Inday TrendingInday Trending
Hinagpis ng Pamilyang Umaasa sa Iyong Pagbabalik

Hinagpis ng Pamilyang Umaasa sa Iyong Pagbabalik

Ang akala ni Anna ang malayo sa kaniyang mahal na asawa ang magdudulot ng pinakamatinding pangungulila at takot sa kaniya pero nagkamali siya. Pakiramdam ng babae ay pinagsakluban siya ng langit at lupa nang matanggap niya ang tawag ng mga pulis para ipaalam sa kaniya ang masamang balita na kabilang ang asawa niyang si Dominic sa dinukot ng ilang mga armadong lalaki na sumugod sa pinagtatrabahuan nitong hotel sa Palawan. Kung noon ang pinangangambahan niya ay baka mangbabae ang asawa sa malayong lugar, ngayon ay mas matindi ang kaniyang kinakatakutan dahil walang kasiguraduhan kung makakauwi pa ng buhay si Dominic.

“Ma, anong gagawin ko? Maliliit pa ang mga anak namin. Kailangan siya ng mga anak ko. Kailangan namin si Dominic. Hindi ko kakayanin pag nawala siya sa amin!” humahagulgol na saad ni Anna sa kaniyang biyenan. “Huwag kang panghinaan ng loob. Manalig ka sa Diyos. Hindi niya papabayaan si Dominic. Poprotektahan niya ang asawa mo. Magtiwala ka sa Kaniya. Makakabalik siya sa atin ng ligtas.”

Pinilit magpakatatag ni Anna alang-alang sa kaniyang mga anak. Alam niyang labis na maaapektuhan ang kaniyang mga anak pag nalaman nila ang nangyari kay Dominic kaya minabuti ng babae na huwag ipaalam sa kanila na nasa panganib ang buhay ng kanilang ama. Tuwing kaharap niya ang mga bata ay malapad ang kaniyang mga ngiti pero pagtalikod niya sa mga ito ay walang tigil ang pagtulo ng kaniyang mga luha.

Isang araw ay nagulat na lang si Anna nung umuwi ang kaniyang mga anak mula sa eskwela na humahagulgol ng iyak. Imbes na batiin siya ng mga ito pagkadating sa bahay ay dire-diretsong nagtatakbo ang mga ito patungo sa kanilang mga kwarto.

“Bakit kayo umiiyak? Anong nangyari? May nang-away ba sa inyo?” tanong ng babae.

Hindi pinansin ng mga anak si Anna na abala sa paghahanap sa loob ng aparador. Nung nakita na ng mga ito ang kanilang hinahanap ay umiiyak na lumapit ang mga ito sa kaniya.

“Inay, ito na po ang lahat ng mga naipon namin. Gamitin niyo pong pambayad sa mga kumuha kay tatay. Narinig namin ang pinag-uusapan ng mga titser namin sa eskwela. Kinuha daw ng mga masasamang loob si tatay. Humihingi sila ng pera kung hindi ay pap*tayin nila siya,” saad ng panganay na anak ng babae.

“Iyan na po ang lahat ng inipon namin para makabili ng gusto naming laruan. Gamitin niyo pong pambayad sa kanila. Okay lang sa’min na hindi mabili iyong laruan basta makauwi si tatay sa atin ng ligtas,” dagdag ng isa pang anak ni Anna.

Walang nagawa ang babae kung hindi yakapin ng mahigpit ang mga anak. Hindi na niya napigilan ang emosyong matagal niyang kinimkim sa kaniyang puso. Ang akala niya ay maililihim niya sa kanila ang nangyari kay Dominic. Hindi niya akalain na sa masakit na paraan nila matutuklasan ang nangyari sa kanilang ama.

Ilang beses nagpabalik-balik si Anna sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno para makibalita at humingi ng tulong na sagipin ang buhay ng kaniyang asawa pero ang sagot na palagi niyang natatanggap ay ginagawa nila ang lahat para makauwi ang lahat ng binihag ng mga bandido ng ligtas. Kung kailan makakauwi si Dominic ay walang nakakaalam. Wala din makapagsabi sa kaniya sa tunay na kalagayan ng asawa kaya walang magawa ang babae kung hindi idaan sa dasal ang kaniyang hiling na sana hindi sinasaktan ng mga bandido ang kaniyang asawa. Na sana ay buhay itong makabalik sa kanilang pamilya.

