Inday TrendingInday Trending
Gagapang Na Parang Ahas

Gagapang Na Parang Ahas

Mabigat ang loob ni Aling Mila kay Atan, isa sa kanyang mga pamangkin at ang panganay na anak ng nakababatang kapatid. Naiwan sa pangangalaga niya ang pamangkin kasama pa ang tatlo pa nitong mga kapatid sa kadahilanang kailangang magtrabaho sa Saudi ng kanyang kapatid upang mabuhay ang mga anak.

Malaki ang inggit ni Aling Mila sa kanyang kapatid. Dahil sa edad nito ay nakapundar na ito ng sariling bahay kung saan sila ngayon naninirahan at may maganda rin itong trabaho sa Saudi. Labag man sa kalooban ni Aling Mila, tinanggap niya ang pakiusap ng kapatid pagkat naisip niya ang ipadadala nitong salapi.

May isang anak si Aling Mila. Ito ay ang dalagang si Belen. May taglay itong kagandahan at nakahuhumaling na karisma. Si Belen ay matanda lamang ng dalawang taon kay Atan. Ipinagmamalaki masyado ni Aling Mila ang dalagang anak pagkat tiwala siya na makakabingwit ang anak ng isang mayamang lalaki at ito magdadala sa kanila sa marangyang buhay.

Kung anong pagmamalaki ni Aling Mila sa anak ay kabaligtaran naman sa kanyang mga pamangkin. Madalas na pagbuntungan ng sisi at galit ni Aling Mila si Atan. Mainit ang dugo niya sa binata pagkat ito ang nagsasabi sa kapatid na nasa Saudi ng mga mali nitong ginagawa sa mga pamangkin.

Sa tuwing nagpapadala ng pera ang nanay ni Atan, kay Aling Mila ito bumabagsak. Kung mayroon din namang mga padalang kagamitan ay mauuna si Aling Belen na pilian ang sarili at ang anak nito. Minsan ay halos wala nang natitira sa mga magkakapatid.

Hindi lingid sa lahat ang masamang tabas ng dila ni Aling Mila. Mahilig itong manisi, mamintang, at humiling ng masama sa kanyang kapwa. Madalas sa palengke nga ay mayroon siyang nakakaaway. Minsan nagkaroon ng putik ang kanyang bistida nang hindi sinsadyang maibagsak ng isang mamimili ang hawak nitong basket.

“P*ta naman! Hindi ka ba marunong humawak ng dala mo? Napakahirap magtanggal ng mantsa, alam mo ba yun? Sana ay madapa ka riyan sa may putikan para malaman mo ang sinasabi ko!” sigaw ng babae.

“Hindi ko ho sinsadya. Pasensya na kayo. Wag ninyo naman po akong pagsalitaan ng ganyan.” paghingi ng paumanhin ng babae. Walang pakialam si Aling Mila sa mga salitang lumalabas sa kanyang bibig.

Noong isang araw narinig din siya na hinihiling na magka-almuras ang sino mang pumitas sa kanyang tanim na sili. Nariyan pang hiniling niyang sumakit ang tiyan ng kumuha ng suman sa kanyang bayong nang minsan itong namalengke, kahit ang totoo naman ay nalaglag niya ito.

Minsan nang siya ay bumibili ng baboy ay ayaw siyang bigyan ng tawad ng tindera.

“Parang konting tawad lang, ayaw mo pa! Napakamahal ng tinda mo, sana walang bumili sayo at mabulok lahat yan!” pabulalas na sambit nito.

“Mag-ingat ingat ka sa mga sinasabi mo, Mila! Baka mamaya yang mga sumpa mo ay bumalik din sa iyo!” sagot naman ng tindera.

Maraming ayaw kay Aling Mila dahil sa nakakapikon nitong ugali. Araw-araw ganyan ang iyong maririnig sa kanyang bibig, marami siyang isyu sa katawan. Sa kasamaang palad, Hindi makaliligtas dito ang pamangkin na si Atan.

Madalas niyang pagbuntungan ng galit si Atan. Walang araw na hindi niya ito inalipusta at pinagalitan, ngunit binaliwala lang lahat ito ng binata. Tinuon na lamang nito ang sarili sa kanyang pag-aaral at pati na rin sa pag-aalaga ng mga kapatid. Sa pag-asang isang araw ay makatulong na siya sa kanyang ina upang umuwi na ito at makasama na nila.

