Landas Ko’y Nawala, Halaga Ko’y Nakita
“Mama, kasali po ako sa top sa school!” masayang balita ng batang si Hailey sa kanyang ina.
“Mabuti naman. Anong rank mo anak?” nakangiting tanong sa kanya ng ina.
“Top 2 po!” buong pagmamalaking sagot ni Hailey sa ina. Napangiti naman ang ginang sa narinig sa anak.
“And Sarah?” Tanong ng ina ni Hailey na masaya at nagagalak din namang sinagot ng bata.
“Siya po yung Top 1, ma! Top 1 po si Sarah. Angng galing-galing po ni pinsan ano?” nawala ang ngiti sa mga labi ng ginang nang marinig ang sagot ng anak.
“Nalamangan ka na naman ng anak ni Martha! Hindi pwede ‘to Hailey, next time dapat ikaw naman ang nasa tuktok. Ikaw ang dapat na number 1 at hindi ang anak ni Martha, naiintindihan mo ba anak?” nagulat naman ang bata sa naging reaksyon ng ina.
Hindi na bago na parating gusto ng kanyang ina na higitan niya sa lahat ng bagay ang pinsan niyang si Sarah o kahit na sino pa sa iba niyang mga pinsan. Para sa ginang, dapat parati siya ang pinakamagaling, pinakamaganda, at pinakamatalino.
Simula pagkabata ay wala nang ginawa ang mga magulang ni Hailey kundi ang ikompara siya sa kanyang mga pinsan. Lalong-lalo na kay Sarah, ang pinsan niyang halos ka edad niya lamang. Magkaklase sila nito simula nang nasa Kindergarten pa lamang silang dalawa.
Parati mang pinagkokompara, hindi iyon naging rason para magkaroon ng kahit na ano mang alitan o hindi pagkakaunawan sa pagitan ng dalawa. Sa katunayan, malapit ang dalawa sa isa’t isa at parating nakaagapay ang magpinsan sa halos lahat ng bagay.
Tinuturing nilang matalik na kaibigan ang isa’t isa at hindi nila hinahayaang maapektuhan ang kanilang relasyon ng dahil lamang sa mga sinasabi ng ibang tao.
Lahat naman ay ginagawa ni Hailey para makuha lamang ang loob ng kanyang mga magulang. Nag-aaral siya ng mabuti, sumasali sa mga kompetisyon kahit na hindi niya naman hilig ang mga iyon, at ginagawa ang kung anu-ano pang nais ipagawa sa kanya ng mga magulang.
Nag-iisang anak lamang siya kaya naman wala siyang magagawa kundi ang sundin lahat ng gusto ng mga magulang kasi wala namang ibang gagawa noon kundi siya lamang.
Nagdalaga si Hailey na pilit na inaabot ang lahat ng nais ng kanyang mga magulang. Ginagawa niya ang lahat makuha lamang ang papuri at atensyon ng mga ito na parating nakatutok sa trabaho at halos wala nang oras para sa kanya.
Nag-iisang anak man siya, hindi pa rin ito naging sapat na rason para mabigyan si Hailey ng mga magulang niya ng sapat na atensyon na kinakailangan niya. Pakiramdam niya ay parati niyang hinahabol ang oras para lamang maabutan ang mga ito at pilit na inaabot ang lahat ng inaasahan ng mga ito sa kanya.
Ginagawa man lahat ng dalaga ay para bang kailanman ay hindi ito naging sapat para sa kanyang mga magulang, lalo na sa kanyang ina. Kahit na anong galing niya, hindi ito nakikita ng kanyang mga magulang at para bang mga pagkakamali niya lamang ang nakikita ng mga ito.
Lahat ng kanyang ginagawa ay para bang walang-wala kung ikukumpara sa pinsan niyang si Sarah, ang matalik niyang kaibigan. Lahat ay para bang natural lang sa pinsan. Hindi na kailangan pang magsumikap pa nito para lamang makuha ang mga bagay na pilit niyang inaabot.
Alam ni Hailey na wala naman talagang kasalanan ang pinsan niya subalit habang lumalaki sila, para bang unti-unti siyang nakaramdam ng galit at inggit sa pinsan. Ayaw niyang masira ang kanilang pagiging matalik na magkaibigan.
Takot siyang kasuklaman ang tanging taong umiintindi sa kanya subalit hindi niya rin maikakaila na maaring may magawa siyang masama sa pinsan dahil sa namumuong galit sa kanyang dibdib.
Laking pasasalamat na lamang ni Hailey nang tumuntong sila ng high school. Hindi na sila magkaklase ng kanyang pinsang si Sarah. Makakapagsimula na siyang muli. Wala na siyang aninong dapat sundan. Mahal na mahal niya ang kanyang pinsan, ngunit pagod na pagod na siyang maikumpara rito.
