Inday TrendingInday Trending
Saan Ka Pupunta Ngayon?

Saan Ka Pupunta Ngayon?

Nakatayo noon si Jana sa tapat ng building ng kanilang kompanya. Kalalabas lamang niya mula sa trabaho at nag-aabang na ng taxi. Ngunit may isang matandang lumapit sa kaniya. Marungis ito at puno ng grasa ang mukha, kamay at buong katawan. Nakalahad ang palad nito kay Jana, obviously, nanghihingi ng limos.

“Wala ho!” iritadong aniya, nakakunot ang kaniyang noo sabay para sa paparating na taxi.

Nang makauwi siya, hindi pa man nakapapasok sa loob ay namataan niyang nag-aabang ang isa niyang kapitbahay. Hindi siya nag-abalang tanungin kung ano ang kailangan nito, dahil wala siyang pakialam.

“Jana, kakapalan ko na ang mukha ko. Nalapitan ko na ang lahat ng kapitbahay natin kaya lang ay hindi pa rin sapat ang nalikom ko. Baka p’wedeng manghingi ng kaunting tulong sa ʼyo. Nasa ospital kasi ang anak ko at—”

Hindi pa man tapos sa pagsasalita ay pinutol na agad iyon ni Jana. “Naku, wala, e. Alagaan nʼyo kasi nang mabuti ʼyang anak nʼyo para hindi magkasakit,” iyon lang ang sinabi niyaʼt tuluyan na siyang pumasok ng bahay sabay sarado ng pintuan.

Samantala, naiwan namang tulala ang kapitbahay ni Jana. Naluluha siya dahil sa mga sinabi nito. Hindi na nga ito nagpahiram o nagbigay ng kaunting tulong ay nagawa pang kuwestyonin ang pagiging magulang niya! Napakasama talaga ng ugali ng kapitbahay nilang ito.

Mag-isa lang sa kaniyang bahay si Jana. Simula noong magkatrabaho siya ay bumukod na siya ng bahay mula sa kaniyang mga magulang upang makaiwas sa gastusin doon. Paminsan-minsan ay nagbibigay siya ng pera sa kanila, ngunit labag na labag iyon sa kaniyang kalooban. Bakit? E naging ganito rin naman sila sa akin noon? ʼyan ang lagi niyang katwiran.

Napakaramot ni Jana. Kahit sinoʼng humingi sa kaniya ng tulong ay hini-hindian niya. Kahit mayroon siyang naitatabi ay ayaw niya iyong ipahiram o ni ayaw magbigay man lang nang kaunti. Mas gusto niya pang mapanisan ng pagkain kaysa ibigay iyon sa ibang tao.

Wala siyang ka-close na kahit sino sa kanilang lugar. Lahat kasi ay iniiwasan siya. Ayaw nila ng kaniyang ugali, samantalang si Jana naman, ang tingin sa lahat ay oportunista. Na kapag kinaibigan niyaʼy hihingian lang siya nang hihingian.

Isang araw ay natanggal si Jana sa trabaho. Hindi naman siya nangamba. Umalis siya noon upang mag-apply sa ibang kompanya, ang hindi niya alam, sa pag-uwi niyaʼy doon pa magsisimula ang karma.

Gabi na nang makauwi si Jana. Binuksan niya ang pintuan ng kaniyang bahay. Pumasok siya at muli iyong ini-lock. Kahahakbang pa lamang ni Jana sa hagdan nang makarinig siya ng malalakas na kalabog sa itaas. Itinuloy niya ang pag-akyat upang tingnan kung ano iyon, at ganoon na lang ang kaniyang pagkagulantang nang makitang may dalawang lalaking nakapurong-itim na damit at nakamaskara ang nanlilimas ng kaniyang mga gamit!

“M-magnanakaw!” malakas na bulalas ni Jana.

“Tulong! May magnanakaw!” paulit-ulit siyang humiyaw habang tumatakbo palabas ng bahay, ngunit walang tulong na dumating. Nahabol siya ng isa sa dalawang magnanakaw. Nahablot nito ang buhok niya. Sa lakas nitoʼy hindi na nakapalag pa si Jana.

May duck tape na nakatakip sa kaniyang bibig. Nakatali na rin ang kaniyang mga kamay at paa. Hindi na makahiyaw pa si Jana habang sinisimulan siyang halayin ng dalawang lalaki. Tumulo na lang ang kaniyang luha dahil sa sobrang hirap na kaniyang nararamdaman. Hindi niya alam ang gagawin.

Mabuti na lang at nakalas niya ang pagkakatali ng kaniyang mga kamay. Hindi niya iyon ipinahalata sa dalawa. Naghanap siya ng magandang tiyempo upang tadyakan ang isa sa mga ito habang ang isa namang nasa malapit ay sinundot niya ang mga mata. Sa pagkakataong iyon, nakalabas na ng bahay si Jana.

Nagkakatok siya sa mga kapitbahay niya, ngunit muli, ay wala ni isa man sa mga ito ang gustong magbukas ng pintuan para sa maramot na kagaya niya. Nasa huling bahay na siya. Pagmamay-ari ito ng babaeng humingi sa kaniya ng tulong noong nakaraan para sa anak nitong may sakit at nasa ospital, ngunit hindi niya binigyan at nagawa pa niyang laitin. Nagdadalawang isip na siyang kumatok ngunit nariyan na ang dalawang magnanakaw!

“Tulong! Tulungan nʼyo po ako!” humahagulhol na aniya habang kumakatok.

Ang buong akala ni Jana ay hindi na siya pagbubuksan pa ng may-ari ng bahay. Expected na rin niyang ganoon nga, dahil sa kasamaang ipinakita niya sa mga ito. Hindi rin niya sila masisisi. Ngayon niya na-realize ang lahat ng maling ginawa niya. Kung pwede niya nga lang ibalik ang nakaraan ay gagawin niya upang baguhin ang lahat ng kasamaan ng ugali niya.

“Jana, pumasok ka na, bilis!” himalang bumukas ang pintuan at dumungaw mula roon ang kaniyang kapitbahay. Nanginginig siyang napayakap dito. Sa wakas ay ligtas na ang maldita! “Salamat, salamat!”

Simula nang araw na iyon ay nangako siya sa kaniyang sarili na babaguhin niya ang lahat ng dapat niyang baguhin sa kaniyang sarili. Hindi na nahuli ang dalawang magnanakaw, ngunit laking pasasalamat niya pa rin na hindi natuloy ang masamang balak ng mga ito sa kaniya.

Pinuntahan ni Jana ang mga magulang. Humingi siya ng tawad sa mga ito at simula noon ay naging bukas na sa kaniyang loob ang pagbibigay ng kahit ano sa mga ito. Ganoon din sa mga kapitbahay niyang nangangailangan, lalung-lalo na sa taong hindi niya inaasahang siya pang tutulong sa kaniya.

Advertisement