Mas Maraming Kaluluwa Sa Ospital Kaysa Sementeryo
Isang malagim na balita ang gumising isang madaling araw sa pamilya ni Eden. Ayon sa tumawag sa kanilang mga pulis ay natagpuan daw ang kapatid nito na si Randy na nasa kalsada at wala nang buhay.
Pinaghihinalaan nilang biktima ito ng pagnanakaw. Nakakalat kasi ang mga gamit nito sa tabi ng kanyang labi. Wala na ring laman ang wallet nito at pati na rin ang laptop na lagi nitong bitbit. Ayon sa mga awtoridad maaaring nanlaban si Randy kaya napailitan ang mga masasamang loob na kitilin ang kanyang buhay.
“HINDI ITO MAAARING MANGYARI SA KANYA! ANONG SINASABI NINYONG PUMANAW NA ANG AKING KAPATID. KANINA LAMANG AY NAGPADALA SIYA NG MENSAHE SA AKING INA NA PAUWI NA SIYA!” Sigaw ni Eden.
Halos bumagsak ang mundo ng mag-anak nang malaman ito. Hindi nila matanggap ang sinapit ng kapatid. Si Randy kasi ang tipo ng tao na magaling makisama. Sa kanyang trabaho sa call center ay marami itong mga naging kaibigan. Masipag ito at kahit kailan ay hindi nahuhuli sa trabaho.
Si Randy din ang katuwang ngayon ni Eden sa pagpapaaral sa bunso nilang kapatid na si Ellen. Kaya ganoon na lamang ang panghihinayang nila sa buhay nito.
Hindi na pinasama muna ni Eden ang mga magulang pagkat matatanda na ito at baka hindi kayanin kapag nakita ang sinapit ng kapatid. Kaya lakas loob siyang nagpunta mag-isa sa ospital.
Pinuntahan niya sa ospital ang mga labi ng kapatid. Nanghihina man ang tuhod at nangangatal ang pagsasalita ay pilit na itinatago ito ni Eden upang maayos na makipag-usap sa mga pulis at pamunuan ng ospital.
“Nasan po ang aking kapatid?” mahinahon man siya magsalita ay bakas sa kanya ang lungkot pagkat magang-maga ang kanyang mga mata at namamaos ang boses nito.
“Ikinalulungkot po namin ang nangyari sa inyong kapatid,” wika ng isang nars doon. “Mangyare lamang po ay pakipuntahan ninyo na po ang katawan niya na nakalagak ngayon sa morge. Ito po ay nasa ika-apat na palapag,” dagdag pa nito.
“Ipahahatid ko na lamang po kayo sa isa pang staff ng ospital,” pagtatapos ng nars.
Kumakabog ang dibdib ni Eden. Umaasa siyang sana hindi katawan ng kapatid ang kanyang makita.
Upang makapag-isip-isip pa. Pinili na lamang ni Eden na tahakin nila ang hagdan. Sa paglalakad, isang babaeng matagal nang pasyente doon ang bigla siyang hinawakan.
“Papunta ka ba sa morge, hija?” wika nito. “Nais lamang kitang bigyan ng babala. Hindi naman lingid sa kaalaman mo na maraaming pasyente ang pumapanaw sa ospital, hindi ba? Kasabihan nga ay mas marami pang kaluluwa na gumagala dito kaysa sa sementeryo,” patuloy na pagsasalita ng matandang babae.
“Ang sa akin lamang ay dapat marunong kang kumilatis ng tunay sa hindi,” pagbbigay babala pa ng babae. Nagugulumihanan man ay nagpatuloy sa paglalakad si Eden at kasama nitong staff. Sa pagtataka ay hindi maisawan ng dalaga na magtanong sa kanyang kasama.
“Kinikilabutan ako sa sinabi ng matandang iyon. May alam ka ba sa sinasabi niya?” pagtatanong ni Eden.
Napabuntong hininga na lamang ang staff ng ospital at saka ito nagkwento.
