Inday TrendingInday Trending
Ang Paulit-ulit na Pagtunog ng Munting Kuliling ni Lolo

Ang Paulit-ulit na Pagtunog ng Munting Kuliling ni Lolo

“Anak, halika na at mahuhuli na tayo sa libing ng iyong lolo.”

‘Yan ang mga salitang narinig ni Noli bago humakbang papalayo sa kanilang tahanan. Patungong sementeryo kung saan ilalagak ang labi ng kanyang Lolo. Mabigat ang pagdadalamhati, ngunit dala pa rin nito ang kaba na naramdaman nung araw na sumakabilang buhay ang kanyang lolo.

Tuwing bakasyon ay palagi silang dumadalaw sa probinsya kung saan nakatira ang kanilang lolo na si Lolo Mito, na hindi na masyadong nakakapagsasalita at nakakalakad dahil sa kanyang pagkaka-stroke siyam na taon na ang nakalilipas. Dahil dito ay lagi siyang may hawak na kuliling upang magamit sa tuwing siya ay may kailangan.

Sa oras na tumunog ito at narinig, ay agad na pinupuntahan si Lolo Mito ng kanyang mga kasama sa bahay upang alamin ang gusto o kailangan nito.

“Kuliling… Kuliling… Kuliling…”

“Anak, paki-puntahan naman ang lolo mo sa taas at baka may kailangan ito,” utos ng nanay ni Noli sa kanya.

“Sige po, ‘nay,” sagot ni Noli na dali-daling naglakad patungo sa pangalawang palapag kung saan naroon ang kwarto ni Lolo Mito.

Nasa dulo ito ng pasilyo pag-akyat ng hagdan. Sa harap ng kwarto niya ay may nakasabit na mga larawan noong kabataan pa niya, ito ay medyo mahirap nang makita dahil sa kalumaan. Mayroon din mga balat ng hayop na nakasabit sa pader katabi ng mga larawan niya. Mga alaga raw ito ni Lolo Mito simula nung binata pa siya.

Kumatok si Noli nang marating sa harapan ng kwarto ng kanyang lolo, sabay na binuksan ang pinto upang alamin kung ano ang kailangan ng kanyang lolo.

“Lo, nagugutom po ba kayo o nauuhaw?” tanong ni Noli habang papalapit sa papag na medyo kulay abo na sa kalumaan.

“A-a-apo…” utal na sagot ni Lolo Mito.

“Ma-ma-may sasabihin sana ako sa’yo,” dagdag na sabi ni Lolo Mito.

“Sige po lolo. Makikinig po ako. Ano po iyon?” pagtatanong ni Noli.

“Apo, nakikita mo ba ‘yang bukirin na ‘yan? Dati ay akin ang malawak na lupain na ‘yan, ngunit sinayang ko lang ito dahil sa labis na kasakiman,” pagku-kwento ni Lolo Mito sa kanyang apo.

Dito ay saglit niyang ikinwento kung paano nawala lahat-lahat ng arian niya, dahil minsan sa kanyang buhay at nilamon ito ng ganid. Ngunit isinalaysay rin ng lolo niya kung paano ang mga ito nagturo ng aral sa kanya, lalo na nang nagalit sa kanya ang kanyang mga anak.

Nagpatuloy ang mag lolo sa pagku-kwentuhan ng biglang masamid at hingalin na si Lolo Mito.

“Ma-ma-ma-a-a-ri mo ba akong ikuha ng isang basong tubig?” hiling ng kanyang lolo.

“Sige po ‘lo. Saglit lang po at ikukuha ko po kayo ng tubig sa baba,” nakangiting sagot ni Noli.

Naglakad si Noli palabas ng kwarti nang biglang sumigaw kanyang ina mula sa ibabang palapag.

“’Nak! ‘Nak! Halika!” sigaw ng nanay ni Noli.

Dali-dali siyang bumama na halos matumba na sa pagmamadali. Pagdating niya sa kusina ay nakita niya ang kanyang ina na nakayuko sa ilalim ng lamesa at nanginginig sa kaba. Nilapitan niya ito at tinanong kung ano ang nangyari.

“’Nay, ano po ang nangyari? Bakit po kayo nasa ilalim ng lamesa?” tanong ni Noli sa ina na tila nag-aalala.

Dahan-dahan itinaas ng ina ni Noli ang kanyang kamay at itinuro ang lababo. Naglakad si Noli papalapit sa lababo at tiningnan kung ano ang itinuturo ng kanyang ina at kung bakit nanginginig sya sa takot. Humakbang siya paunti-unti nang biglang niyang matanaw ang tilamsik ng mga dugo, na nagkalat sa paligid ng lababo.

