
Nagrebelde Siya sa mga Magulang Dahil Naghiwalay ang mga Ito; Isang Inosenteng Bata ang Nagturo sa Kaniya na Tanggapin ang Katotohanan
“Maghintay ka na lang doon, apo. Mabilis na lang ito,” utos ng lola ni Valery dahil kinukulit niya ito habang nagluluto ito.
Sumunod siya sa inuutos ng kaniyang Lola at tahimik na naghintay sa maliit na lamesa.
Maya-maya lang ay sasalubungin na nila ang kapaskuhan kaya’t naghahanda na sila ng kanilang noche buena.
Sandali niyang ginamit ang kaniyang cellphone upang batiin ang kaniyang mga kaibigan. Maya maya ay narinig niya ang boses ng kaniyang lola.
“Valery, tara na dito at tulungan mo ako maglipat ng pagkain sa lamesa!” malakas na pagtawag ng kaniyang lola.
Agad na nilapag ni Valery ang kaniyang cellphone upang tulungan ito sa kusina.
Saglit silang nag-ayos ng ilang pagkain sa lamesa at iba pang kagamitan na kanilang gagamitin.
“Valery, tumawag pala ang Papa mo kanina. Baka gusto mo raw bumisita sa kanila bukas,” maya maya’y wika ng kaniyang Lola habang inaayos niya ang mga kubyertos.
“Pakisabi na lang po na aalis kami ng mga kaibigan ko bukas. Hindi po ako pwede,” maliksing tugon niya. Tinanguan lamang siya ng kaniyang Lola at nagyaya na itong kumain.
Saglit na natigilan si Valery sa pagkain nang may maalala. Hindi niya mapigilan na kabahan sa sagot na ibibigay sa kaniya ng Lola niya.
“Si Mama po? Hindi niya po ba kayo tinawagan?” mahinang tanong ni Valery sa kaniyang lola habang nilalaro ang pagkain sa plato niya.
Nakita niyang natigilan din ang kaniyang lola sa pagkain kung kaya’t napaangat ang tingin niya rito.
“Ang sabi niya sa akin ay may pupuntahan daw sila ngayong Pasko,” mabagal na tugon ng kaniyang lola. Bakas sa boses nito ang pag-iingat.
Hindi napigilan ni Valery na malungkot at mawalan ng gana sa pagkain.
“Kasama ang pamilya niya?” malamig na sambit ni Valery.
May kani-kaniyang pamilya na ang magulang ni Valery. Bata pa lamang siya ng maghiwalay ang mga ito.
Sanay na siya sa na ipinagdiriwang niya ang mga importanteng okasyon nang hindi kasama ang kaniyang mga magulang.
Galit siya sa kaniyang mga magulang dahil hindi man lamang naisip ng mga ito ang mangyayari sa kaniya kung maghiwalay ang mga ito.
Wala siyang pinanigan sa kanilang dalawa at pinili na tumira sa bahay ng kaniyang Lola Theresa, ang nanay ng kaniyang Papa.
“Valery, apo. Ikaw naman, paskong pasko at nakabusangot ka?”
Nakuha ng kaniyang lola ang atensyon niya nang magsalita ito.
“Pasensiya na po,” malungkot na paumanhin ni Valery sa kaniyang Lola.
“Oh siya sige na’t kumain ka na. Lalamig ang pagkain,” paalala nito saka siya nito nginitian ng pagkatamis-tamis.
HIndi maiwasan ni Valery mapangiti dahil sa kaniyang lola.
Kaya ganoon man ang nangyari sa samahan ng kaniyang mga magulang ay wala siyang reklamo. Napakaswerte niya sa kaniyang mapagmahal at mapag-arugang lola.
Ito ang nagpalaki kay Valery upang maging mabuting tao.
Nagsalo ang mag-lola nang gabing iyon at sabay na ipinagdiwang ang Pasko nang masaya at magkasama.
