Inday TrendingInday Trending
Kakakompyuter Mo ‘Yan

Kakakompyuter Mo ‘Yan

“Walang hiya kang bata ka! Wala ka nang ginawa kundi mag kompyuter ng mag kompyuter!” pagbubunganga ng nanay ni Lance sa kanya.

Umaga, tanghali at gabi, palaging ganito ang eksena sa kanilang tahanan pagkat ang binatang si Lance ay lagi nakababad sa kompyuter. Nasa hayskul na ito at normal sa kanyang edad na mahumaling sa iba’t ibang uri ng laro.

“Ma, tinatapos ko naman po ang mga takdang-aralin ko bago po ako mag kompyuter. Hayaan n’yo na po ako!” pagpipilit ng bata sa ina.

“Tandaan mo bukod sa paglabo ng mata mo ay walang mararating ‘yang kaka-kompyuter mo! Mamaya masakit na naman ang ulo mo, ewan ko sa iyong bata ka, bahala ka nga!”

“Ni hindi ka makatulong sa bahay na to!” galit na wika ni Aling Medy.

Hindi gaanong kagalingan sa paaralan si Lance, pero hindi rin naman ito bumabagsak. Pagkagaling sa eskwela, dere-deretso na agad ito sa kaniyang silid. Mabilis niyang ginagawa ng takdang-aralin at magkokompyuter na. Minsan nga sa pagkahumaling nito sa laro sa kompyuter ay sa tapat na nito siya kumakain, na lubusan naman na ikinaiinis ng ina.

“Hindi ba sinabi ko sa’yo na hindi maganda yan!” pagpapagalit ni Aling Medy. “Naiinis na ako sa iyong bata ka. Simula bukas ay hinding hindi mo na makikita yang kompyuter na yan dito! Tandaan mo yan!” pagbabanta pa nito.

Ang akala ni Lance ay hindi tototohanin ng ina ang sinabi. Kinabukasan nga, wala na sa silid ang konpyuter.

“Ma! Asan na po ang kompyuter? Maaaaa!!!” natatarantang tanong ng binata.

“Anong sinabi ko sayo? Hindi ba sinabi ko sayo na hinding hindi mo na yan makikita?!” tugon ng ina.

“Mama naman! Alam n’yo-” Hindi pa ito tapos sa sinasabi niya ay binara agad siya ng ina.

“Magtigil ka! Mag-aral ka! Yan ang atupagin mo!” sambit ng ina.

Hindi ito ang pumigil kay Lance para mag kompyuter. Iniipon niya ang araw-araw na baon para makapunta sa computer shop at doon makapaglaro. Laging ganito ang tagpo. Susunduin si Lance ng ina sa computer shop, papagalitan at kinabukasan ay ganoon na naman ang gagawin niya. Hanggang sa nagsawa na rin sa pagsaway si Aling Medy.

Sa tagal na nagrenta ng kompyuter si Lance, naisip niya na malaki ang demand sa kompyuter at internet. Kaya nang sumali sila ng kanyang team para sa isang kompetisyon ng laro na pinagkakaabalahan nila araw-araw.

Dahil sa araw -araw niyang paglalaro, gumaling masyado si Lance at nanalo ang kanilang koponan. Malaki ang napanalunan nilang papremyo. Imbis na ilaan ito ni Lance sa ibang bagay, naisip niyang bumili ng tatlong magagandang kompyuter. Inilagay niya ito sa garahe ng kanilang tahanan. Nagpakabit din siya ng internet at ang tatlong kompyuter na ito ang nagsimula ng maliit niyang negosyo.

Galit na galit na naman si Aling Medy sa ginawa ng anak.

“Hindi ka pa natapos sa isa at dinagdagan mo pa talaga! Ngayon saan natin ilalagay ang sasakyan natin? Luma na nga iyon, gusto mo pang itambak sa labas! Ano bang iniisip mo?!” wika ng ginang.

“Ma, pwede po ba, magtiwala muna kayo sa akin. Pangako ko po sa inyo hindi na ako magiging pasaway at susundin ko na po kayo. Basta huwag ninyo pong aalisin ang mga kompyuter dito,” pagmamakaawa ni Lance.