Hinahanap niya ang pinagmumulan ng dugong kumalat at biglang siyang nagulat at nanginig…

Nang makita ang isang isdang wakwak ang tiyan, at may mga uod na gumagapang sa loob nito, na tila parang linta na kinakain ang kabuoan ng isda!

“’Nay! Akala ko naman ay kung ano na ang nangyari at nagsisisigaw ka bigla,” inis na sabi ni Noli sa kanyang ina.

“Paki-balot mo nga anak at pakisauli kay Manong Ben ang isdang ‘yan! Nakakadiri!” utos ng ina.

Agad binalot ni Noli ang sirang isda, at nagsuot na ng tsinelas para ibalik ito sa may-ari at papalitan. Pero bago umalis ay naalala niya bilianan ang kanyang ina sa pinapadalang tubig ng kanyang lolo.

“Nay, pakidalhan po pala ng tubig si lolo at siya ay nauuhaw,” pasuyong sabi ni Noli ngunit bago ito umalis at narinig na nila ang kuliling.

“Kuliling… Kuliling… Kuliling…”

“Nay, dalhan mo na po si lolo ng inumin!” sigaw ni Noli habang papalabas ng bahay.

“Oo anak, eto na dadalhan ko na,” dali-dali kumuha ng tubig ang nanay ni Noli.

Nang makalabas na ng bahay si noli ay narinig na naman niya ang kuliling ng kanyang lolo. Inisip nito na baka natagalan ang kanyang ina sa paghatid ng tubig. Nagpatuloy sa paglalakad si Noli upang ibalik ang sirang isda. Ngunit nang ibabalik niya na ito at ilalabas na sa supot ay laking gulat nito nang makita na maayos na maayos ang dala niyang isda. May hiwa lang ang isda ngunit walang bakas ng dugo at uod na nakita nila ng kanyang ina sa lababo.

Ibabalik na sana ni Noli ang isda, kaso dahil maayos naman ito at walang namang sira ay hinayaan na lang niya at nagtatakang bumalik sa kanilang bahay. Bahagyang tumatayo ang mga balahibo nito sa tuwing ang kakaibang nangyayari.

Pagkabalik ni Noli sa kanilang ay agad niyang sinilip ang lababo, at tulad ng dalang isda ay walang rin itong bakas ng uod at dugo. Nilapag niya ang dalang supot, at tinawag ang kanyang ina upang ikwento ang nangyari. Nang biglang…

Tumunog ulit ang kuliling…

“Kuliling… Kuliling… Kuliling…”

“Naku, baka nakalimutan ni nanay dalhan si lolo ng tubig. ‘Nay? naabot mo na ba yung tubig ni lolo,” ani Noli.

Hindi sumasagot ang ina nito, kaya kumuha na lang siya ng baso ng tubig at agad na umakyat upang puntahan ang lolo at baka may kailangan ito. Habang papaakyat ay…

“Kuliling… Kuliling… Kuliling…”

“Kuliling… Kuliling… Kuliling…”

Paulit-ulit na tumutunog ang kuliling ni Lolo Mito.

“‘Lo, ito na po. Paakyat na po ako. Sandaling lang po ‘lo,” hiyaw ni Noli habang paakyat.

Nang makaakyat sa pasilyo at nang makarating sa tapat ng pinto ng kwarto ni Lolo Mito, nagtataka si Noli dahil may nagkalat na tubig sa sahig na nagmumula sa loob ng kwarto ni Lolo Mito. Sa pagtataka ay unti-unting binuksan ni Noli ang pinto nang…

“Ring.. ring…” may tumatawag sa kanya telepono.

Sinagot niya agad ang tawag na nagmumula sa kanyang ina.

“Hello… Hello… Nay… Nay?” sagot ni Noli ngunit walang siyang naririnig sa kabilang linya.

“Nay? Bakit hindi ka nagsasalita?” pagtatanong nito dahil walang sumasagot sa kabilang linya.

Ibaba na sana niya ang linya nang bigla niyang marinig ang hikbi ng kanyang ina sa linya.

“Nak, ang lolo mo…” wika ng kanyang ina.

Habang kausap ang ina ay tumunog na naman, “Kuliling… Kuliling… Kuliling…”

“Wala na siya… Wala na si lolo mo,” sinabi ng nanay ni Noli habang humihikbi dahil sa pag-iyak.

Agad nagtaasan ang balahibo ni NOli at bigla nitong naibagsak ang baso na dala-dala. Dahil hindi niya mawari bakit tumutunog ang kuliling ng kanyang lolo sa loob ng kwarto. Inilapag ni Noli ang hawak na telepono at dahan-dahan ibinukas ang pinto, nang biglang gumugulong papunta sa kanyang paanan ang munting kuliling na gamit ng kanyang lolo.

Takang-tak si Noli sa nangyayari at agad na pinulot ang kuliling, at naririnig na may nagsasalita pa sa teleponong kanyang inilapag.

