Inday TrendingInday Trending
Gantimpala Para sa Binatilyo

Gantimpala Para sa Binatilyo

Sapu-sapo na ni Harold ang kaniyang ulo, habang nakaupo sa waiting area ng ospital. Namomroblema ang binatilyo para sa kalagayan ng kaniyang inang may sakit sa puso.

Ang sabi ng doktor ay kailangan daw itong operahan sa lalong madaling panahon, ngunit wala silang perang pambayad! Ni pambiling gamot ay wala.

Umalis ang kaniyang ama noong isang buwan upang anitoʼy magtrabaho, ngunit kahapon lang ay nabalitaan nilang may kinakasama na pala itong ibang babae! Iyon ang dahilan kung bakit inatake sa puso ang kaniyang ina. Labis ang sakit na naramdaman nito sa balita.

Iniwan niya muna saglit ang kaniyang kapatid upang ito muna ang magbantay sa kanilang mama. Animo siya zombie habang mabibigat ang mga hakbang na lumalakad palabas, dala ang reseta ng doktor. Wala siyang pera sa bulsa. Ang tanging laman lang noon ay ang luma at de lastiko nang cellphone na kung ibebenta niya ngayon ay walang bibili. Naiiyak na ang binatilyo sa halu-halong damdamin. Pagod, lungkot, galit at pag-aalala.

“Ate, sige na po. Pautangin na ninyo ako ng mga gamot. Kailangan lang po talaga ng mama ko. Please, Ate!” Dahil wala nang pagpipilian ay sinubukan nang mangutang ni Harold sa botikang nasa tapat ng ospital.

Ngunit ipinagtabuyan lamang siya ng tindera. “Naku, Boy, hindi iyon puwede. Umalis ka na riyan at nakahaharang ka sa ibang bibili!” sabi nito.

Binigyang daan niya ang matandang mukhang bibili rin ng gamot sa botika, pagkatapos ay nakayuko na niyang nilisan ang lugar.

Nagtungo muna siya sa ilang kamag-anak, ngunit halos lahat ng mga itoʼy wala ring maibigay sa kanila dahil pare-pareho silang hikahos. Inabot na ng umaga ang binatilyo sa daan, ngunit wala siyang napala. Tanging ang baryang kinita niya sa magdamag na pangangalakal lang ang pera niya ngayon, sapat upang may ipangkain silang mag-iina ngayong umaga.

Nagmadaling bumili ng lugaw si Harold. Agad siyang dumiretso sa ospital kahit wala pa siyang tulog. Ngunit pagpasok niya sa kwartong pinaglagakan sa kaniyang inaʼy laking gulat niya nang mamataang wala roon ang kaniyang inaʼt kapatid!

“Nurse, nasaan ho iyong pasiyenteng narito?” itinuro niya ang higaang pinaglagakan sa ina. Naroon pa sa tabi ang ilang gamit na dinala nila tulad ng termos, mga baso at ilang plastik na pinggan.

“Inilipat na ho siya ng kwarto,” sagot nito. Itinuro sa kaniya ng nurse kung saan inilipat ang kaniyang ina.

Ganoon na lang ang gulat niya nang mapag-alamang naroon ito sa isang private room. Inimporma siya ng doktor ng kaniyang ina na naka-schedule na ang operasyon nito ngayong gabi.

“P-papaano pong nangyari iyon, Doc? Saka nasaan ho ang kapatid ko?” takang tanong niya sa doktor.

“May nagmagandang loob na tumulong sa inyo, Hijo. Isinama niya saglit ang kapatid mo para kumain,” sagot naman nito.

Nagtataka at nalilito man ay laking pasasalamat ni Harold sa narinig. Kaya naman hinintay niyang makabalik ang kaniyang kapatid pati na rin ang sinasabing nagmagandang loob daw na tulungan sila.

“Kuya!” Ang nakangiting bulalas ng kaniyang kapatid nang makabalik ito. May bitbit itong mga supot ng pagkain na agad nitong ipinakita sa kaniya.

Kumulo ang tiyan ni Harold nang masamyo ang halimuyak ng mga bagong lutong pagkain ngunit mas nabaling ang atensyon niya sa lalaking nasa likod ng kaniyang kapatid.

“Sir, kayo po ba iyong tumulong sa amin?” tanong niya rito.

Nakangiti namang tumango ang lalaki.

“Maraming-maraming salamat po, Sir!”

“Naku, Hijo, hindi ka dapat magpasalamat sa akin.” niyuko siya nito upang magpantay ang kanilang mga mukha. “Bunga iyan ng mabuti mong kalooban, nang minsang tulungan mo ang ama kong muntik nang mawalan ng pera at upang makatawid siya sa kalsada.” sabay tapik nito sa kaniyang balikat.

Isang ala-ala ang biglang nagbalik sa balintataw ng binatilyo..

“Tatang, iyong wallet nʼyo ho, nahulog!” ang sigaw noon ni Harold sa isang matandang nakatungkod at papatawid sa kabilang kalsada.

  • Nilapitan ito ni Harold at iniabot ang nahulog nitong pitaka. “Naku, salamat, Hijo!” sabi nito.

    “Wala hong anuman, ʼTang, tulungan ko na ho kayong tumawid.”

    Ngumiti lang sa kaniya ang matanda. Tinanong din nito ang kaniyang pangalan bago sila nagpaalam sa isaʼt isa nang araw na iyon.

    Umaliwalas ang mukha ni Harold nang maalala iyon. Pati na rin ang matandang nakita niya kanina sa botikaʼy namumukhaan niyang ito rin pala!

    Dumungaw sa pintuan ng private room ang matandang noon ay tinulungan ng binatilyong si Harold. Nakangiti ito kayaʼt napangiti na rin siya.

    Naging matagumpay ang operasyon sa ina ng binatilyong si Harold. Laking pasasalamat nilang mag-anak sa tulong na ibinigay ng mag-ama sa kanila. Laking pasasalamat din naman ng ina ni Harold sa anak, dahil lumaki itong mabuting tao. Talaga nga namang iba kung gumanti ang tandhana sa mabuti nating gawa.

    Advertisement