Kinaumagahan ay naghanda agad siya pagkagising upang kitain ang kaniyang mga kaibigan ngunit nagulat siya nang isang bisita ang dumating. Ang Papa niya.
“Valery. Merry Christmas, anak!” May malaking ngiti sa labi nito.
Sinubukan siya nitong lapitan at yakapin ngunit nagpanggap siya na isisintas ang kaniyang sapatos upang iwasan ito.
“Sa inyo din po,” tipid na sagot niya sa tatay. Kita niya ang malungkot na ngiti ng kaniyang Papa bago ito tawagin ng kaniyang Lola.
Sa kaniyang mga magulang, mas malaki ang galit niya sa kaniyang ama. Ito kasi ang sinisisi niya na naging dahilan kung bakit sila naghiwalay.
Ang tatay niya ang unang sumuko sa relasyon. Sinabi nito na hindi na nito pwedeng manatili pa kasama ang kaniyang ina dahil mas masasaktan lamang ang mga ito. Hindi daw ang mga ito ang para sa isa’t isa.
Subalit paano naman siya? ‘Yun ang pinaghihinanakit ni Valery. Hindi man lamang inisip ng mga ito na masasaktan siya.
“Aalis na po ako,” sigaw ni Valery bago lumabas ng pintuan.
Habang hinihintay ang kaniyang mga kaibigan ay may tumawag sa kaniya. Sa pag-aakalang isa iyon sa kaniyang mga kaibigan ay agad niyang sinagot ang tawag nang hindi tinitignan kung sino iyon.
“Anak. Akala ko ay hindi mo sasagutin,” bungad ng tao sa kabilang linya. Halata ang pag-iingat sa boses ng kaniyang ina.
Napailing siya. Naiinis sa sarili na hindi niya muna tiningnan kung sino ang tumatawag.
Malapit ang loob niya sa kanyang Mama noon. Kahit maliit pa siya ay natatandaan niya na ito ang laging nasa bahay at kasama niya.
Noon ay gusto niyang sumama na lang sa kaniyang ina pero dahil napagtanto niya na may kasalanan din ito sa hiwalayan kaya naman nagbago ang isip niya.
Ngunit madalas na namimiss niya ang ina lalo pa’t close talaga silang dalawa noon.
“Bakit po?” matabang na tanong niya sa ina.
“Merry Christmas, anak,” maligayang bati ng kaniyang ina sa kaniya.
“Patapos na po ang Pasko,” pambabara niya sa ina.
“B-busy kasi kahapon, anak. Pasensiya na,” hinging paumanhin ng kaniyang ina.
“Ibababa ko na po. Busy rin po ako.” Hindi na hinayaan ni Valery na makasagot pa ang ina dahil agad niyang binaba ang tawag.
Habang pauwi si Valery ay napadaan siya sa simbahan at pumasok doon upang magdasal.
Napatabi siya sa isang bata na kasama ang lola nito. Napangiti pa siya nang makita ang mga ito bago siya pumikit din at nagdasal.
Pagkadilat niya, sa gilid na kaniyang mata ay napansin niyang nakatitig ang bata sa kaniya. Nilingon niya ito.
“Ate, ano po ang ipinag-pray niyo? Ako po kasi ipinag-pray ko po na sana masaya na sila Mommy at Daddy sa heaven ngayon. Malungkot po ako na hindi ko sila kasama ngayon pero okay lang po kasi alam ko naman po na babantayan nila ako at si Lola,” mahabang kwento ng bata.
Malungkot niyang nginitian ang bata bago pinukol din ng tingin ang lola nito na taimtim na nagdarasal. Sa kaniyang pagtataka ay nakangiti ito.
Sa tantiya niya ay anim o pitong taong gulang na ang bata. Hanga siya sa pagiging malakas ng bata sa kabila ng edad nito.
