Inday TrendingInday Trending
Mga Anak, Hindi Ako Susuko

Mga Anak, Hindi Ako Susuko

Tila pinagsakluban ng langit at lupa si Emma nang sabihin sa kaniya ng mga doktor ang resulta ng kaniyang mga tests. Ilang buwan na kasi niyang nakakapa ang bukol sa kaniyang dibdib at kaakibat pa nito ang palagiang pagsama ng kaniyang pakiramdam. Hindi siya makapaniwala nang sabihin sa kaniya na siya ay may k*nser sa dibdib. Naisip niya agad ang kaniyang dalawang anak na sina Prince, anim na taong gulang at ang bunso niyang anak na si Rina na tatlong taong gulang pa palang.

Lalo pang gumuho ang kaniyang mundo nang tuluyan na siyang iwan ng kaniyang asawa kung kailan pinakakailangan niya ito. Sumama na ito sa iba at iniwan sa kaniya ang pangangalaga ng kanilang mga anak.

Dahil sa kaniyang kondisyon ay sumailalim si Emma sa operasyon para tanggalin ang bukol sa kaniyang dibdib at kasunod nito ay isang matinding gamutan. Sanhi nito ay ang unti-unting pagkalugas ng kaniyang buhok, lubusang pangangayayat at pagkatuyo ng balat. Madalas ding masama ang kaniyang pakiramdam at ang pagpunta nito sa banyo para sumuka.

Dahil sa mga kaganapang ito ay nagkaroon ng depresyon si Emma. Hindi na nito kinakaya pa ang lahat lalo na ang pangloloko at pang-iiwan sa kanila ng kaniyang mahal na asawa. Nawalan siya ng gana sa buhay at ang nais na lamang niya ay mawala na lamang.

Isang umaga, habang sumusuka si Emma, hindi nito napigilan ang sarili. Humagulgol siya ng iyak at nagsisigaw na tila gusto na niyang matapos ang lahat ng kaniyang paghihirap.

Habang nilalabas ng babae ang nilalaman ng kaniyang puso ay tinapik siya ng kaniyang anak sa likod at sinabing, “Ma, kaya niyo ‘yan! Huwag po kayong mag-alala dahil napaghanda ko na po si Rina ng almusal niya. Magpahinga na lang kayo sa inyong silid. Ako na po ang bahala,” wika ni Prince.

Dahil dito ay unti-unting natauhan si Emma. Nakalimutan niya na bukod sa iniinda niyang karamdaman ay isa rin siyang ina. Nung lumisan ang asawa niya ay tila nawalan na rin ng nanay ang kaniyang mga anak. Napaisip siya. Hindi ito dapat nararanasan ng kaniyang mga anak.

Nagpasya si Emma na kalimutan muna ang kaniya sarili at magpakaina muli sa kaniyang mga anak. Naghanap siya ng mapapasukang trabaho. Sa bawat ina-applyan niya ay sinasabi niya ang kaniyang kalagayan. Sa dami ng kaniyang in-applyan ay walang tumanggap sa kaniya.

Sa tuwing makikita niya ang sarili sa salamin ay nawawalan siya ng pag-asa ngunit kapag nakikita niya ang kaniyang mga anak ay nakakahugot siya sa mga ito ng lakas upang patuloy na lumaban.

Dahil sa marami na ang tumanggi sa kaniya nagpagtanto niya na may kailangan siyang gawin. Hindi pa ito ang panahon para siya ay sumuko.

Nagsuot si Emma ng peluka upang matakpan ang nakakalbo niyang ulo. Nagsuot siya ng panloob na damit upang hindi mahalata na wala siyang dibdib. Mali man na hindi niya sabihin ang tunay niyang kalagayan ay inilihim na lamang niya ito sapagkat kailangang-kailangan niya ng trabaho.

Sa wakas, sa isang tindahan ng sasakyan ay natanggap sa trabaho si Emma.

Hiniling niya sa kaniyang kapatid na babae na tignan-tignan muna nito ang kaniyang mga anak habang siya ay nagtatrabaho. Pinagbutihan niya ang pagtitinda ng sasakyan upang bukod sa kaniyang sweldo ay may matatanggap din siyang komisyon. Hindi siya pumayag na sa isang buwan ay hindi niya maaabot ang kaniyang kota.

Ipinagpatuloy rin ni Emma ang pagpapagamot sa kaniyang sakit. Umaasa siya na darating ang araw na matatanggap na niya ang magandang balita na matagal na niyang hinihintay.

At dumating na nga ang araw na iyon.

“Ikinagagalak kong sabihin sa iyo, Emma, na ikaw ay tuluyan nang gumaling. Wala ng k*nser sa iyong katawan,” balita ng doktor.

“Sa ngayon ay wala nang makitang kahit isang c*ncer cell sa iyong sistema ngunit hindi tayo pwedeng magpakasigurado kaya may mga gamot ka pa ding iinumin. Ituloy mo lang ang ehersisyo at pagkain ng mga masusustansyang pagkain. Iwasan din ang stress.” dagdag pa nito.

Wala na sigurong mas sasaya pa kay Emma sa mga sandaling iyon. Masaya siyang umuwi at ibinalita ito sa kaniyang mga anak.

Sa kabilang banda naman ay tuloy pa rin ang kaniyang pagtatrabaho. Nangarap siya na magkaroon din ng negosyo para magkaroon siya ng mas maraming oras para sa kaniyang mga anak. Nag-ipon siya nang nag-ipon. Inaral niya ang lahat ng tungkol sa mga sasakyan at kung paano magpatakbo isang negosyo.

Dumating ang araw na alam ni Emma na handa na siyang sumabak sa panibagong yugto ng kaniyang buhay. Nagtayo siya ng isa simpleng negosyo, pagbili at pagbenta ng mga second-hand na sasakyan. Nagsimula siya sa dalawang kotse hanggang sa naparami niya ito. Nagpatuloy ang paglago ng kaniyang negosyo hanggang mga bagong sasakyan na ang kaniyang mga binebenta.

Hindi inakala ni Emma na lalaki ng ganito ang kaniyang negosyo. Ngayon ay malaki na ang kompaniya ni Emma at masaya na silang namumuhay ng dalawang niyang anak. Salamat sa mga anak ni Emma na pinaghugutan niya ng lakas ng loob. Kung nawalan si Emma noon ng pag-asa at agad na sumuko, hindi sana niya mararating ang narating niya ngayon. Talagang habang may buhay, may pag-asa.

Advertisement