Inday TrendingInday Trending
Alay Ko Sa’yo ang Isang Baga Ko, Kuya

Alay Ko Sa’yo ang Isang Baga Ko, Kuya

Mula nung magbinata ang kaniyang kapatid na si Jayson ay hindi na naging normal ang buhay nito. Pabalik-balik na lang ito sa ospital at halos doon na tumira. May sakit ang kuya niya. Chronic obstructive pulmunary disease, uri ng sakit sa baga. Mahina na ang parehong baga nito at kaunting galaw lang ay nahihirapan na itong huminga.

“Misis, ang mga ganitong cases ay hindi talaga gagaling hangga’t hindi natin napapalitan ang isa niyang baga,” sabi ng doktor sa ina ng pasyente.

“Pero hanggang ngayon ay wala pa rin kaming mahanap na perfect match sa baga ng anak ko, dok,” mangiyak-iyak na wika ni Mercy.

“Bakit hindi natin ipa-test ang iba mo pang anak? May posibilidad na may maging ka-match si Jayson sa mga kapatid niya.” Agad namang nilingon ng babae si Jay-r. Apat ang anak ng babae. Si Jayson ang panganay at sumunod dito si Jay-r. Ang dalawa pa nitong anak ay maliliit pa.

“Kung pwede ako, ma, bakit hindi?” ani ni Jay-r pero ang totoo ay kinakabahan ito. Kapag nawala ang kaniyang isang baga ay isang baga na lang ang kaniyang aasahan. At ang mas kinakatakutan niya ay baka hindi nila kayanin ng kapatid ang operasyon.

Agad na isinalang si Jay-r sa maraming test para malaman kung compatible ba ang baga nilang dalawa ng Kuya Jayson niya. Ilang oras din ang hinintay nila ng mama niya at sa wakas ay lumabas na rin ang mga resulta.

“I have good news and bad news,” panimula ng doctor. “Ang good news ay match ang baga ninyo ng kuya mo. Ang bad news naman ay hindi natin alam kung kakayanin ng katawan mo na iisang baga lang. By the way, kung nakapagdesisyon na kayo at naihanda na ang lahat para sa operasyon ay puntahan niyo lang ako,” anito tsaka nagpaalam sa kanila.

“Jay-r, anak, kaya mo ba?” malungkot na tanong ng ina. “Sa totoo lang, ma, ay natatakot ako. Natatakot akong baka hindi ko kayanin at hindi din kayanin ni kuya. Baka pareho pa kaming mawala. Pero sa kabilang banda ay masaya ako kasi may kakayahan akong dugtungan ang buhay niya sa pamamagitan ng isa kong baga,” wika ng anak dahilan upang magsimulang umiyak ang ina.

Buong gabing hindi nakatulog si Jay-r sa kakaisip kung ibibigay ba niya ang isang baga niya sa kuya niya o hindi. Ngunit wala ng oras para mag-isip pa si Jay-r ng matagal. Habang gumagalaw ang orasan ay araw-araw ding nababawasan ang buhay ng kuya niya. Sa bandang huli ay napagdesisyunan ng lalaki na ibigay sa kapatid ang isa niyang baga. Matagal nang naihanda ang pampaopera para sa kuya niya. Ang baga na lang ang kulang.

Bago pumasok sa loob ng operating room upang simulan ang operasyon ay kinausap muna si Jay-r ng kuya niya.

“Sigurado ka bang kaya mo, Jay-r?” nag-aalalang tanong ni Jayson. “Oo naman, kuya. Basta para sa’yo kakayanin ko,” nakangiti wika ng kapatid. Pilit kinukubli ang takot at kabang nararamdaman.

“Hayaan mo. Babawi din ang kuya sa’yo kapag gumaling na. Maraming, maraming salamat at handa kang isakripisyo ang sarili mo para sa’kin na wala nang ibinigay sa pamilya natin kung ‘di sakit lamang sa ulo.”

“Hindi mo naman ginustong mangyari iyan sa’yo, kuya. Walang kahit sino ang gugustuhing maging ganiyan kaya huwag mong sisihin ang sarili mo. At tsaka hindi mo naman kailangang bumawi sa’kin. Makita lang kitang gumaling at hindi na nahihirapang huminga ay sapat na para masabi kong worth it ang pagsasakripisyo ko. Dahil kapatid kita at mahal kita kaya handa akong ialay sa’yo ang isa kong baga madugtungan lang ang buhay mo. Kaya dapat ipangako mo talaga sa’kin na magpapagaling ka at huwag mo akong bibiguin,” tugon ni Jay-r.

“Pinapangako ko, Jay-r,” masayang ngumiti ang kuya niya tsaka niya ito hinalikan sa noo at pumasok na sa operating room.

Isinagawa na nga ang pinakahihintay na operasyon at ang lahat ay kabado. Lahat nagdarasal na sana ay parehong maging ligtas si Jayson at Jay-r. Halos kalahating araw din isinagawa ang operasyon. Lahat sila ay sabik sa ibabalita ng doctor na nagsagawa ng operasyon.

“Kumusta po ang mga anak ko, dok?” kinakabahang tanong ni Mercy, ang ina ng dalawa. Pigil ang hininga habang hinihintay nilang lahat ang sasabihin ng doctor. “I’m sorry, misis.”

Sa narinig ay agad na sanang hahagulgol nang iyak si Mercy nang muling magsalita ang doktor at ngumiti. “I’m sorry kung hindi niyo pa sila maaaring makita ngayon. Maayos po ang operasyon at wala kayong dapat iiyak. Pareho pong palaban ang mga anak niyo.”

“Ikaw naman, dok, masyado niyo kaming pinakaba,” nakangiting reklamo ng asawa ni Mercy.

“Maiwan ko na po kayo,” paalam ng doktor.

Nang tuluyan na itong umalis ay agad silang nag-iyakan sa saya. Laking pasasalamat nila sa Panginoong Diyos dahil hindi nito pinabayaan ang kanilang mga anak na parehong nasa hukay ang kabilang paa. Tunay ngang may awa ang Diyos sa mga taong nananampalataya sa kaniya.

Sa mga taong natatakot sumugal, gayahin niyo si Jay-r. Sa kabila ng takot niya na baka hindi nila kayanin ang operasyon at baka pareho pa silang mawala ng kuya niya ay mas nangibabaw pa rin sa kaniya ang pagmamahal niya para sa kapatid. Mahalaga ang sariling buhay pero napakasarap din sa pakiramdam ang malamang may kakayahan ka upang dugtungan ang buhay ng isang tao lalo na’t kung kapamilya mo ito.

Advertisement