Sa tuwing napagsasalitaan ng di maganda si Atan ng kanyang tiyahin ay nananalangin na lamang ito na isang araw ay matigil na ang mga ginagawa nitong kasamaan sa kanila.

“Tiiya, maari po ba akong makahingi ng pambili ng aking proyekto? Kailangan ko lamang sa paaralan.”wika ng binata.

“Tumigil ka! Ubos na ang pinadala ng nanay mo!” sigaw ni Aling Mila.

“Mag-aaral ka pa? Yang b*bo mong yan?! Alam mo wala akong kabilib-bilib sa mga ginagawa mo? Alam mo kung bakit? Kasi malas kang bata ka! Bakit hindi ka na lamang kasi tumigil sa pag-aaral mo. Akala mo naman ay may patutunguhan ka!” pang-aalipusta ng tiyahin kay Atan.

“Walang-wala ka sa kalinkingan ng anak kong si Belen. Ginagamit ang utak! Hayun at nakahanap ng mayamang kasintahan. Pasasaan pa at ikakasal sila at makakaahon na rin kami sa hirap,” dagdag pa ng babae.

Ngunit hindi nagpatinag si Atan. Kahit na gusto niyang sumagot ay pinigilan na lamang niya ang sarili. Pagkat baka mamaya ay madamay pa ang kaniyang mga kapatid. Pinagpatuloy na lamang ni Atan ang pag-aaral niya.

Isang umaga ay walang tigil ang pagbubunganga ni Aling Mila. Nawawalan kasi siya ng isang libong piso sa kanyang pitaka. Ang natatandaan niya ay huling nanghingi sa kanya ng pera si Atan. Kaya ito ang pinagbbintangan nito.

“Hoy, Atan!” bulalas ni Aling Mila. “Ibalik mo ang ninakaw mong isang libo!”

“Huwag ka nang mag maang-maangan diyan pagkat alam kong ikaw ang kumuha non! Ninanakaw mo dahil ayaw kitang bigyan!?” pagbubunganga ng tiyahin.

“Hindi ko po alam ang sinasabi ninyo, Tiya. Hindi na nga po ako makakapagpasa ng proyekto dahil hindi ninyo ako binigyan. Hindi po kami pinalaki ng nanay ko na maging sinungaling at magnanakaw,’’ mariing sagot ng binata.

“Talaga nga namang hindi ka aamin! Walanghiya kang bata ka!” ayaw tumigil ni Aling Miling sa mga masasakit na pinagsasabi nito. Lalong nagliliyab ito sa galit pagkat hindi talaga inaako ni Atan ang mga pangyayari dahil wala naman talaga itong kasalanan.

“Mga letse kayo! Kung sino man sa inyo ang kumuha ng pera ko sa pitaka ay gagapang na parang ahas! Sinusumpa ko yan!” galit na galit na pagpaparining ni Aling Mila.

Buong pag-aakala niya na ang pamangkin na si Atan ang kumuha ng kanyang salapi, ngunit ang hindi niya alam ay ang tunay na may sala ay ang kanyang anak na si Belen.

Kinuha ni Belen ang isang libong piso nito noong madaling araw na tulog na tulog ang matanda. Hindi alam ni Aling Mila na hindi totoo na mayaman ang kasintahan ng anak. Sa katunayan ay isa lamang itong tambay at si Belen pa ang gumagastos para dito.

Hindi naglaon nalaman ng nanay ni Atan ang mga ginagawang pananalbahe sa kanila ng sarili niyang kapatid. Kaya umuwi ito at dali-daling pinalayas sila Aling Mila at Belen sa kanilang pamamahay. Nakatapos na rin ng pag-aaral si Atan at nagkaroon ng magandang trabaho. Hindi na kinailangan pa ng nanay nito na bumalik sa ibang bansa.

Sa kabilang banda, si Belen ay naging miserable ang buhay. Nabuntis siya at lubhang naghirap pagkat ang napangasawa ay labas-masok sa kulungan dahil na rin sa mga masasamang bisyo nito.

Lubhang nagsisisi si Aling Mila sa lahat ng mga tinuran niya. Tila ang kanyang sumpa ay bumanda sa kanilang mag-ina. Kung maibabalik lamang niya ang mga salita ay hindi na niya ito sasabihin. Ngunit sa pagkakataong ito, huli na ang lahat.

Advertisement