Lumapit na rin ang babae sa lahat ng maaari niyang lapitan para makakalap ng sapat na perang pangtubos sa kaniyang asawa pero dahil sa sobrang laki ng kakailanganing halaga ay malamang ay matatagalan ang babae na mabuo ito sa takdang panahon.

Sa mga panahong punong ng takot at walang kasiguraduhan ay isa lang ang kinapitan ng buong mag-anak. Araw-araw ay taimtim silang nagdadasal sa Maykapal na protektahan si Dominic. Na sana ay makabalik ito sa kanilang piling ng buo, ligtas at buhay na buhay. Handa silang magtiis sa kahirapan habang buhay basta makapiling lang nila ulit ang haligi ng tahanan.

Isang araw ay isang balita ang gumulantang sa buong pamilya. Sinugod ng mga militar ang kampo ng mga bandido para sagipin ang mga bihag nito. Sa kasawiang palad ilan sa mga dinukot ay hindi nila nagawang iligtas dahil bago pa nila inatake ang kuta ng mga masasamang loob ay kinitil na nila ang mga buhay nito.

Agad na napasugod ang pamilya ni Anna sa headquarters ng mga militar. Dasal nila na sana ay hindi kasama si Dominic sa listahan ng mga nasawi. Kung sinu-sino ang tinanong ng babae para malaman ang kalagayan ng kaniyang asawa habang ang mga anak naman niya ay iyak ng iyak sa isang tabi habang yakap ng kanilang mga lolo at lola.

“Parang awa niyo na! Sabihin niyo na sa amin kung ano ang kalagayan ng asawa ko! Nakaligtas ba siya o kasama siya sa mga nap*slang! Huwag niyo kaming pahirapan pa! Karapatan naming malaman ang nangyari sa kaniya!”

Naputol ang desperadong pagsisigaw ni Anna sa militar na kaniyang pinagtatanungan nung marinig niya ang isang pamilyar na tinig na tumawag sa kaniyang pangalan.

“Dominic?” ‘di makapaniwalang tanong ng babae nung lingunin niya ang pinanggalingan ng boses. “Dominic, ikaw nga! Salamat sa Diyos at buhay ka! Hindi mo alam kung gaano kami natakot nung nalaman naming kasama ka sa mga tinangay ng mga bandido!” hagulgol ni Anna habang yakap-yakap niya ng mahigpit ang asawa.

“Salamat sa Diyos at prinotektahan ka niya! Ibinalik ka Niya sa amin ng buong-buo!” dagdag ng babae.

Nung makita ng mga anak ni Anna ang kanilang ama ay agad nila itong sinugod ng mga halik at mahigpit na yakap. Laking pasasalamat ng mag-anak na nagwakas na ang kanilang kalbaryo. Tapos na ang pamumuhay sa takot kung sinasaktan ba ng mga bandido si Dominic. Hindi na nila kailangan mangamba dahil nakabalik na ang lalaki sa kanilang piling.

“Itay, huwag mo na kaming ibili ng mga bagong damit at laruan. Kahit simpleng pagkain lang ay okay na sa amin. Ayaw na namin na magtrabaho ka sa malayo para kumita ka ng malaking pera. Dito ka na lang magtrabaho. Natatakot kami na baka sa susunod na magtrabaho ka ulit sa ibang lugar ay hindi ka na makabalik sa amin,” nagsusumamong pakiusap ng isa sa mga anak ni Dominic.

“Pangako, mga anak, hindi na ulit ako magtatrabaho sa malayo. Hindi ko na kakayanin pang malayo sa inyo. Hindi niyo alam kung gaano ako natakot na baka hindi ko na kayo makitang muli! Nung hawak nila ako ay kayo ang palaging nasa isip ko. Kailangan kong tatagan ang loob ko dahil gusto kong makabalik sa inyo ng buhay na buhay,” mangiyak-ngiyak na saad ni Dominic.

Tulad ng ipinangako ni Dominic ay hindi na siya nagtrabaho sa malayong lugar. Okay lang kahit hindi ganoong kalaki ang kinikita niya basta araw-araw siyang umuuwi sa kanilang bahay para makapiling ang kaniyang pamilya.

Sa umpisa ay hindi naging madali ang lahat para sa pamilya. Hindi agad nawala ang takot sa kanilang mga puso. Hindi agad napawi ang pangamba sa kanilang mga isipan. Pero sa tulong ng Maykapal ay unti-unting bumalik sa normal ang pamumuhay ng pamilya. Muli bumalik ang mga masasayang tawanan sa kanilang tahanan.

Advertisement