pupunta ka pala, hindi ka man lang nagsabi!” bati ni Sheila sa kaniya na naabutan niyang nagbibilang ng mga gamot sa botikang kapapatayo lang niya.

“Alam ko naman na abala ka kaya naman sinorpresa kita, nilutuan nga kita ng paborito mo!” ngiting sagot naman ni Regine sa kaibigan.

Tahimik at tuloy lamang sa paggawa si Sheila na nakakapanibago sa kanilang dalawa dahil parang may kung anong pader ang namamagitan kaya naman si Regine na ang bumasag ng katahimikan.

“Bess, galit ka ba sa akin?” diretsong tanong ni Regine rito.

Natawa naman ng bahayag si Sheila ngunit hindi sumagot.

“Uy, sagutin mo naman ako. Ang tanda na natin para mag-away nang ganito, may mga anak at pamilya na tayo, isa pa, alam mo naman na parang kapatid na ang turing ko sa’yo!” dagdag na sabi ni Regine sa kaibigan.

“Sus, puro kayo ganyan,” natatawa ngunit halatang may laman ang pahiwatig na iyon ni Sheila sa kaniya.

Saglit na natahimik si Regine at pakiramdam niya’y nilalamon na naman siya ng lupa dahil sa ugaling iyon ng kaniyang kaibigan ngunit nagpakumbaba pa rin siya.

“Sorry kung ano man ang nagawa ko, alam mo naman na ayaw kong may galit tayo sa isa’t isa,” malungkot na sabi niya kay Sheila.

“E kasi naman! Hello, ako na nga nagbigay ng trabaho ako pa ang nilayasan. Hindi mo man lang sinabi sa kapatid mo na sana sinabi niya sa akin kung may problema siya, hindi ‘yung bigla na lang siyang mawawala! S’yempre magagalit ako sa’yo, kapatid mo iyon e! Sa dami ng naitulong ng pamilya ko sa’yo, ganito pa ang igaganti niyo sa akin!” bulalas ni Sheila sa kaniya.

“Sabi niya sa akin nagpaalam na raw siya sa’yo. Saka bakit ang galit mo sa kapatid ko ay damay ako? Hindi ba dapat magkaiba ‘yun?! Sana siya ang kinausap mo dahil ang alam ko nag-usap na kayo!” baling din ni Regine sa kaibigan at hindi niya napigilan ang pagtaas ng kaniyang boses.

“Nag-usap nga kami pero dapat hindi siya umalis sa akin kasi hiya niyo na lang dapat ‘yun sa akin! Pero kahit na ganoon ay tinuloy niya pa rin kasi mas malaki ang sweldo roon? Mga mukha kayong pera! Tapos kapag walang-wala kayo ay sa akin kayo lalapit! Sus, Regine!” galit pang muli sagot ni Sheila rito.

Huminga nang malalim si Regine bago ito muling nagsalita sa kaibigan.

“Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon mo kapag nagsalita ako pero pakiramdam ko’y ito na ‘yung tamang pagkakataon para marinig mo ito. Alam mo ba kung bakit umalis ang kapatid ko sa’yo o kung bakit umaalis ang mga tao mo sa’yo? Dahil sa ugali mo, Sheila,” seryosong pahayag ni Regine rito.

“Simula noong ikaw na ang humawak ng negosyo ng pamilya mo, wala ka nang ginawa kung ‘di ang manumbat ng bawat tulong na ibinigay ng pamilya niyo sa pamilya namin. Alam ko, hindi ako nakakalimot na malaki ang utang na loob namin sa inyo pero parang walang kabayaran ‘yun sa’yo at sa tuwing aangat kami ng kaunti ay magagalit ka at pilit mo kaming ibababa. Nakapagtapos ng kolehiyo ang mga kapatid ko pero palagi mong sinasabi na hindi sila bagay magtrabaho sa mga kompanya dahil pang tauhan mo lang sila? Masakit para sa akin ‘yun, pakiramdam ko ‘yung pagkakaibigan natin ay hindi totoo. Dahil ang tunay na kaibigan, gugustuhin niyang makaangat sa buhay ang kaibigan niya hindi ‘yung hihiliain mo pababa para ikaw lang ang nasa taas. Hindi lang ito para sa akin at sa turing mo sa pamilya ko pero maging sa mga tao mo, sana makita mo iyon bago mahuli ang lahat. Bago ka pa sukuan ng lahat dahil ako ngayon, sukang-suka na ako sa pangmamaliit mo,” hayag ni Regine at hindi niya napigilan ang pagluha sa babae.

“Hindi ko alam kung paano ko babayaran ang utang na loob ko sa’yo para naman maramdaman kong kaibigan naman kita. Hindi ako nagmamalaki, Sheila, sana nakikita mo ‘yon. Ginagawa namin ang lahat para hindi sumandal sa’yo dahil ayaw ko nang isipin mo na may kailangan lang kami kaya ako nakikipagkaibigan sa’yo dahil hindi iyon ang totoo,” muli pang baling ng babae at saka niya nabuhat ang mga paa para lumabas sa bahay ni Sheila.

Hindi naman makapaniwala si Sheila at labis na nabigla sa kaniyang narinig. Aminado siyang totoo ang mga sinabi ni Regine at kaagad niyang sinampal ang sarili. Ngayon alam na niya na hindi magandang gamiting dahilan ang panunumbat ng tulong sa kahit na sino man. At mas lalo niyang naiintindihan ang kaniyang sarili kung bakit walang tumatagal na tao sa kaniya.

Simula noon ay tinigilan na niya si Regine sa pagpapatama sa peysbuk at agad siyang humingi rin ng tawad dito. Inamin niyang nagalit siya at ginamit niya ang mga tulong ng kaniyang pamilya upang makahingi sana ng suporta mula rito ngunit hindi pala ito ang tamang paraan. Tinanggap din niya sa sarili na kailangan niyang baguhin ang kaniyang ugali, dahil hindi kailanman magiging tama na obligahin ang sino man sa gusto niya dahil lamang sa mga ibinibigay niyang tulong sa mga ito. Dahil ang totoong pagtulong ay walang hinihintay na kapalit.

Advertisement