Inday TrendingInday Trending
Ang Promo sa Dyip ni Mang Ernesto

Ang Promo sa Dyip ni Mang Ernesto

Kagagaling lang ni VJ sa isang mall kasama ang kaniyang mga kaibigan. Nagkatuwaan lamang silang magkita-kita dahil matagal na din nung huling beses silang nagkasama-sama. Lahat kasi ay busy na sa kanilang mga sariling buhay at trabaho.

“O, Malolos! Malolos!” sigaw ng isang lalaking nagtatawag ng mga pasahero ng dyip. Lumapit naman si VJ at sumakay sa dyip. Sa Malolos kasi siya uuwi ngayon.

Halos puno na ang dyip kaya napunta si VJ sa bandang harap malapit sa drayber. Gaya nang nakagawian ay tumitingin-tingin siya sa paligid para magmasid kung mayroong kakaiba. Alam niya kasing delikado din minsan lalo na at laganap ang krimen ngayon.

Habang pasimpleng tumitingin-tingin si VJ ay may napansin siyang isang karatig na may nakalagay na sign board. “SEÑIOR, PWD/BYUDA, BUNTIS, SINGLE MOM, INIWAN NG BOYFRIEND LIBRE I ♥ U.”

Natawa naman si VJ nung mabasa niya iyon. Akala niya kasi ay biro lang ang nakalagay sa sign board ngunit laking gulat niya nung umandar na ang dyip at isa-isa nang nagbabayad ang mga pasahero ay bigla na lamang sumigaw ang drayber.

“Magandang gabi po. May promo po tayo ngayon. Kapag po senior citizen, PWD, biyuda, buntis, single parent o iniwan ng jowa libre na po kayo. Huwag na po kayong magbayad.”

Siyempre, kagaya ko, inakala din ng ibang mga pasahero na nagbibiro lang si kuyang drayber. Hindi nga naman kasi kapani-paniwala, ‘di ba?

Kaso may isang grupo ng magkakaibigan ang nagbiro na ‘yung isang kasama nilang babae ay iniwan ng boyfriend nito.

“Kuya, itong kaibigan po namin kakaiwan lang po sa kaniya ng boyfriend niya,” sabay tawa ng isang babae. Nagtawanan naman ang iba pa nilang mga kasama at tinukso pa ang kaibigan nilang iniwan daw ng boyfriend nito.

Nagulat naman silang lahat nang biglang kumuha ng barya ang drayber at akmang ibabalik ‘yung bayad ng babae.

“Ay, naku, ineng, ikinalulungkot ko ang nangyari sa’yo. Ito na ‘yung bayad mo. Alam kong wala akong magagawa sa sakit na nararamdaman mo ngayon pero sa sariling pamamaraan ko ay sana kahit papaano ay mapagaan ko ang sakit sa dibdib mo. Libre ka na, ineng. Nawa’y sana hindi maging hadlang ang ginawang pananakit sa’yo ng boyfriend mo para magtiwala at magmahal ka ulit sa hinaharap,” nakangiting saad pa nito habang isinasauli ang bayad ng babae.”

Ayaw pa sanang tanggapin ng babae ang baryang ibinabalik ni kuyang drayber sa kaniya pero wala na siyang nagawa dahil mapilit din si kuya. Ito lang daw ang paraang alam niya para kahit papaano ay matulungan niya ito. Napangiti na lamang ang babae at tsaka nagpasalamat.

Nagtanong pa ang drayber sa ibang pasahero kung sinu-sino pa ang pasok sa promo niya para maibalik niya ang binayad nila. Pinilit niya pa ang iba na huwag ng mahiya dahil wala naman silang dapat ikahiya.

Madami ang natuwa at naantig ang damdamin dahil sa kakaibang kabaitan ng drayber. Bago pa bumaba ang grupo ng magkakaibagan ay sinabihan nila ito na sana daw ay pagpalain ang kaniyang dyip dahil sa kabusilakan ng kaniyang loob. Bumaba silang may mga ngiti sa labi at baong bagong pag-asa dahil sa nasaksihang kabutihan. May mga tao pa palang busilak ang kanilang kalooban. Sa panahon kasi ngayon ay mahirap nang makikita ng ganun.

Akala ni VJ ay doon na magtatapos ang kakaibang karanasang nasaksihan niya pero hindi pa pala tapos ang kahanga-hangang pagpapatunay ng kabutihang loob ng drayber.

May isang batang naglalakad lamang sa daan ang pinasakay niya sa kaniyang dyip at kinausap. Tinanong niya kung saan ito papunta at isasabay niya na lamang ito sa kaniyang pamamasada. Libre na din.

Lubos na nagpasalamat naman ang bata dahil wala nga raw itong pera kaya naglalakad na lamang ito pauwi kahit na sobrang layo ng kaniyang nilalakad. Hindi rin daw kasi ito nabibigyan ng baon ng mga magulang.

May mga senior din na nagtangkang magbayad pero hindi niya rin ito tinanggap at magalang niya silang tinanggihan. Sana raw ay tanggapin nila ang kaniyang munting regalo. Lubos na nagpasalamat ang mga ito sa kaniya. Gaya ng ibang mga pasahero ay bumaba ang mga ito na may mga ngiti sa labi at mga matang tila ba puno ng pag-asa.

Labis na naantig ang damdamin ni VJ sa nasaksihan niya sa araw na iyon. Tinanong niya ang drayber kung pwede ba silang mag-selfie. Hindi naman siya nito tinanggihan at masaya pa nga itong nakangiti sa litrato.

Nagka-usap pa sila saglit bago tuluyan nang bumaba si VJ. Mang Ernesto ang pangalan ng drayber. May dalawa itong anak at isang napakagandang asawa. Nag-agaw buhay pala ang kaniyang asawa nung ipinagbubuntis nito ang kanilang kambal. Muntik na silang bawian ng buhay. Nangako siya sa Diyos na kung bubuhayin Niya ang mga ito ay habang buhay niya itong tatanawin na utang na loob sa Kaniya at gagawin niya ang lahat ng maaari niyang gawin, kahit na sa munting pamamaraan lamang, para makatulong sa kaniyang kapwa. At ang ideyang kaniyang naisip ay ang pa-promo niya sa kaniyang dyip.

Ipinost ni VJ ang kwento ni Mang Ernesto at ang kaniyang munting kadakilaan sa kaniyang mga social media accounts na agad din namang humakot ng maraming mambabasa kaya agad din itong nag-viral. Marami ang naantig ang damdamin at gusto rin nilang makilala si Mang Ernesto. Marami rin ang nagbigay ng tulong sa kaniyang pamilya.

Sa munting pamamaraan ni Mang Ernesto ay maraming damdamin ang kaniyang naantig at nakapaghatid siya ng pag-asa sa mundo. Pinatunayan niyang may mga tao pa talaga na may mabubusilak na kalooban. Kaya sana, gaya ni Mang Ernesto, gumawa din tayo ng kabutihan kahit na sa mumunting paraan lamang na alam natin. Gaano man ito kaliit ang mahalaga ay may kabutihan tayong naialay sa ating kapwa.

Advertisement