Hindi Maluwag ang Turnilyo Ko sa Utak!
Sa pagkakatanda ni Zoe ay natulog lang siya sa kaniyang kwarto dahil sa matinding pagod matapos ang libing ng kaniyang ama kaya hindi na nakapagtataka na magulat ang dalaga nung muli niyang imulat ang kaniyang mga mata at matagpuan niya ang kaniyang sarili sa loob ng isang hindi pamilyar na kwarto.
Paglabas ng babae sa kwarto ay naglakad-lakad siya para tuklasin kung nasaan na siya at alamin kung paano siya napadpad sa lugar na iyon. Nang makakita siya ng tao ay nilapitan niya ito para tanungin pero tinitigan lang siya nito kaya naghanap siya ng ibang mapagtatanungan pero katulad ng unang taong nilapitan niya ay kakaiba rin ang kinikilos nito.
“Miss, nasaan ako? Anong ginagawa ko dito? Paano ako napadpad dito?” desperadong tanong ni Zoe sa ika-sampung tao na kaniyang napagtanungan. “Nasa isang pribadong ospital ka. Hindi ko alam kung sino ang nagdala sa’yo dito pero kung nandito ka isa lang ang ibig sabihin nun, may problema ka sa pag-iisip,” sagot ng nurse.
Sa sobrang gulat ni Zoe ay hindi niya napigilan ang sarili niya na sigawan ang nurse. Galit na galit ang babae sa kung sino man ang nangahas na ipasok siya sa isang mental hospital. At dahil sa kaniyang matinding emosyon, dagdag pa ang matinding pangungulila sa yumao niyang ama, ay walang tigil sa kahihiyaw ang dalaga.
Na alarma ang nurse sa ikinilos niya. Sa takot na maging bayolente siya at makapanakit ng iba ay humingi agad ito ng saklolo sa iba pang mga nurse at doktor. Agad na hinawakan ng dalawa pang nurse ang mga braso ni Zoe para pigilan ang pagkilos ng babae habang hinihintay nila ang paglapit ng isang doktor.
Nung nakita ni Zoe ang hawak na iniksyon ng taong papalapit sa kanilang kinaroroonan ay tsaka lamang tinangka ng babae na makaalpas. Nagwala ang dalaga sa kagustuhan na bitiwan siya ng dalawang taong may hawak-hawak sa kaniya. Wala na siyang pakialam kung makasakit siya ng iba basta hindi siya maturukan ng gamot na hindi naman niya alam kung para saan.
“Para saan iyan? Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na hindi ako baliw! Huwag na huwag kang magkakamali na itusok iyan sa akin! Ano ba? Pakawalan niyo ko! Gusto kong makausap ‘yung namumuno ng ospital! Dalin niyo siya dito! Hindi ako dapat naririto! Sino ba ang nagdala sa akin dito? Sinabi ng hindi ako baliw, eh!” sigaw ni Zoe habang pinipilit niyang makawala sa pagkakahawak sa kaniya bago nagdilim ang kaniyang mga paningin at tuluyang nawalan ng malay.
Mahigit ilang linggo nang namamalagi si Zoe sa ospital ng mga baliw. Simula nung tinurukan siya ng gamot ay hindi na siya pinalabas sa kaniyang kwarto. Araw-araw ay binibisita siya ng isang doktor. Kung anu-ano ang tinatanong nito sa kaniya na mahinahon naman niyang sinasagot. Kapag siya naman ang nagtatanong ay pinapaikot lang siya ng doktor makaiwas lang sa pagsagot. Hinabaan ng babae ang kaniyang pasensya kahit na kumukulo ang kaniyang dugo sa galit. Batid niya na kapag pinairal niya ang kaniyang emosyon ay baka lalo lang siyang tumagal sa ospital.
Nagbunga ang pagtitimpi ng babae. Nung nakasiguro na ang doktor na hindi siya isang bayolenteng pasyente ay tsaka lang siya pinayagan na makalabas sa kaniyang kwarto at sa awa ng Diyos sa unang araw ng kaniyang paglilibot sa ospital ay natiyempuhan niya ang dati nilang kapitbahay. Isa itong doktor. Ito ang nagpatunay sa lahat ng naroroon na hindi maluwag ang turnilyo niya sa utak.
Pagkalabas ni Zoe ng ospital imbes na dumiretso siya sa kanilang bahay ay nagtungo siya sa bahay ng matalik niyang kaibigan para humingi ng tulong. Kailangang panagutan ng mga salarin ang ginawa nila sa kaniya kaya dumulog ang babae sa himpilan ng NBI. Walang ibang pinagsabihan si Zoe na nakalabas na siya ng ospital maliban sa kaniyang kaibigan habang hindi pa tapos ang imbestigasyon. Kailangan niyang maging mas maingat. Hindi siya nakakasiguro kung mapagkakatiwalaan ba ang lahat ng kasama niya sa bahay. Kahit na alam na niya kung sino ang nagpasok sa kaniya sa ospital ng mga baliw malaki ang posibilidad na kasabwat ang lahat o iilan sa kanila.