“Kayo po, Ate? Nasaan na po ang mga magulang ninyo? Nasa heaven na rin po ba sila?” Hindi pa man siya nakakasagot ay may panibago nang tanong ang bata.
Natigilan si Valery sa tanong na iyon. Alam niyang buhay pa ang kaniyang mga magulang ngunit para bang tinamaan siya sa sinabi ng bata.
“Nasa tabi ko pa din sila. Nandiyan lang sila,” mahinang sambit ni Valery.
“Buti ka pa, Ate. Dapat ay love mo sila palagi, ha. I-kiss at yakapin mo sila bago ka matulog,” nakangiting paalala ng bata.
Wala sa sariling napatango siya dito kasabay ng pagtulo ng luha na kanina niya pa pinipigilan.
Tulalang lumabas siya ng simbahan at nagsimulang maglakad pauwi.
Habang naglalakad ay madaming reyalisasyon ang dumaloy sa kaniyang isipan.
Kinailangan kaya siya ng kaniyang mga magulang na nasasaktan ang mga ito? Napagtanto niya kasi na hindi lang naman siya ang nasasaktan noong mga oras na iyon.
Napadesisyunan niyang tawagan ang kaniyang ama.
“Papa. Pwede po ba akong pumunta diyan sa inyo?” nahihiyang bungad niya sa ama.
“O-oo naman, anak. Kahit na anong oras!” Hindi naitago ng kaniyang ama ang gulat nito sa sinabi niya.
“Pasensya na po sa abala. Salamat po. I love you, Papa.” Iyon lamang ang nasabi ni Valery. Agad niya ring ibinaba ang tawag. Naninibago pa siya dahil matagal niyang hindi nasabi ang mga katagang iyon sa kaniyang ama.
Ilang segundo lang ay narinig niya ang pagtunog ng kaniyang cellphone.
“Mahal na mahal din kita, anak. Salamat sa napakagandang regalo mo ngayong Pasko.” Iyon ang laman ng mensahe ng kaniyang ama. Muling nangilid ang luha ni Valery.
Sunod niyang tinawagan ang kaniyang Mama.
“Hi, Mama. Pwede po ba akong pumunta sa inyo?” nag-aalangang tanong niya sa ina.
“V-valery, o-oo naman anak. Welcome na welcome ka rito,” garalgal at emosyonal ang boses ng kaniyang ina.
“Sorry kanina, Mama, at salamat po. I love you po.” Muli ay agad niyang ibinaba ang tawag bago pa man ito makasagot.
Matapos makausap ang ina ay tila nawala ang mabigat na bagay na matagal nang nakadagan sa kaniyang dibdib.
Nakangiti siyang umiyak sa gitna ng kalsada, walang pakialam kung sino man ang nakakakita sa kaniya.
Ang gabi bago nila salubungin ang bagong taon ay lubhang napakasaya. Hindi na sila nag-iisa ng kaniyang lola.
Kasama nila ang pamilya ng kaniyang mga magulang – ang kaniyang mga kapatid, at ang mga asawa ng kaniyang magulang.
Nakangiting minasdan niya ang kanyang Lola na napakalaki ng ngiti. Aliw na aliw ito habang nakikipaglaro sa mga bata. Halatang na-miss din nito ang ingay.
Napakaingay ng gabi dahil sa kwentuhan at tawanan ng mga tao sa loob ng kanilang tahanan.
“Lola, salamat po dahil hindi ka napagod sa akin. Ngayon ay mas sasaya ka na dahil mas lalaki na ang ating pamilya.” Bong pagmamahal na niyakap niya ang kaniyang Lola na naging kasangga niya sa buhay.
Sama sama nilang minasdan ang maingay at makulay na fireworks sa kalangitan. Bawat mukha ay may nakapaskil na malaking ngiti.
Wala na ang sama ng loob at lungkot. Pagtanggap at panibagong simula na ang namayani sa kanilang tahanan. Nakakapanibago man ay wala nang mas sasaya pa sa gabing iyon.