Panganay si Jose sa anim na magkakapatid at hindi lamang sa hirap siya nagising kung ‘di pati na rin sa gutom at pangungutya ng maraming tao. Pangangalakal lang kasi ang trabaho ng kaniyang mga magulang at pagwawalis ng daan pero halos hindi sila nakakakain ng maayos kahit na doble na ang trabaho ng mga ito.
“Ma, sige na! Ibigay mo na lang ako kay Ma’am Cynthia. Pag-aaralin naman daw niya ako kapalit ng pagtatrabaho sa panaderya nila. Ayaw mo bang magkaroon ng anak na may tinapos?” wika ni Jose sa kaniyang nanay.
“Anak, mahirap ang mabuhay ng mag-isa. Mahirap ang mawalay sa pamilya. Tsaka kapag umalis ka ay wala na akong maaasahan para magbantay sa mga kapatid mo. Nakapagtapos ka na naman ng elementarya. Kaya mo na ring isulat ang pangalan mo at kaya mo na ring bumasa kaya sapat na iyon,” sagot ni Aling Mona, ang nanay ni Jose.
Hindi na lang sumagot pa si Jose sa kaniyang nanay lalo na’t masama na ang tingin sa kaniya ni Mang Gaston, ang amain ng lalaki.
“Tigilan mo na iyang nanay mo. Alam mo na panganay ka kaya umakto kang panganay!” bulyaw sa kaniya nito.
Bata pa lang noon si Jose ay nagkahiwalay na ang kaniyang nanay at tatay kaya naman sa limang magkakapatid ay tanging siya lamang ang naiiba ang ama. Kahit na alam niyang isang suntok sa buwan ang gagawin niyang paglayas ay umalis pa rin siya.
Lumipas ang apat na taon ay nag-aral nga ang lalaki at nakapagtapos ito ng hayskul sa tulong ng kaniyang gurong si Ginang Cynthia.
“O, bumalik na dito ‘yung mayabang mong anak. Ano ngayon ang pakiramdam ng may tinapos?” bati ni Mang Gaston sa kaniya.
“Hindi naman po ako nandito para magyabang. Bumalik po ako para tumulong. ‘Nay, may trabaho na po ako. Mensahero po ako sa isang malaking kompaniya sa Maynila,” saad ni Jose sa kaniyang nanay at nagmano dito.
“Mabuti naman kung ganun at dahil may trabaho ka na rin ay aasahan kong magpapadala ka ng pera dito sa amin. Mag-aaral na ‘yung mga kapatid mo at iahon mo naman kami sa hirap,” pahayag ni Aling Mona.
“Ayun naman talaga ang balak ko, ma. Umuwi lang ako saglit dito sa atin para sana ibigay sa inyo itong telepono. Matagal ko pong pinag-ipunan iyan. Sana magustuhan niyo,” sabi ni Jose sabay abot sa biniling telepono rito.
“Kita mo nga naman, mangangalakal lang kami pero may selpon na kami,” kutya sa kaniya ni Mang Gaston.
Hindi na nagsalita pa ang binata. Ayaw kasi niyang magtalo pa sila nito. Kahit na mainit ang dugo sa kaniya ng lalaki ay aminado naman si Jose na maayos itong tatay sa kaniyang mga kapatid at mahal na mahal nito ang kaniyang nanay kaya naman hinayaan na lamang niya. Umalis na lang ang lalaki at nagtrabaho sa Maynila.
“Anak, kumusta ka riyan? Wala ka bang ipapadalang pera dito sa amin?” tanong ni Aling Mona sa telepono.
“Ma, wala pa po. Naubos kasi ang pera ko sa pagbili ng second-hand na motor tapos ngayon, eh, nagbitiw na rin ako sa trabaho kaya wala pa akong pera. Kumusta kayo diyan?” masiglang sabi ni Jose sa kaniyang nanay.
“O, nanghingi lang ako ng kaunting pera ay wala ka ng trabaho agad? Ang damot mo naman yata, Jose,” baling ni Aling Mona.
“Hindi, ma, maliit kasi sinasahod ko doon kaya maghahanap pa ako ng mas malaki,” paliwanag ng binata.
“Hayskul lang naman ang tinapos mo. Kung makapaghanap ka naman ng mas malaking sahod ay akala mo nakapagkolehiyo ka. Huwag kang masyadong mapili dahil hindi ka naman matalino,” sabi ng kaniyang nanay.
“Hayaan mo, ma, darating din ‘yung araw na ipagmamalaki niyo ako,” sagot ng binata.