“Sigurado ka na ba sa balak mo?” Tanong ng kaibigan ni Zoe. “Sapat na ang mga nakalap na ebidensya ng imbestigador. Hinding-hindi ko mapapalampas ang ginawa nila sa akin. Ipaparanas ko sa kanila ang pakiramdam na makulong sa isang maliit na kwarto. Mas malala nga lang ang mangyayari sa kanila dahil sa kulungan sila babagsak at malamang ay doon na rin sila bawian ng buhay,” galit na saad ni Zoe.
Kasama ni Zoe ang kaniyang abugado at mga pulis nung bumalik siya sa kanilang bahay. Dumating na ang tamang panahon para ipatikim niya sa mga kamag-anak ng kaniyang ama ang hagupit ng kaniyang paghihiganti. Imbes na makuntento sila sa pag-aagapay na iginawad ng kaniyang pamilya nung walang-wala ang mga ito ay mas pinili nilang maging sakim sa mga bagay na hindi nila pag-aari. Akala siguro nila ay tahimik na lang niyang tatanggapin ang kapalarang ipinilit ng mga ito sa kaniya dahil malaki ang pagpapahalaga niya sa pamilya at ayaw na ayaw niya ang nakikipag-away. Pwes nagkakamali sila. Dahil sa kanilang pagiging ganid ay ginising nila ang natutulog na leon sa katauhan ni Zoe.
“Bakit? Tinulungan namin kayo nung kayo ang nangangailangan ng tulong! Binigyan namin kayo ng masisilungan, pinakain namin ang mga bulate niyo sa tiyan. Hindi pa ba sapat na pinatuloy namin kayo sa aming tirahan kahit na puro problema lang ang dinadala ng mga batugan niyong katawan? Bakit niyo ko pinasok sa ospital ng mga baliw kahit wala akong diperensya sa utak? Bakit pati ang mga iniwan sa akin ng mga magulang ko ay gusto niyong kamkamin?” puno ng hinagpis na sigaw ni Zoe sa mga kamag-anak na kinupkop nila sa kanilang bahay.
Masakit isipin na ang mga taong iyong tinulungan ay siyang maglalagay sa iyo sa kapahamakan. Mas masakit malaman na ang mga taong inaakala mong iyong masasandalan sa panahon ng pagdadalamhati ang siya pang magbibigay ng dagdag na pasakit. Pero mas masakit na ang kabutihan ng iyong puso ay gagantihan ng kasakiman lalo na kung sila ay iyong kapamilya.
Lahat ng mga taong kasama ni Zoe sa bahay ay sangkot sa masaklap na sinapit ng dalaga. Nagtulong-tulong ang mga ito para makakalap ng mga pekeng medical records at magpahayag ng mga pekeng kwento tungkol sa babae ng sa ganoon ay maipasok ito sa ospital ng mga baliw at maangkin nila ang mga naiwang pagmamay-ari ng ama nito. Sinamantala nila ang kabaitan ng babae sa pag-aakalang hindi sila bwebweltahan nito pero nagkamali sila. Dahil sa kanilang kapangahasan ay kinalimutan ng babae na mga kamag-anak niya ang mga ito katulad ng pagkalimot nila sa kaniya. Dahil sa kanilang ginawa ay hindi lang sila nawalan ng tirahan na masisilungan at pagkain para sa kanilang sikmura, nawala din sa kanila ang babaeng umaagapay sa kanila.
Walang nagawa ang mga kamag-anak ni Zoe kung hindi magsisi sa loob ng kulungan. Kung nakuntento lang sana sila sa kabaitang ibinigay ni Zoe at ng ama nito, kung hindi sana nila sinira ang tiwala ng babae, eh, di sana maayos pa ang pamumuhay nila ngayon. Hindi sila nagtitiis sa masikip na selda at kaunting rasyon ng pagkain. Pero sabi nga nila ay nasa huli palagi ang pagsisi. Hiling nila na sana ay magawa pa silang patawarin ng babae.
Hindi man naging maganda ang karanasan ni Zoe sa mga kamag-anak na kinupkop nila ng kaniyang ama alam ng babae na darating din ang panahon na mapapatawad niya ang mga ito. Pero malabo ng bumalik sa dati ang pakikitungo niya sa mga ito dahil ang tiwalang nasira ay hindi na mabubuo at ang relasyong nawasak ay hindi basta-basta maaayos kahit kadugo mo pa ang sumira nito.