Ngunit sa pagkawala ni Sarah ay nawalan din siya ng matalik na kaibigan na parating nandyan na umiintindi at umaalalay sa kanya. Sa pagkawala ng pinsan ay hindi pa rin natapos ang pagkukumpara sa kanya ng mga magulang sa ibang tao.
Hanggang sa hindi na ito nakayanan ni Hailey at nagsimula na siyang mawala sa sarili. Nagsimula siyang sumama sa mga masasamang gawain ng kanyang mga kaklase.
Natutunan niyang mag bar at sumama sa kung sinu-sinong lalaki. Tuluyan na siyang napagod sa walang katapusang pag-abot sa mga ekspektasyon ng kanyang mga magulang. Wala na rin siyang tunay na kaibigan na umiintindi sa kanya kahit na sobrang hirap niyang pakibagayan.
Lahat ng pinaghirapan niya buong buhay niya ay unti-unting nawala. Nawala siya sa listahan ng mga magagaling na estudyante, natanggal siya sa mga organisasyon sa paaralan kung saan kabilang siya dati, dahil sa madalas siyang wala o madalas ay napapa-away siya.
Naging tambayan niya na rin ang guidance office dahil sa dalas niyang makipag-away at ang clinic dahil sa dami ng pasa at sugat na natatamo niya dahil dito.
Nawala ang dating masunurin at mabait na Hailey. Kung dati ay takot siyang mabigo o magalit sa kanya ang kanyang mga magulang, ngayon ay wala na siyang pakialam sa kung ano man ang iisipin ng mga ito.
Halos araw-araw ay pinapagalitan siya ng mga ito, minsan ay napagbubuhatan pa nga siya ng ama sa sobrang galit sa kanya ngunit para bang tuluyan ng namanhid si Hailey. Kahit anong sakit man ang iparamdam sa kanya ay tila ba wala na siyang maramdaman.
Napagod na siyang pilitin ang sarili na maging perpektong anak para sa kanyang mga magulang. Kahit kailan ay hindi naman ata siya matatanggap ng mga ito kung sino man siya.
Hanggang sa isang araw ay natagpuan na lamang ang dalaga sa banyo ng kanyang kwarto na naliligo sa kanyang sariling dugo at may nakasulat sa kanyang salamin gamit ang kanyang lipstick na “I’m sorry pero pagod na talaga ako. Mahal ko kayo pero hindi ko na kaya. Mahal ko kayo, but I will never be the daughter you wish you had. I will never be Sarah. I’m sorry. Goodbye.”
Agad naman na sinugod sa hospital si Hailey. Wala namang tigil sa pag-iyak ang kanyang mga magulang nang magpagtanto ang kanilang ginawa sa kanilang nag-iisang anak. Sa kagustuhang maging pinakamagaling ang anak sa lahat ng bagay, ay nakalimutan nila ang isang napakahalagang bagay pa, ang mismong anak nila. Naging makasarili sila at nakalimutan nilang isaalang-alang ang nararamdaman ni Hailey.
Makalipas lamang ang mahigit isang linggo ay nakalabas na ng hospital si Hailey. Mabuti na lamang at hindi pa masyadong matagal nang nakita siyang nakahandusay sa kanyang banyo at agad na nadala sa hospital.
Masyadong maraming dugo ang nawala sa kanya kaya naman medyo natagalan siya sa hospital, pero madami namang nagbigay ng dugo sa dalaga kaya walang naging problema sa pagsasalin nito sa kanya.
Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay tila ba nagising na ang mga magulang ni Hailey sa katotohanan. Ginawa nila ang lahat para makabawi sa anak. Napagtanto nila ang lahat ng ginawa nila sa anak na nagtulak dito para gawin ang karumaldumal na bagay na iyon. Mahal na mahal nila ang nag-iisang anak at sa sobrang pagmamahal na iyon ay hindi nila napansin na sila na rin pala mismo ang nagtutulak sa anak na sirain ang sariling buhay nito.
Imbis na mahalin at intindihin ay pinilit nila ang anak na maging isang tao na hindi naman “siya”. Sa sobrang pagkainggit nila sa ibang tao ay nakalimutan nilang tanggapin ang anak kung sino man ito at pinagpilitan na higitan ang ibang tao. Nakalimutan nila ang pinaka importanteng bagay bilang isang magulang, ang mahalin at tanggapin ang kanilang anak maging sino man ito.
Unti-unti namang bumalik si Hailey sa dating mabait at masunurin na anak. Sinubukan niya ulit na ayusin ang buhay niya kasama ang kanyang mga magulang. Unti-unti at dahan-dahan, pilit niyang ibinabalik ang nasirang parte ng kanyang pagkatao. Pero hindi naman nag-aalala si Hailey dahil alam niyang balang araw, makakarating din siya roon. Magiging maayos din ang lahat.
Naging malaking tulong ang naramdaman niyang suporta mula sa mga magulang na nagtulak naman sa kanya upang mas maging mabuting estudyante, anak, at tao.