Kapansin-pansin ang malaking maleta na dala-dala lagi ng isang matandang babae. Kahit saan siya pumunta ay bitbit niya ito. Marami ang nagtataka kung ano ang laman ng nasabing bag. Usap-usapan sa kanto na ang matandang babae raw ay may sira sa ulo at pinagkakalat na ang laman daw ng kaniyang bag ay maraming salapi. Tulad ng inaasahan ay walang naniniwala rito sa pag-aakalang nasisiraan lamang ito ng bait. Walang nakakaalam kung totoo ang sinasabi nito sapagkat wala pa namang nagtatangkang buksan ang bag.
Isang araw ay nagpunta ang babae sa isang hacienda na pagmamay-ari ng isang mayabang at mapagmataas na haciendero. Walang nakakalapit dito sapagkat malupit ito at sobrang matapobre. Kapag nakikipag-usap ang mga tauhan nito’y halos yumuko na sila sa sobrang takot dito kaya naman nataranta ang lahat nang biglang pumasok ang matandang babae at pilit nitong hinahanap ang haciendero.
“Nasaan ang may-ari ng lupang ito?” pasigaw na wika ng matandang babae. “Nais kong bilhin ang taniman na iyon!” dagdag nito habang tinuturo ang isang parte ng hacienda. “May 10 milyon ako dito sa aking maleta!” pagmamalaki nito. “Nais kong makita ang may-ari ng lupa. Siya lang ang gusto kong makausap!” pagpupumilit ng matandang babae.
Akala nila ay nasisiraan ito ng bait kaya pilit itong itinataboy ng mga trabahador ng hacienda.
“Wala ang aming amo! Makakaalis na kayo!” sambit ng isang trabahador. “At kung naririto man siya ay hindi rin niya gugustuhin na kayo ay harapin sapagkat walang saysay ang inyong mga sinasabi. Hindi po ipinagbibili ang lupaing iyon!” giit ng isa pang trabahador.
“Ikaw ba ang may-ari nito, ha? Hindi naman, hindi ba? Kaya tumabi ka riyan at gusto kong makausap ang may-ari ng hacienda. Siya lamang ang nais kong makausap.” Pagpipilit ng matanda.
Hindi nagpatinag ang matandang babae.
Akma namang paparating ang haciendero sakay ng kaniyang kabayo.
“Anong kaguluhan ito?” sambit ng haciendero. “Nagpupumilit po ang matandang babaeng ito, amo, na makausap kayo. Nais niya daw pong bilhin ang lupain na iyon na pinagtataniman natin,” saad ng trabahador sabay turo sa isang bahagi ng hacienda.
“Nahihibang ka ba, tanda? At saan ka naman kukuha ng malaking halaga upang mabili mo sa akin iyon?” natatawang tugon ng haciendero. “Nandito sa aking maleta ang sampung milyon!” wika ng matandang babae. Dali-dali nitong binuksan ang kaniyang maleta at doon nga tumambad ang sandamukal na salapi.
Nagulat ang lahat sa kanilang nasaksihan. Ibig sabihin ay hindi ito nasisiraan ng bait at totoo ang sinasabi nito.
“Saan mo naman nakuha ang salaping iyan, tanda? Siguro ay ninakaw mo iyan, ano? Wala naman sa itsura mo na ikaw ay mayaman.” tanong ng haciendero.
“Mapagmataas ka talaga!” tugon ng babae. “Nakuha ko ang lahat ng iyan sa aking pakikipagpustahan,” patuloy nito.
Nagtawanan ang lahat sa narinig nila sa ale. Bumaba sa kabayo ang haciendero.
“Pustahan? Paano nananalo sa pustahan ang isang kagaya mo?” natatawang wika ng haciendero.
“O, sige. Magpustahan tayo ngayon!” hamon ng matanda. “Pumupusta ako na bukas sa parehong oras ay magiging ginto iyang dumi ng kabayo mo.” wika ng babae.
Muling nagtawanan ang lahat at hindi nila sineryoso ang matandang babae.
“Pupusta ako ng dalawang milyon. Kung tama ako ay bibigyan mo ako ng dalawang milyon. Kung hindi naman ay magbibigay ako sa’yo ng dalawang milyon!” hamon ng matanda.
Dahil sigurado ang haciendero na imposibleng maging ginto ang dumi ng kaniyang kabayo ay sumang-ayon ito sa pustahan.
“Kailangan ay narito ang alkalde upang maging legal ang pustahang ito,” wika ng haciendero.
Pumayag ang matandang babae bago ito umalis. Samantalang nagpatuloy naman ang tawanan at kwentuhan ng mga trabahador tungkol sa nangyari.
“Tapos na ang palabas! Baka nais ninyo nang bumalik sa inyong trabaho!” sigaw ng haciendero. Sumakay na siya muli sa kaniyang kabayo at umuwi sa kaniyang mansyon.
“Nahihibang na ba siya? Dumi ng kabayo magiging ginto? Bukas ay mas mayaman na ako ng dalawang milyon. Napakadali ng pustahang ito!” sambit ng haciendero sa sarili.
Ngunit hindi nito maiwasan na mag-isip. “Bakit ito nasabi ng matandang babae. Hindi kaya tunay nang nahihibang ito? O baka naman mayroon siyang kapangyarihan. Baka isang maligno ang matandang babaeng.
Kinabukasan ay nagtungo ang matandang babae at alkalde sa hacienda. Dumiretso sila sa lugar ng kanilang pustahan.
“Oras na,” wika ng matandang babae.
Tinignan ng haciendero ang dumi ng kaniyang kabayo at hindi naman ito naging ginto.
“Sa tingin ko ay baka nasa loob ang ginto,” wika ng babae.
At dahil na din sa laki ng pusta ay buong tapang na nilamutak ng haciendero ang dumi ng kaniyang kabayo. Sa isang banda ay nakita niya ang alkalde na nagpapapadyak habang hinahampas ng kamay ang ulo nito.
“Bakit, ho, kayo nagkakaganiyan, alkalde?” wika ng haciendero.
“Sapagkat pumusta ako ng sampung milyon sa matandang iyan. Ang pustahan ay sa parehas na oras ngayong araw ay makikita ko raw ang isang haciendero na lumalamutak ng dumi ng kabayo!” inis na paglalahad ng alkalde.
Natalo man sa pustahan ang matandang babae laban sa haciendero ay nanalo naman ito ng malaki laban sa alkalde. Humanga ang haciendero sa utak ng matanda kaya pumayag itong bilhin niya ang isang parte ng kaniyang lupain.