“Ayon kasi sa mga matatagal nang narito sa ospital. Marami daw ang nagpaparamdam at nagpapakita rito. Mayroon ding iba sa kanila na hindi matanggap ang mga sinapit at minsan ay nananakit. Ang iba naman ay sinasabi nila na nanghihingi ng tulong,” tugon ng kanyang kasama.
“Minsan isang araw nga. Nakarinig ako ng kalabog sa isang kwarto dito sa ospital. Dito sa ikatlong palapag. Ang akala ko ay may nagwawalang pasyente. Kaya dali-dali ko itong pinuntahan upang pigilan, ngunit pagpasok ko ay wala man lamang isang tao sa loob ng silid na iyon.
“Malaman laman ko, ang dati palang nakaratay doon ay isang lalaki na may nakaalitan, hinampas daw ito sa ulo at na-comatose. Ilang araw din ay binawian na ito ng buhay,” kinikilabutang paglalahad ng tauhan sa ospital.
Sa wakas ay nakarating na rin ang dalawa sa ika-apat na palapag. Natabunan ng lungkot ang kilabot ni Eden ng papalapit na siya sa katawan ng kanyang kapatid.
Nang makalapit at masigurado niyang ito nga ang kapatid. Dito na niya unti-unting naramdaman ang katotohanan na wala na ito.
Lumabas muna sandali ang staff upang hayaang magluksa ang babae. Hinawakan ni Eden ang malamig na kamay ng kapatid. Sa gitna ng pagdadalamhati ay pumasok muli ang staff at may sinabi sa dalaga.
“Miss, pasensya na. Mangyare lamang daw po na kayo ay bumaba saglit pagkat may kailangan daw kayong pirmahan na papeles para sa pagsasaayos ng inyong kapatid.”
Pinunasan ni Eden ang luhat at dali-daling nagtungo sa elevator para bumaba ng gusali. Pagbukas ng elevator ay may isang pasyente rin na nasa loob. Ngumiti ito sa kanya. Pinindot ni Eden ang pindutan at sumara na ito. Sa ika tatlong palapag ay huminto ito at muling bumukas.
Tumambad sa kanya ang isang babae din na nagmamadali na tumatakbo at hinahabol ang elevator. Kinilabutan si Eden pagkat napansin niya ang nakakabit na tag sa paa nito katulad ng mga tag na nasa kanyang kapatid at mga katawan na nasa morge. Mabilis niyang pinindot ang sarahan ng pinto ng elevator.
Nagtaka ang babaeng kasama niya sa elevator.
“Bakit mo siya pinagsaraduhan?” malumanay na sambit ng dalaga.
“Hindi mo ba nakita? Mayroon siyang tag na nakasoot sa kanyang paa. Katulad ng mga katawan doon sa morge. Maaaring isa siya sa mga sinasabi ng mga tao rito na gumagalang kaluluwa,” kinikilabutan na sambit ni Eden.
Tumingin pailalim ang kasabay na babae ni Eden sa elevator. Unti-unti nitong itinaas ang bestida.
“Katulad ba nito?” nakakakilabot na sambit ng dalaga.
Nanlaki ang mata ni Eden at napasigaw siya ng malakas. Natataranta niyang pinindot ang buton ng elevator at nagtatakbo palabas.
Sa takot ay hindi na umakyat pang muli ng ika-apat na palapag si Eden at hinintay na lamang na maiayos ang labi ng kapatid hanggang sa tuluyan na niya itong nakuha sa ospital.
Hanggang ngayon ay hindi makalimutan ni Eden ang nakakakilabot na pangyayaring iyon sa kanyang buhay. Tila ba bangungot na nangyari habang siya ay gising.
Nakipag-ugnayan siya sa ibang mga pasyente na sinasabing nakakakita at nakakaramdam din daw ng kakaibang bagay sa ospital. Sama-sama silang nakiusap na muli itong pabendisyunan nang sa ganoon ay magkaroon ng kapayapaan ang mga di matahimik na kaluluwa.