Inday TrendingInday Trending
Pinagpapala ang mga Naniniwala

Pinagpapala ang mga Naniniwala

Tumatagaktak ang pawis ni Lorenzo habang naglalakad siya sa kahabaan ng EDSA. Sobra kasi ang trapiko at sigurado siyang hindi na aabot sa naka-iskedyul na interview sa papasukang call center kung hindi siya bababa ng jeepney at magsimulang maglakad.

“Hay, ang hirap talagang maging mahirap,” buntong hininga ni Lorenzo habang matiyagang naglalakad.

Sa haba ng kanyang lalakarin, hindi niya maiwasang isipin ang mga kasalukuyang problemang hinaharap.

Dalawang linggo pa lamang kasi ang nakakalipas nang matanggalan ng iskolarship sa unibersidad na pinapasukan itong si Lorenzo. Tanggap sana niya kung siya ang nagkulang kung kaya’t tinanggal ang libre niyang pag-aaral. Pero tinanggal siya dahil sa pagpasok ng anak ng isa sa mga empleyado doon. Nagawang agawin kay Lorenzo ang kanyang iskolarship nang gamitin ng empleyado ang baraha niya – ang pakikipagpalakasan sa taas.

Imbes na magmukmok at magalit, minabuti na lamang ni Lorenzo na humanap ng trabaho upang matustusan ang sariling pag-aaral. Sa totoo lang, bukod sa pagkatanggal ng iskolarship niya ay bigla namang nagkasakit ang kanilang padre de pamilyang si Rolando.

Kasalukuyang nagpapagaling ito sa kanilang bahay kaya naman hindi ito nakakapasok sa trabaho. Ang paglalabandera na lamang ng kanyang ina ang tanging inaasahan nila ngayon.

Patawid na si Lorenzo sa building na pupuntahan niya, nang bigla na lamang…

“Hala! ‘Yong lalaki, nabundol! Diyos ko!” sigaw ng isang matandang ginang nang makitang tumalsik itong si Lorenzo nang mahagip ng isang humaharurot na pribadong sasakyan.

Imbes na tulungan siyang madala sa ospital, nagdire-diretso lamang ang drayber ng nasabing sasakyan at lalo pang humarurot upang makatakas mula sa kanyang nagawang kasalanan.

Hindi pa tuluyang nawalan ng malay itong si Lorenzo. Kitang-kita niya pa ang mga napahintong tao na nakatingin lamang sa kanya. Ang iba nga’y inuna pang kumuha ng cellphone upang kuhanan siya ng video.

Nanlaki ang mga mata ni Lorenzo nang makita ang isang lalaking tumatakbo papalapit sa kanya, akala niya’y tutulong ito sa kanya, ngunit bigla na lamang nitong dinampot ang kanyang dala-dalang bag at kumaripas ng takbo papalayo.

Hindi maka-alma si Lorenzo dahil kahit anong pilit niya’y hindi niya maigalaw ang kanyang buong katawan. Sumisigaw siya ngunit walang boses na lumalabas mula sa kaniyang bibig.

Ang tanging nagawa niya sa mga oras na iyon ay manalangin sa Diyos.

“O Diyos ko, nananalig akong hindi Niyo ako pababayaan.”

Ilang sandali pa, dumating ang isang ambulansya. Agad siyang dinala ng mga rescuer sa pinakamalapit na ospital at ipinasok sa Emergency Room. Doon na tuluyang nawalan ng malay si Lorenzo.

Nang idilat niya ang mga mata, unang-una niyang ginawa ay sinubukang igalaw ang mga kamay at paa. “Naigagalaw ko na, salamat po!”

Unang bagay na kanyang ginawa ay kinapa ang kwintas na may palawit na krus na nakasuot pa rin sa leeg niya. Tila ba naginhawaan siya nang makitang hindi iyon tinanggal sa kanya.

“Hijo, gising ka na pala! Kumusta ang pakiramdam mo?” bati ni Doktor Glenn sa kanya.

“Ah… Dok, ayos lang ho ako. Pasensiya na ho kayo sa abala. Pero ang totoo, wala kasi akong maipambabayad sa ngayon. Ayos na ho talaga ako, uuwi na po ako,” hiyang-hiyang sabi ni Lorenzo nang maisip na magiging dagdag problema pa ang gastusin sa naghihikahos niyang pamilya.

Nakatitig lamang si Dok Glenn sa kanya habang pinipilit ng binata na tumayo sa kinahihigaan. Halatang-halata sa kanya ang sakit na nadarama mula sa malakas na impact ng pagbangga.

“Hijo, huminahon ka. Mahiga ka. May sasabihin muna akong mahalaga,” ani Dok Glenn.

“Nabalitaan kong hit-and-run nga raw ang nangyari sa’yo. At habang nag-aagaw buhay ka sa kalsada, isang kawatan pa ang tumangay ng mga gamit mo,” panimula ng doktor na tila ba may malaking balitang sasabihin.

Napayuko si Lorenzo nang maalala ang nanakaw na bag sa kanya. Umutang pa siya sa kaibigan ng dalawang daang piso para lamang may pamasahe papunta as apply-ang trabaho. Naroon din sa bag ang laptop na iniraos ng kanyang mga magulang dahil kinakailangan iyon sa kanyang pag-aaral. Ngunit lahat ng iyon ay nawala. WALA NA.

Muli na namang napakapit si Lorenzo sa kanyang kwintas.

“Alam mo, hijo? Isa sa mga nurse rito ang nakakakilala sa iyo. Kaklase mo pala sa unibersidad ang anak niya, at naikwento nila sa akin ang nangyari sa iskolarship mo,” sambit ng doktor.

“Pangarap mo palang maging doktor? Kaya’t kung pahihintulutan mo, tanggapin mo sana ang alok ko. Ako ang magpapaaral sa iyo hanggang sa maging isa ka nang doktor gaya ko,” pagpapatuloy ng doktor.

Uutal-utal namang sumagot ang hindi makapaniwalang si Lorenzo.

“T- talaga ho? A-ano ho ang kapalit?”

“Kapalit? Hijo, mag-aral kang mabuti at tapusin ang iyong pag-aaral. Iyon lamang, wala nang iba,” pahayag ni Dok Glenn.

Masayang tinanggap ng binata ang alok ng doktor. Matapos magpagaling sa mga natamong sugat ay agad na nagbalik sa pag-aaral ang binata. Tulad ng pangako niya, tinapos niya ang pag-aaral sa kolehiyo at nagtuloy ng medisina. Tuloy-tuloy pa rin ang pagsuporta sa kanya ni Dok Glenn.

Hindi akalain ni Lorenzo na ang sunod-sunod na pagsubok na dumating sa kanyang buhay ang magiging tulay pa pala tungo sa tagumpay. Ngayong puno na ng swerte at pagpapala ang kanyang buhay, mas lalong hindi niya nakakalimutan ang magdasal at magpasalamat sa Maykapal.

Gumagamit lamang ang Diyos ng kasangkapan upang iparamdam ang kanyang presensya at pagpapala sa mga taong nananatiling nananalig sa Kanya sa kabila ng mga pagsubok na dumarating sa buhay ng mga tao.

Advertisement