
Nagtiwala ang Ginang na Ito sa Kagustuhang Magpahatid ng Kaibigan sa Kaniyang Asawa, May Maitim pala Itong Binabalak
“Ah, eh, mars, baka pupwede mo naman akong ipahatid sa asawa mo? Hilong-hilo na kasi ako dahil sa alak, eh,” daing ni Mildred sa kaniyang kaibigan, isang madaling araw nang matapos nilang ipagdiwang ang kaarawan nito.
“Naku, sabi ko naman kasi sa’yo, maghinay-hinay ka! Gusto mo bang dito ka na lang magpalipas ng gabi sa amin?” tanong ni Feliza sa kaibigan saka niya ito inabutan ng bagong timplang kape upang mahimasmasan.
“Huwag na, mars, nakakahiya na! Kayo na ang nagpainom, dito pa ako makikitulog. Ipahatid mo na lang ako ulit sa asawa mo sa bahay ko katulad dati. Bukod sa makakapagpahinga ako nang maayos, walang sagabal dito sa bahay niyo,” sambit nito saka humigop ng bigay niyang inumin.
“Sigurado ka, ha? Baka sumuka ka na naman sa kotse namin at mag-iwan ng damit mo, naku, aakalain ko na namang may babae ang asawa ko!” pabiro niyang tugon dahilan upang mapatawa ang kaibigan.
“Hindi na, mars, pangako, wala akong dalang ibang gamit ngayon, kung hindi ang lipstick ko. Tiyak, hindi ko ito makakalimutan sa kotse nito at pangako, hindi na ako susuka!” sagot nito na ikinatawa niya rin.
“O, sige, saglit, ipahatid na kita sa asawa ko mukhang lasing na lasing ka na talaga,” wika niya saka agad nang tinawag ang kaniyang asawang naglilinis ng pinagsukahan nito sa kanilang sala.
Todo-todo kung magtiwala ang may bahay na si Feliza. Basta’t pinakitaan siya ng isang tao ng kabaitan, agad na siyang mapapalapit dito at labis na niya itong pagkakatiwalaan sa lahat ng bagay. Mapatungkol man sa personal niyang buhay o kahit sa mga personal niyang gamit, agad niya itong pinagkakatiwala sa mga taong kakilala niya.
Ito ang dahilan upang dumami ang kaniyang kaibigan. Kahit saan man siyang magpunta sa kanilang probinsya, hindi maaaring walang tatawag o babati sa kaniya na labis niyang ikinatutuwa.
Ito rin ang dahilan upang ganoon mapamahal sa kaniya ang asawa niyang isa sa mga matatalik niyang kaibigan noon. Katulad niya, puro at mabuti rin ang puso nito dahilan para labis silang magkasundo sa lahat ng bagay. Ang kabaitan nito ang siyang naging rason upang buong puso niya itong pagkatiwalaan.
Noong pagkakataong iyon, pagkatawag niya sa kaniyang asawa, agad na nilang isinakay sa kotse ang wala ng malay niyang kaibigan.
“Sigurado ka bang hindi ka sasama?” tanong ng kaniyang asawa. “Oo, mahal, marami pang lilinisin sa bahay natin, eh, para pagdating mo, tutulog na lang tayo,” tugon niya kaya naman agad na sumang-ayon ang kaniyang asawa at agad na pinaandar ang kanilang sasakyan.
Ngunit, labis siyang nagtaka dahil biglang tumawag ang kaniyang asawa at noong sasagutin niya pa lang, agad na may nawala ang tawag. Noong tinawagan naman niya ito ulit, hindi na niya makontak ang numero nito kaya naman sa labis niyang pag-aalala, agad siyang nagtungo sa bahay ng kaniyang kaibigan.
Pagkarating niya sa bahay nito, nakita niya ang kotse ng kaniyang asawa kaya naman lalo pa siyang nagtaka, “May nangyari kaya kay Mildred?” saka siya pumasok sa bahay nito.
Sa kwarto nito, kitang-kita niya kung paano pilitin ng kaniyang kaibigan ang kaniyang asawang todo tanggi sa nais nitong mangyari. Rinig na rinig niya ang sigaw ng kaniyang asawa, “Mildred, mahiya ka naman, kaibigan mo ang asawa ko, huwag mong gawin ‘to! Akin na ang selpon ko! Lasing ka lang kaya mo naiisip ‘yan!”
“Hindi ako lasing! Matagal na talaga kitang gusto, kaya pakiusap, pagbigyan mo na ako!” tugon nito habang niyayakap-yakap ang kaniyang asawa at dahil hindi na niya matiis ang nakikitang pangyayari, agad siyang pumasok sa naturang silid at sinampal ang naturang kaibigan.
“Kaya pala gustong-gusto mong magpahatid pauwi sa asawa ko palagi dahil lagi kang may maitim na balak sa kaniya na ikasisira namin! Alam mo, pwede ka na maging artista, ang galing mong umarteng lasing, napaniwala mo ako roong, higad ka!” sigaw niya saka agad na hinila palabas ang kaniyang asawa.
Agad siya nitong niyakap at humingi ng tawad sa kaniya pagkasakay sa kanilang sasakyan. Gumanti siya ng yakap at sinabing, “Salamat, mahal, kahit wala ako, ako pa rin ang nasa isip mo. Ngayon, napagtanto kong hindi lahat ng tao, dapat kong pagkatiwalaan dahil kung sino pa ang tinuturing kong kaibigan, siya pa ang may balak na sirain ang tahimik at masaya kong buhay,” dahilan upang lalo siyang yakapin ng kaniyang asawa at halikan sa noo.