“Amanda ang ganda-ganda mo talaga! Ang puti at kinis talaga ng iyong balat,” puri kay Amanda ng kanyang kaibigang si Ruth.
“Oo nga tsaka ang sarap-sarap hawakan ng iyong mga kamay, napakalambot!” dugtong naman ng isa pa niyang kaibigang si Jona.
Madalas talagang mapuri si Amanda dahil sa kanyang taglay na angking kagandahan. Kung titingnan ang dalaga ay para bang lumaki ito sa marangyang buhay. Mukha itong prinsesa na alagang-alaga at hindi sanay sa trabaho.
Madalas mang mapagkamalan na galing sa isang marangyang pamilya ang dalaga, pero kahit na kailan ay hindi naman ikinaila ni Amanda ang katotohanan na galing lamang siya sa isang mahirap na pamilya.
Dalawa lamang sila ng kanyang ina. Maagang nabuntis ang kanyang ina at hindi naman sila pinanagutan ng magaling niyang ama.
Wala na ring mga magulang o kapatid ang kanyang ina kaya naman silang dalawa na lamang talaga ang natitira sa mundong ito. Nakatira lamang sila sa isang maliit na bahay kubo at nabubuhay sila sa pamamagitan ng paglalabada ng kanyang ina sa mga bahay na malapit sa kanila.
Sobrang hirap ng kanilang buhay pero ni minsan ay hindi siya pinagtrabaho ng kanyang ina. Kahit na gawaing bahay, kailanma’y hindi siya pinilit ng ina na gawin.
Mahirap man sila pero tinuturing siyang isang prinsesa ng kanyang ina. Ni minsan ay hindi ito nagkulang sa kanya. Pinuno ng ina niya ang kanyang buhay ng pagmamahal at walang kapantayang pag-aaruga.
Alam ni Amanda na labis na nahihirapan ang kanyang ina na buhayin siya at pilit na iginagapang ang kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng paglalabada, ngunit ni minsan ay hindi niya narinig na nagreklamo ang ina sa hirap ng kanilang buhay. Sa katunayan ay hindi na alam kung saan ito kumukuha ng lakas para makangiti pa sa araw-araw.
Isa lamang ang hiling sa kanya ng kanyang ina, ito ay ang mag-aral siya ng mabuti at makapagtapos ng pag-aaral nang sa ganun ay magkaroon siya ng magandang kinabukasan.
Wala naman siyang balak na biguin ang ina. Walang ibang ginawa si Amanda kundi ang mag-aral ng mabuti ng sa ganoon ay makapagtapos siya, makahanap ng trabaho, nang sa ganoon ay pwede niyang patigilin sa paglalabada ang kanyang ina.
Madami ang nanligaw sa dalaga ngunit ni isa sa mga ito ay walang nakalusot kay Amanda. Nakatuon lamang ang buong atensyon niya sa pag-aaral. Lalo na at nursing ang kursong kinuha niya, dahil plano niya sanang mangibang bansa ng mabigyan niya ng magandang buhay na karapatdat ang kanyang pinakamamahal na ina.
“Nay ano na naman ‘to? Madami na naman kayong mga sugat sa kamay ninyo. Hindi po ba’t sabi ko sa inyo ay wag kayong masyadong maabuso sa katawan niyo? Matuto naman po kayong magpahinga at alagaan niyo rin naman po ang sarili niyo at hindi yung puro ako lang ang iniisip niyo. Malaki na po ako kaya hindi niyo na kailangan pa na mag-alala ng sobra sa akin,” nag-aalalang pahayag ni Amanda sa ina.
“Wala ito anak, kinailangan ko lamang na kumayod ng medyo ekstra para dito,” nakangiting sagot ng kanyang ina sabay abot ng isang regalo sa kanya.
Isang kwintas na mayroong palawit na pusong nabubuksan ang gitna. Makikita doon ang dalawang maliit na larawan nila Amanda at ng kanyang ina. Napaluha siya sa mga sakripisyong ginagawa ng kanyang ina upang maigapang lamang siya at mabigyan ng maayos na buhay.
Kinuha naman ito ni Amanda at mahigpit na niyakap ang ina at nagpasalamat ng buong puso. Kaarawan niya pala ang araw na iyon ngunit nakalimutan niya dahil sa rami niyang iniisip.
Nasa huling taon na kasi siya ng kolehiyo. Konting panahon na lamang at makapagtatapos na siya at mauumpisahan niya nang simulan ang kanyang mga pangarap para sa kanila ng kanyang ina.
Mabilis din namang lumipas ang mga araw at nakapagtapos na si Amanda ng kursong nursing. Hindi lamang siya basta-basta nagtapos, kundi nagtapos siya ng may napakaraming karangalan.
Isa siya sa mga nakapagtapos bilang Magna Cum Laude sa kanilang eskwelahan. Makikita ang sobrang galak na galak at labis na paghanga sa kanya na kanyang ina na umiiyak sa sobrang kagalakan. Buong puso niya namang inialay sa kanyang ina ang tagumpay na kanyang nakamit.
Makaraan lamang ang mahigit dalawang taon ay lumipad na palabas ng bansa si Amanda upang doon na magtrabaho at magpatuloy ng pag-aaral ng Medisina. Buwan-buwan ay nagpapadala siya ng mga dolyar sa ina.
Unti-unting umasenso ang buhay nilang mag-ina, ngunit hanggang sa araw na ito ay tumatanggap pa rin ang kanyang ina ng mga labada. Hindi dahil sa kailangan nila ng pera kundi dahil napamahal na sa kanyang ina ang paglalabada.
Tuluyan mang umasenso na ang kanilang buhay ay kailanman hindi nila makakalimutan na dahil sa labada ay nabuhay sila. Nang dahil sa paglalabada ng kanyang ina, umasenso at nakaahon sila sa hirap ng buhay. Ito ang kanilang naging daan. At kahit na kailan ay hindi nila ikahihiya iyon, dahil ang paglalabada ay isang marangal na gawain na pang habangbuhay nilang ipagmamalaki.
Ngayon, may-ari na ng maraming laundry shop ang ina ni Amanda. Nakapagbukas sila ng maraming branch sa iba’t ibang parte ng Maynila at patuloy na lumalago hanggang sa ngayon ang kanilang negosyo.