Inday TrendingInday Trending
Parusa sa Batang Mapang Api

Parusa sa Batang Mapang Api

Chin up, chest out, tiger look. Nakaangat din ang mga braso, habang naglalakad sa hallway ng eskwelahan. Akala mo kung sinong siga na pinangingilagan ng halos lahat ng kaniyang madaanan. ʼYan si Kian, ang kilalang siga ng eskwelahan sa elementarya.

Mapababae man o lalaki, walang pinalalampas ang batang ito. Lahat ay kaniyang bina-braso, inaalipusta. Ilang beses na nga itong napatawag sa principalʼs office ngunit parang wala itong kadala-dala. Alam kasi nito na madali lang lusutan ang lahat, dahil malakas ang ninang niya sa kanilang principal.

“Hoy, akin na baon mo,” sabay tapik na ani Kian sa nadaanang kaklase na biglang napasimangot sa narinig na sinabi niya. “Ano, ʼdi mo ibibigay?!” hiyaw niya pa upang matakot ito.

Dali-dali tuloy dinukot ng kaklase ang sariling bag upang maibigay sa salbaheng si Kian ang baon. Pati ang pera nito sa bulsa ay sinaid na niya. Paiyak na ang kaklase nang iwan niya ito, habang si Kian naman ay ngingisi-ngising nagpatuloy sa kalalakad.

Sino ʼyon? Napatanong siya sa sarili nang mamataan sa ʼdi kalayuan ang isang bagong mukha. Ngayon niya lang ito nakita sa kanilang school kaya naman talagang natutuwa siya, dahil may panibago na naman siyang mabibiktima. Nakaupo ito sa isa sa mga bench sa kanilang school ground, na malapit sa fountain. Nakatulala ito, parang malalim ang iniisip.

Lalapitan sana ni Kian ang batang iyon nang tawagin siya ng kaniyang guro. “Kian!” sigaw nito habang nakatayo sa tapat ng pintuan ng kanilang classroom. “Hindi ka ba papasok? Kanina pa nagri-ring ang bell!”

Doon lang napansin ni Kian na tama ito. Kanina pa nga nagri-ring ang bell! Bakit kaya hindi niya iyon napansin? Napapitik siya sa hangin nang muling lingunin ang batang tinitingnan niya kanina at nakitang wala na ito sa bench na kaninaʼy inuupuan nito. “Sayang!”

Ganoon na lang ang gulat ni Kian nang makapasok siya sa classroom nila. Paanoʼy naroon na pala ang batang gusto niya sanang lapitan! Nakatingin ito sa kaniya nang masama at nakangisi. Nakaramdam ng inis ang siga. Ngayon lang kasi may naglakas-loob na gawin iyon sa kaniya! Ngunit sa kabila niyon ay may takot na tila namumuo sa kaniyang dibdib, dahil sa hitsura ng bata. Nangingitim ang ilalim ng mga mata nito pati na rin ang gilagid at mga ngipin. Gulo-gulo ang buhok nito at may sugat ito sa pisngi. Ngayon niya lang ʼyon napansin nang makita niya ito sa malapitan.

Maghapong hinintay ni Kian na ipakilala sa kanila ang batang iyon na bago lang niyang nakikita rito sa school, ngunit parang walang pakialam ang teacher niya. Hindi rin nito isinasama ang inaakala niyang transferee student, ʼdi kagaya ng iba.

Ngunit ang mas nakakapagpabagabag kay Kian ay kung bakit hindi inaalis ng transferee ang pagkakatingin sa kaniya nang masama, habang nakangisi. Nagsisimula nang makaramdam na siyang makaramdam ng takot.

Gusto niyang lapitan ito kanina, ngunit ngayon ay parang ayaw na niya! Mas gusto na lang niyang dumiretso ng uwi ngayong araw.

Humakbang nang papalabas ng classroom si Kian, ngunit bigla siyang natigilan nang may parang humila sa kaniya.

“Saan ka pupunta, bata? Hindi ba tayo maglalaro?” narinig niyang tanong ng bata sa kaniyang likuran kaya hinarap niya ito. Doon niya lang napansing sila na lang pala ang naroon sa classroom.

“Hindi ako nakikipaglaro! Bitiwan mo nga ako, baka gusto mong mabugbog?” banta niya at iniumang ang kamao sa kaharap.

Ngunit laking gulat ni Kian nang bigla lamang itong tumawa nang malakas. Malakas na malakas at nakakabingi na. Napatakip na si Kian sa sariling tainga!

Lalo pang nadagdagan ang takot niya nang biglang bumuka nang napakalaki ang bibig ng bata at nakita niyang nakalutang pala ang mga paa nito!

Nagsisigaw si Kian sa takot habang tumatakbo, ngunit hinabol siya ng multo!

“Palagi kitang pinanunuod sa malayo. Palagi kang nananakot ng mga bata para lang makuha mo ang gusto mo. Ngayon, ikaw naman ang tatakutin ko para maramdaman mo kung ano ang nararamdaman ng mga inaapi mo. Galit ako sa mga kagaya mo, Kian. Dahil sa katulad mo ay nahulog ako mula sa thirdfloor at bumagsak ako sa fountain. Gusto mo bang gawin ko rin iyon sa ʼyo?”

At muli na namang humalakhak nang malakas ang multo. Takot na takot si Kian ngunit huminto siya sa pagtakbo at lumuhod sa harapan ng batang multo. “Pakiusap, patawarin mo na ako!” aniya na magkasalikop ang mga kamay. “Promise ko sa ʼyo, hinding-hindi na ulit ako mang aaway!”

Sa pagkakataong iyon ay biglang tumahimik ang paligid. Nagpalingon-lingon muna si Kian upang hanapin ang batang multo, ngunit hindi na niya ito nakita. Sinilip niya ang bench na nasa tapat ng fountain mula sa third floor at doon ay nakita niyang nakaupong muli ito roon at kumakaway sa kaniya nang nakangiti at may aliwalas na ang mukha.

Simula nang araw na iyon ay nagbago siya. Kahit kailan ay hindi na siya nang away, bagkus ay naging palakaibigan. Salamat sa multo na nagturo ng leksyon kay Kian!

Advertisement