Biglang Tumulong sa Isang Pasyente ang Napakabarat na Doktor, Isang Himala Pala ang Misyon na Iyon Para sa Lalaki

Biglang Tumulong sa Isang Pasyente ang Napakabarat na Doktor, Isang Himala Pala ang Misyon na Iyon Para sa Lalaki

MiracleMysteryStories

“Doc Greg, ano ka ba, masasanay ka rin. Huwag ka nang umiyak, ganoon talaga tayong mga doktor, kung hindi kaya ng mga magulang at wala silang pampagamot ay wala na tayong magagawa roon. Malay mo, masagot naman sila ng pampublikong ospital. Huwag mo nang masyadong isipin,” wika ni Nurse Aya sa kaniya saka ito ngumiti nang malaki.

“Malala ‘yung sakit ng bata. Kaya natin operahan ang ganoong kaso rito at mas maganda ang ospital na ito. Kailangan ko silang tulungan,” mahina ngunit diretsong sagot ng doktor sa kaniya.

“Hala ka, Doc Greg, kapag tinulungan mo ang pasyente na ‘yan ay malaking pera ang gagastusin mo. Hindi ba’t kayo na mismo ang may sabi na nag-iipon kayo ng pera para sa bahay na bibilhin niyo? Saka, Doc Greg, napakarami pa pong malubha ang kalagayan na pasyente rito sa ospital natin kaya kapag nagpadala po kayo at hindi kayo nasanay ay mahihirapan lang din po kayo,” pagpapaliwanag pang muli ng nurse rito.

“Hindi mo ako naiintindihan,” iling ng lalaki sa kaniya.

“Kayo po ang bahala, doc, basta sinabihan ko na po kayo. Pero normal lang naman po ang nararamdaman niyo, sa tagal ko ng nurse rito ay ganyan talaga ang mga doktor na bago at nakakakilala ng malulubhang pasyente, naawa. Palipasin niyo lang ang gabing ito at ipagdasal niyo na lang po na gumaling pa ang batang iyon. Hindi man sa inyo  pero sa ibang pamamaraan, marami pa po kayong makikilalang mas malala pa roon,” pahayag muli ni Nurse Aya.

“O, relax po muna kayo ha. Mag-iikot lang ako, bye, doc!” paalam muli ng nurse at naiwan lamang seryoso si Doc Greg habang hawak pa rin ang binili niyang kape na lumamig nalang ay hindi pa niya naiinom.

Bagong doktor lamang si Greg sa kilala at isa sa sikat na ospital dito sa Pilipinas ngunit kung ano naman daw ang iginandang lalaki ay siya namang ikinakuripot niya. Sa halos anim na buwan na pagtatrabaho ng lalaki ay hindi ito kailanman kumain sa labas o nanlibre ng ibang kasamahan o maging ang makisama sa ano mang pagtitipon dahil sa takot daw niyang baka kailangan niyang gumastos. Kaya naman nakilala siya bilang napakabarat na doktor.

“Aya! Nabalitaan mo na ba ‘yung ginawa ni Doc Greg? Kinausap daw niya ‘yung presidente ng ospital at nakiusap siyang sagutin daw muna ng ospital ang gastusin para sa operasyon nung batang dinala rito kahapon! Sabi pa niya, uutangin daw muna niya at ibawas na lang sa sweldo niya kahit magtrabaho siya habang buhay para sa batang iyon!” mabilis na sabi ni Bianca, kasamahang nurse ni Aya.

“Hala, seryoso? Anong mayroon? Kamag anak niya ba ‘yung bata? Hala baka naman anak niya ‘yun kaya siya ganon?! Hala ka!” hindi makapaniwalang sagot ni Aya rito.

“Ito pa ang mas mainit na chismis, pitong taong gulang pa lang ay naging ulila na raw si Doc Greg kaya naman siya lumaki ng ganon katipid kasi nga laki raw talaga sa hirap!” sabing muli ni Bianca sa kaniya ngunit natahimik na lang sila nang biglang dumaan si Doc Greg at nakita nilang inaayos na nga nito ang mga papeles ng batang dinala kahapon na may malubhang karamdaman sa puso.

Ilang araw lamang ang lumipas ay nangyari nga ang operasyon at naging napakaingay ng pangalan ni Doc Greg sa pagtulong nito sa pamilya ng bata. Naging matagumpay rin ang operasyon na iyon at napalitan ng puso ang batang lalaki na ngayon ay nagpapagaling na.

“Doc Greg, pwede ko ho bang matanong kung bakit niyo kami tinutulungan ng ganito? Mahirap lang po kami at sigurado akong hindi ko pa po kayo nakilala kaya naman hindi ko po matandaan kung may nagawa man ako sa inyong kabutihan para tulungan niyo po kami ng ganito, Doc Greg, maraming-maraming salamat po,” lumuluhang saad ng nanay ng pasyente.

Hindi nagsalita ang lalaki at tahimik lamang itong nakatingin at nakangiti sa batang natutulog sa kama.

“Alam niyo po ba kung bakit ako naging doktor?” tanong ni Doc Greg sa ale at hindi naman sumagot ang babae.

“Kasi nung mawala sa sunog ang mga magulang ko ay ang kapatid ko na lang ang natira sa akin. Naging palaboy kami at walang makain ngunit palagi niyang sinasabi na mag-aral akong mabuti para magkapera raw kami kaya lang bigla siyang naaksidente at nawalan siya ng buhay sa mismong mga bisig ko. Nawala ang huling hininga niya na ramdam na ramdam ko, nawala ang kapatid ko nang ganoon lang,” iyak ni Doc Greg sa ale.

“At ang anak niyo,” nanginginig pang sabi ng doktor at inilbas niya ang kaniyang pitaka saka ipinakita ang lumang litrato sa ale.

“Kamukhang-kamukha siya ng kuya ko,” lumuluhang sabi ng lalaki.

“At sabi ko noon sa sarili ko, magiging doktor ako para sa kaniya kaya naman nang makita ko po ang anak niyo, hindi ko kayang hindi siya tulungan dahil alam ko sa puso ko na ito ang pangalawang buhay ng kuya ko na ibinigay ng Diyos kaya naman gagawin ko rin ang makakaya ko para makatulong,” dagdag pa nito.

Hindi makapaniwala ang ale sa kaniyang nakita dahil kung sino ang nasa litrato ng doktor ay siyang anak niya na ngayon ay nagpapalakas na mula sa operasyon. Halos humagulgol din naman si Aya nang marinig ang totoong kwento sa ginawang kabayanihan ni Doc Greg at nang malaman ito ng pamunuan ng ospital ay kaagad na inilibre ang lahat ng bayarin maging ang pagpapagaling ng bata.

Sa huli, masayang-masaya si Greg dahil natupad niya ang kaniyang pangako sa kaniyang pamilya na maging doktor at mas masaya siya dahil alam niyang ginamit siya ng Panginoon para maging kaisa sa himala na kaya niyang ipamalas sa mundo. Kahit sabihin pa na kamukha lamang ito ng kaniyang kapatid, para sa kaniya’y ito ang pangalawang buhay nito sa mundo. At kung dati ay pinagtatawanan ang lalaki sa pagiging matipid nito, ngayon ay hindi na nila ito niloloko dahil labis silang naantig sa istorya ng buhay ni Doc Greg.

More Stories