Patawad, Inay!
Sagad hanggang buto ang galit ni Julia sa kaniyang inang si Amelia. Noong kinakailangan niya kasi ang kaniyang ina ay mas pinili nitong manatili sa abroad para magpayaman kaysa sa umuwi para alagaan ang anak niyang may malubhang karamdaman. Ngayon na nakauwi na ang ina ng babae ay walang araw na lumipas na hindi pinaramdam ng dalaga ang kaniyang hinanakit sa OFW niyang ina.
“Huwag mo kong pakialamanan! Wala kang karapatan! Nasaan ka nung kailangan kita? Nasaan ka noong kailangan ko ng kidney transplant? Mas pinili mong magpayaman sa abroad kaysa alagaan ang anak mong nakaratay sa ospital! Wala kang karapatang pakialaman ang buhay ko dahil hindi ka naman nagpaka-ina nung panahong kailangang-kailangan kita!” bulyaw ni Julia kay Amelia nung sinermonan siya ng ina dahil madaling araw na naman siyang nakauwi.
“Pero baka mapahamak ka sa daan kung palagi kang gagabihin sa pag-uwi. Wala din akong tiwala sa mga kaibigan mo. Puro bisyo at pagbubulakbol lang ang tumatakbo sa mga isip nila,” saad ni Amelia. “Mas pagkakatiwalaan ko ang mga kaibigan ko na laging nandiyan sa tabi ko tuwing kailangan ko sila kaysa sa nanay ko na ipinagpalit ako sa pera!” tugon ng babae.
Ilang beses ng sinabihan si Julia ng kaniyang ama tungkol sa bastos na pakikitungo nito sa kaniyang ina pero nagtetengang kawali lang ang babae sa mga sermon nito. Awang-awa na ang lalaki sa kaniyang asawa. Kung maaari niya lang sanang sabihin sa anak ang pinakatatagong lihim ng ina ay matagal na niyang ginawa kaya lang ay nangako ito kay Amelia na hindi niya ibubulgar sa anak ang katotohanang matagal nang itinatago ng asawa sa anak.
“Bakit ba ayaw mong ipaalam sa anak mo ang katotohanan? Siguradong magbabago ang pakikitungo sa iyo ni Julia pag nalaman niya kung ano ang isinakripisyo mo para sa kaniya,” pangungumbinsi ni Jasper sa asawa. “Hindi na mahalagang malaman niya kung ano ang mga ginawa ko para sa kaniya. Sapat na sa akin ang makitang maayos na ang lagay niya.”
“Ano naman ang masama kung malaman ng anak mo na kaya ka hindi nakauwi sa Pilipinas ay dahil nakulong ka sa Saudi?” tanong ulit ng lalaki. “Natatakot ako! Baka lalo lang siyang mawala sa akin. Itatakwil ako ni Julia pag nalaman niyang isang kriminal ang kaniyang ina!” mangiyak-ngiyak na saad ni Amelia.
“Hindi ka isang kriminal!” sigaw ni Jasper. “Pinagtanggol mo lang ang iyong sarili at napatunayan mo iyan sa korte. Oo, aksidente mong nap*slang ang iyong amo pero muntik ka na niyang map*tay nung nagtangkang siya pagsamantalahan ka. Kung hindi ka lumaban ay baka matagal ka nang nawala sa amin,” dagdag ng lalaki.
“Pero nakap*tay pa rin ako kaya isa pa rin akong kriminal!” tugon ng babae.
“Ang alam ni Julia ay pinagpalit mo siya sa pera. Kung alam lang niya na kahit hindi ka nakauwi sa Pilipinas ay hindi mo siya pinabayaan malamang hindi niya iisipin iyon. Buhay ang anak natin dahil sa’yo. Ibinigay mo ang isa mong kidney para gumaling ang anak natin. Kahit mag-isa kang nagdudusa sa kulungan sa ibang bansa ay hindi mo pinabayaan ang anak mo. Hindi tama ang inaasal niya sa’yo,” malungkot na saad ni Jasper.
Matagal ng nais ng lalaki na maayos ang relasyon ng kaniyang mag-ina. Matagal na niyang gustong magtapat kay Julia. Ngunit hangga’t hindi niya nakukumbinsi ang asawa na mauunawaan siya ng kaniyang anak pag nalaman nito ang buong katotohanan ay wala siyang magawa kung hindi itikom ang kaniyang bibig.
Nahinto ang seryosong pag-uusap ng mag-asawa nang makarinig sila ng malakas na hikbi mula sa labas ng kanilang kwarto. Nung inalam ng dalawa kung sino ang taong umiiyak ay nanlaki ang kanilang mga mata.
“Bakit hindi niyo sinabi sa akin? Ang akala ko hindi mo na ko mahal kaya hindi ka umuwi! Ang akala ko wala kang pakialam sa akin! Hindi ako dapat nagtanim ng sama ng loob sa’yo! Hindi kita dapat trinato ng masama! Patawad, inay! Hindi ko alam! Patawarin mo ko sa mga nagawa ko sa’yo.” Niyakap ni Julia ng mahigpit ang kaniyang ina habang paulit-ulit na humihingi ng tawad.
Hindi makapaniwala si Amelia na hindi siya itinakwil ni Julia sa kabila ng mga natuklasan ng anak. Kung noon pa lang ay nakinig na siya sa kaniyang asawa siguro ay matagal na niyang nakamit ang pinakaaasam na yakap mula dito. Kung noon pa lang ay ipinagtapat na niya sa anak kung bakit hindi siya nakauwi ay siguro hindi nalayo ang loob nito sa kaniya. Kung sana ay hindi siya nagpadala sa takot, eh, ‘di sana hindi nagkaroon ng gusot ang relasyon nilang mag-ina.
Nung malaman ni Julia ang katotohanan na hindi siya ipinagpalit ng ina sa pera at ibinigay pa nito ang sarili nitong kidney para gumaling siya ay nagbago na ang pakikitungo niya sa kaniyang ina. Napawi na ang matinding galit na naipon sa kaniyang puso. Ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya para makabawi sa babae. Buong puso niyang ipinadama sa babae kung gaano siya nagpapasalamat dahil si Amelia ang kaniyang naging ina, isang babae na handang ibigay ang lahat para sa kaniyang anak.