“Bahala ka! Kausapin mo ang ama mo!” at saka tumalikod at umalis si Aling Medy.

Wala namang problema sa papa ni Lance ito. Natutuwa nga ang ama sa ipinapakitang interes ng anak sa pagnenegosyo.

Nakita niya na patok sa mga kabataan ang kompyuter na mabilis lalo sa mga laro. Dahil kahit na tatlo lamang ang kanyang kompyuter, hindi alintana ng mga mag rerenta dito na mag-intay para makasunod. Kaya ang ginawa niya ay inipon ang lahat ng kita ng kanyang munting computer shop at bumili pa ng mga bagong unit.

Isang araw nagbakasyong ang pamilya. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay bumagyo ng pagkalakas-lakas. Natungkab ng malakas na hangin ang bubong garahe kung saan nandoon ang mga kompyuter ni Lance. Nasira ang lahat ng kanyang ipinundar.

Nanlumo si Lance sa sinapit ng negosyo. Lubha siyang nanghinayang sa kanyang pinagdaanan para maitayo ito sapagkat alam niyang papatok ito talaga. Nag-isip na naman ng paraan si Lance kung paano niya bubuhayin ang nasirang negosyo. Ngunit sa edad niya ay imposible naman na pahiramin siya ng bangko. At naisip niya rin ang malaking interes at baka mahirapan siyang bayaran.

Naghanap muli ng kumpetisyon na maaaring salihan si Lance ngunit sa pagkakataong ito ay nabigo siya na makuha ang pinaka malaking pa-premyo. Dito na simulang pinanghinaan ng loob si Lance.

Matapos ang kompetisyon tila nawalan na ng gana ang binata. Hindi sanay ang ina nito na ipinakikita ng anak. Sa totoo lang parang mas pabor nga kay Aling Medy ang pagkawasak ng mga kompyuter. Pagkat wala na siyang iintindihin. At hindi na rin mahahati ang atensyon ni Lance sa pag-aaral. Ngunit ang pagkawalang gana ng anak ang nakakapanibago.

Isang hapon, pagkauwi ni Lance galing eskwelahan ay tinawag ito ng ina.

“Anak, pwede bang pakikuha mo ang liyabe doon sa garahe? Kailangan kompunihin ng tatay mo ang tubo,” utos ni aling Medy.

“Sige po, Ma,” sumunod agad si Lance.

Pagbukas ni Lance ng garahe ay laking gulat niya sa tumambad sa kanya. Nagkaroon ng isang maliit na partisyon ang garahe. Sa loob nito ay may apat na unit ng mga kompyuter. Magagandang klase din ang mga ito. Ipinaayos na rin ng mag-asawa ang mga natungkab na bubong upang siguraduhin na hindi na muli itong masisira pa.

Tinabihan ni Aling Medy ang anak.

“Pagpasensyahan mo na ang pagbubunganga ko sa iyo palagi,” malumanay na wika nito.

“Pero Ma, saan po kayo kumuha ng pambili nito?” tanong ni Lance sa ina.

“Ibinenta namin ng papa mo ang sasakyan natin anak upang makapagsimula ka sa iyong munting negosyo. Gusto naming suportahan ka ng iyong ama dahil nakikita namin ang tiyaga mo at dedikasyon mo dito. Hindi ka man tulad ng ibang bata na maraming karangalan sa eskwelahan ay alam namin na malayo ang iyong mararating. Basta huwag ka lang susuko, anak,” pagpapayo ng ina.

Napaluha na lamang si Lance.

“Isa lamang ang hinihiling namin sa iyo anak. Pagbutihin mo ang iyong kolehiyo at magtapos ka,” hiling nito.

“Hindi ko po kayo bibiguin, Ma! Pangako ko yan!” naiiyak na sambit ng binata.

Di naglaon ay lumago ang kanilang negosyo at nakatapos ng kolehiyo si Lance. Nakabili na rin sila ng pamalit sa kanilang sasakyan na ibinenta noon.

Ang dating computer shop na nasa garahe lamang ay kinikilala na ngayong pinakamalaking computer gaming facility sa buong Pilipinas.

Advertisement