Akala niya ay aamuhin siya ng kaniyang nanay ngunit tinawanan lamang siya nito tsaka binaba ang telepono. Nagpalipat-lipat ng trabaho si Jose. Mula sa pagiging mensahero ay pinasok niya ang pamamasada bilang habal-habal. Mas malaki ang kaniyang kinikita. Sumugal din siya sa pagkuha ng isang paluging karinderya na malapit sa kaniyang tinitirhan.
“Hijo, sigurado ka bang bibilhin mo itong pwesto ko?” tanong ng matandang may-ari ng kainan. “Diyan na, ho, ako titira at ako na rin ang mamamahala ng kainan na ito,” masiglang sagot ng binata.
Hindi na umimik ang ale at tinanggap na lang ang walong libong piso na bayad sa nasabing pwesto. Isinugal doon ni Jose ang kaniyang pera at kahit alam niyang walang kasiguraduhan kung babalik ba sa kaniya ang pera ay lakas loob pa rin niyang pinatakbo ito.
Nagluluto siya ng lutong ulam tuwing umaga, mga tatlong putahe at kanin tsaka niya ibabalot ito para mas mabilis na mapili ng mga mamimili. Maghahabal naman siya pagdating ng tanghali at magluluto muli kapag hapunan na.
“May sarili ka ng negosyo. Mukhang umaasenso ka na talaga! Baka naman pwedeng kuhanin mo na kami ng mga kapatid mo. Ikaw naman ang maghanapbuhay,” bati ni Aling Mona.
“Hindi pa maayos ang karinderya, ma. Tsaka na lang po,” sagot ni Jose rito.
“Sus, lagi ka na lang ganiyan. Ang sabihin mo ay ayaw mo kaming isama diyan sa pagyaman mo! Napakayabang mo! Malugi ka sana,” pahayag ng kaniyang nanay tsaka binaba ang telepono.
Naiyak na lang si Jose dahil sa kaniyang narinig ngunit hindi siya sumuko. Mas dinoble pa ng binata ang kaniyang sipag hanggang sa naglalako na rin siya ng mga meryenda sa mga opisina. Halos limang taon na ganito ang kaniyang trabaho. Wala siyang sinayang na oras at wala siyang pinalagpas na pagkakataon.
Umuwi siya sa kanilang probinsya tsaka kinausap ang kaniyang nanay at dinala niya ito sa isang ginagawang bahay malapit sa kanilang lugar.
“O, bakit tayo nandito? Sa tingin mo ba, e, kaya mong magpagawa ng ganiyan? Naku, Jose, masyadong mataas ang tingin mo sa sarili mo,” baling agad ni Aling Mona.
“Ang ganda po ng bahay ano?” namamanghang sabi ni Jose habang nakatingin sa ginagawang bahay. Pinipinturahan na ito kaya naman lumalabas na ang tunay na ganda.
“Mayaman daw ang nagpapagawa niyan dito sa lugar natin. Umalis na nga tayo at ipamili mo naman ako sa bayan ng kahit isang bagong t-shirt. Ano ba ‘yung bigyan mo ng kaunting ambon ang nanay mo sa biyayang natatamasa mo sa Maynila,” wika ng ale.
“Para sa’yo lahat ng hirap ko, ma. Para sa’yo ‘yan,” saad niya sa kaniyang nanay at tsaka inabot ang susi ng bahay.
“Bahay natin iyang ginagawa nila. Pinatayo ko iyan mula sa pawis ng anak mong hayskul gradweyt lang. Mula sa puyat ng pagluluto at paglalako ng pagkain, mula sa pagmamaneho ng ilegal na habal-habal at hanggang sa pinakamaliit na kusing na kikitain ko para iyon lahat sa’yo,” nakangiting pahayag ni Jose.
Hindi makapaniwala si Aling Mona sa kaniyang narinig at nakikita. Niyakap na lamang niya ang anak, “Patawarin mo ako, anak,” bulong nito.
“Wala iyon, ma. Mahal na mahal kita kaya ako nagsumikap kahit na napakababa ng tingin mo sa akin,” sagot naman ni Jose.
Hindi nakasagot ang kaniyang nanay sa sobrang hiya. Alam niya sa kaniyang sarili na masyado nga niyang minaliit ang anak. Pero sino nga bang makakapagsabing ang hayskul graduate na katulad niya pa ang makakapag-ahon sa kanila? Maswerte ang kanilang pamilya dahil sa kabila ng pagmamaliit nila kay Jose imbes na talikuran sila nito ay mas pinili pa nitong tangayin sila patungo sa mas masaganang pamumuhay.