“Nay, ano po iyon?” sagot nito sa telepono.

“Nung umalis ka kanina para ipapalit ang isda, umakyat ako para abutan ang lolo mo ng tubig, at nagulat ako na maabutan siyang nakahiga sa papag at unti-unting nagsasara ang kanyang mga mata. Pilit ko pa siyang ginigising ngunit hindi na ito sumasagot hanggang sa tumirik na lang ang kanyang mata. Agad ko siyang dinala sa ospital, ngunit huli na ang lahat anak,” pagkwento ng kanyang ina sa kabilang linya na patuloy pa rin ang pag-iyak.

Habang pinapakinggan ang kwento ng kanyang ina ay nagsitayuan ang mga balahibo nito. Kasabay ang pagtataka kung sino ang nagpapatunog ng kuliling na kanyang naririnig kanina pa. Ibinaba na niya ang tawag mula sa kanyang telepono, at inilapag ang kuliling sa lamesita sa labas ng kwarto ng kanyang lolo. Hindi na ito tumuloy sa loob at naglakad na papunta sa hagdanan, nang biglang tumunog ulit ang kuliling.

“Kuliling… Kuliling… Kuliling…”

Ngunit hindi nagmula ang tunog sa lamesita, ang tunog ng kuliling ay nagmula sa loob pa rin ng kwarto ni Lolo Mito.

Agad na tumakbo pababa si Noli dahil sa sobrang takot. Lumabas muna ito, at hinintay na makauwi ang ina nito kasama ang kanilang mga kamag-anak. Sa buong linggo ng lamay ay wala nang narinig na kuliling si Noli.

Ngunit matapos ang libing at nang na ang lahat sa kani-kanilang lugar, naiwan si Noli at kanyang ina upang ayusin ang naiwang bahay ng matanda. Habang naglilinis ay muli niyang narinig ang tunog mula sa kwarto ni Lolo Mito.

“Kuliling… Kuliling… Kuliling…”

Takot na takot si Noli nang ito ay marinig. Nang mga oras na iyon ay nasa palengke ang kanyang ina. Nais na sana niyang lumabas ulit ng bahay dahil sa sobrang takot, pero naglakas loob itong umakyat at nagtungo sa kwarto ng kanyang lolo. Labis na kasi siyang binabagabag ng tunog ng kuliling na nagmumula sa kwarto ng kanyang lolo.

Buong tapang niyang binuksan ang pinto.

“Baam!” malakas na bagsak ng pinto.

Inikot ni Noli ang paninsin sa paligid ng kwarto at wala itong nakitang kakaiba. Pumasok siya sa loob ng kwarto at inikot ang bawat sulok nito. Bahagyang nakaramda si Noli ng hangin…

“Kuliling… Kuliling… Kuliling…” biglang tunog ng isang kuliling na nagmumula sa loob ng isang aparador.

Naka-awang ng kaunti ang pinto ng aparador. Kabado man at takot na takot ay binuksan niya ito…

Pagkabukas ng pinto ay agad niyang natanaw ang isang papel, at nakapatong sa papel na ito ang isa pang maliit na kuliling. Bigla na namang humangin at ito ay muli tumunog. Agad niyang kinuha ang papel at nakitang may nakasulat rito.

“Noli, aking apo, hindi ko alam kung buhay pa ako sa oras na mabasa mo ito, ngunit ako’y gagawa ng paraan upang maiparating ko sa iyo itong sulat na ito. Tulad ng aking naikwento apo, hindi ako naging mabuting magulang sa iyong nanay at sa iyong mga tiyo at tiya, ngunit sa aking pagtanda ay nagturo ang panahon sa akin ng leksyon. Wala man akong maipapamana sa aking mga anak at sa inyo, lalo na sa iyong ina na labis akong inalagaan kahit na marami akong pagkukulang bilang ama, nais kong iwan sa iyo apo ang aking munting diary, na naglalaman ng mga istorya ng aking buhay at mga kwento ng ating pamilya. Nais kong basahin mo ito, at ibahagi sa kanila, upang kapulutan nila ng aral ang aking buhay,” sabi ng sulat sa papel, na hirap na hirap basahin ni Noli dahil sa magulong pagkakasulat ng kanyang lolo.

“Ito lang apo, ang mapapamana ko sa’yo. Ang mga aral na natutunan ko sa loob ng isang daang taon ng aking buhay,” huling sulat sa papel.

Nang mabasa ni Noli ang liham ay nawala na ang takot na kanyang naramdaman. Dinala niya ang diary sa kanyang kwarto at agad na sinimulang magbasa. Dito niya napagtanto na ang pagtunog ng kuliling, ay ang paraang ni Lolo Mito upang ihatid sa kanya ang munting liham at diary na kanyang hawak ngayon.

Advertisement