
Lumabis ang Kaartehan sa Katawan ng Dalagang Ito, Isang Bagyo ang Nagbigay Leksyon sa Kaniya
“Mama! Itlog na naman ang ulam natin? Alam mo namang ayoko niyan, eh! Ang lansa-lansa sa bibig niyan!” sigaw ni Freah sa ina saka padabog na tinakpan ang itlog nilang ulam, isang umaga bago siya magtinda sa palengke.
“Diyos ko, ikaw bata ka, kung makaarte ka akala mong anak ka ng mayaman! Baka nakakalimutan mo, Freah, mahirap lang tayo! Nakatira sa tabing dagat, barung-barong lang ang bahay, at palagi pang nangungutang sa tindahan para lang may makain dahil wala tayong pera!” tugon nito sa kaniya saka inayos ang pagkakatakip sa kanilang ulam.
“Iyon na nga, eh, mangungutang na lang, itlog pa!” sagot niya rito.
“Nangangatwiran ka pa rin? Kung ayaw mo, huwag kang kumain! Pasalamat ka nga at may nakakain ka pa! Dadating ang araw na mapipilitan kang kumain ng itlog at kanin dahil sa sobrang gutom mo, sinasabi ko sa’yo!” galit na tugon nito.
“Kahit kailan, hindi ako kakain niyan, mama, mangungutang na lang ako ng instant noodles kaysa kumain niyan!” bulyaw niya pa sa ina habang kinukuha ang tuwalya’t pinantakip sa kaniyang dibdib saka siya padabog na lumabas ng barung-barong nilang bahay.
Tindera ng mga gulay sa palengke ang dalagang si Freah. Simula noong kumita siya ng sariling pera dahil sa pamamasukan bilang tindera, naging maarte na siya sa lahat ng bagay.
Sa katunayan, imbis na unahin ang pangkain ng kaniyang buong pamilya na siya ang inaasahan, inuuna niya pa ang pagbili ng mga kolerete sa mukha, pampaputi, pabango at iba pang pang-arte sa katawan dahilan upang halos araw-araw, manggalaiti sa kaniya ang kaniyang ina.
Palagi niyang rason, “Pera ko naman ‘to, ha? Pinaghirapan ko ‘to kaya dapat, ako ang makinabang dito!” na labis na ikinasasama ng loob nito pati na ng kaniyang mga nakababatang kapatid.
Nagbibigay naman siya kahit papaano sa kaniyang ina, siya pa nga ang nagbabayad ng utang nito sa tindahan ngunit bukod pa sa ugali niyang pag-una sa kaniyang mga luho, nagagalit pa siya kapag itlog ang kanilang ulam.
Noong araw na ‘yon, pagkautang niya ng noodles sa tindahan, agad na niya itong sinalang at habang hinihintay niya itong maluto, inaliw muna niya ang sarili sa pagtitingin-tingin ng mga balita sa kaniyang social media account.
Doon niya nabasang may bagyo pa lang darating sa kanilang lugar bukas ng gabi at dahil nga galit siya sa kaniyang ina, hindi niya ito sinabi rito at pinasawalang bahala ang balitang ito.
Ilang oras pa ang lumipas, muli na siyang umuwi sa kanilang bahay galing palengke. Sumalubong sa kaniya ang mga kapitbahay nilang lumilikas na. Ika niya, “Hay naku, kahit anong pilit ni mama sa akin, hindi ako matutulog sa evacuation center, napakadaming tao roon!”
Pagkadating niya sa kanilang bahay, nakaempake na gamit nilang mag-iina, nakahanda na rin sa pag-alis ang kaniyang mga nakababatang kapatid dahilan upang mapasabing, “Kayo lang ang lilikas, ha? Huwag niyo akong isama. Ayos lang ako rito,” dahilan upang umalma ang kaniyang ina at siya’y kumbinsihin na sumama ngunit imbis na sundin ang ina, nagalit pa siya rito kaya naman hinayaan na siya nito.
Kinabukasan, tatawa-tawa pa siyang sumilip sa kanilang bintana dahil sa ganda ng panahon. Maaraw at tahimik ang dagat dahilan upang mapasigaw siya ng, “Mga buang! Nasaan ang bagyong kinakatakutan niyo?” saka siya nagpatugtog nang pang-discong tugtugin.
Ngunit pagsapit ng hapon, unti-unti nang lumakas ang hangin at tumataas na ang mga alon na humahampas sa kanilang bahay. Imbis na maalarma, pinasawalang-bahala na naman niya ito at natulog.
Nagising lang siya sa tawag ng isang hindi kilalang numero, pagsagot niya, bunganga ng nanay niya ang kaniyang narinig dahilan upang agad niya itong babaan ng tawag.
“Mabuti na nga’t nananahimik ako rito, iistorbohin niyo pa ako!” sambit niya saka nagtalukbong ng kumot.
Malamig na tubig dagat na ang sumunod na nanggising sa kaniya dahilan upang agad siyang napabalikwas. Agad siyang lumabas ng bahay at kitang-kita niya kung paano tangayin ng malaking alon ang kanilang bahay. “Hija! Takbo na!” sigaw ng isang tanod sa kaniya dahilan upang kumaripas siya ng takbo palayo.
Hirap na hirap man siyang tumakbo dahil sa lakas ng hangin na tila nais siyang tangayin, ginawa niya ang lahat upang makarating sa evacuation center upang makita ang kaniyang pamilya.
“Patawarin mo ako, Diyos ko, patawarin mo ako sa kaartehan at kawalanghiyaan ko sa magulang ko,” mangiyakngiyak niyang dasal habang sila’y patuloy na tumatakbo ng isang tanod na nakakita sa kaniya.
Sa kabutihang palad, ligtas siyang nakarating sa naturang evacuation center at doon niya nakita ang kaniyang pamilya. Agad siyang niyakap ng kaniyang ina dahilan upang siya’y mapahagulgol dahil sa takot na naramdaman.
Nang siya’y mahimasmasan, binigyan siya nito ng tubig, kainin at itlog. “Ay, ayaw mo nga pala nito,” sambit ng kaniyang ina saka binawi ang platong may itlog.
“Hindi po, gustong-gusto ko ‘yan,” hikbi niya dahilan upang mapangiti ang kaniyang ina.