Inday TrendingInday Trending
Ginawang Rason ng Ginang ang Bunsong Anak upang Huwag Gumawa ng Gawaing-Bahay, Natauhan Siya Nang Pagsalitaan ng Panganay

Ginawang Rason ng Ginang ang Bunsong Anak upang Huwag Gumawa ng Gawaing-Bahay, Natauhan Siya Nang Pagsalitaan ng Panganay

“Diyos ko naman, Mario! Bakit wala pa tayong pagkain? Alam mo ba kung anong oras na? Alas nuwebe na ng gabi, gutom na gutom na ako!” inis na sigaw ni Anita sa kaniyang asawa, isang gabi nang umuwi siyang maruming plato ng ulam ang tumambad sa kaniya.

“Eh, mahal, hindi ba’t na sa’yo ang perang pambili natin ng pagkain? Kanina ka pa nga namin hinihintay ng panganay natin dahil kumukulo na rin ang sikmura namin,” malumanay na sagot nito saka kinuha sa kaniya ang bunso nilang anak.

“Aba, kasalanan ko pa? Edi sana pinapunta mo ‘yang anak mo roon kila Mareng Badet, andoon lang naman ako, eh!” sagot niya saka padabog na sinipa ang kanilang lamesa.

“Wala nga kami ni pisong pera rito, mahal, nasa bag mo lahat, paano ka mapupuntahan doon, walang pamasahe?” tanong pa nito na lalo niyang ikinagalit.

“Ano bang tanong ‘yan? Edi maglakad! Kung gusto, may paraan! Ayan, magutom tayo pare-parehas ngayon!” bulyaw niya dahilan upang mapaiyak na ang kanilang bunsong anak.

“Mahal, maawa ka naman sa panganay natin, naabutan ko ‘yang naglalaba kanina pag-uwi ko, tinulungan ko na nga, eh, dahil sa rami ng nilalabhan niya,” sambit nito, imbis na sundin ang asawa, inirapan niya lang ito.

“Hayaan mo siya, para masanay!” tugon niya saka tinawag ang anak na nagpapahinga sa kanilang silid, “June! Bumili ka nga ng bigas at sardinas sa tindahan! Lutuin mo na rin! Dalian mo, nagugutom na ako!” sigaw niya sa anak saka niya hinanda ang perang ibibigay dito.

Simula nang makapagsilang sa kaniyang bunsong anak, ginawa na itong rason ng ginang na si Anita upang makaligtas sa mga gawaing bahay. Palagi niyang dinadahilan, napapagod siyang mag-alaga sa bunsong anak dahil bukod sa palagi niya itong bitbit-bitbit kung saan man siya magpunta, pinapasu*so niya pa ito dahilan upang base sa kaniya, maubusan siya ng lakas at manghina.

Pinaniniwalaan naman ito ng kaniyang asawa dahil sa sobra nitong pagmamahal sa kaniya at dahil ito ang nagtatrabaho para sa kanilang buong pamilya, ang kanilang panganay na anak ang siyang sumasalo sa lahat ng responsibilidad.

Mapahugas ng pinggan pagkatapos kumain, paglalaba ng maruming damit, paglilinis ng bahay at kahit pagluluto, sa panganay na anak niya lahat ito pinapagawa.

At sa tuwing may nakakaligtaan itong isang gawing bahay, agad nang aalingawngaw sa kanilang buong bahay ang boses niya. Paliwanagan man siya ng kaniyang asawa na napapagod din ang kanilang anak, hindi niya ito iniintindi.

Noong gabing iyon, makailang tawag na siya sa kaniyang panganay na anak ngunit hindi pa rin ito lumalabas ng silid dahilan upang manggalaiti siya’t agad itong puntahan sa silid habang pinapatahan ng kaniyang asawa ang umiiyak nilang bunsong anak.

Nadatnan niyang mahimbing itong natutulog dahilan upang lalo siyang magalit at ito’y tadyakan.

“Ang sarap ng buhay mo, ano? Sabi ko, bumili ka ng pagkain sa labas at magluto, nagugutom na ako!” bulyaw niya rito dahilan upang ito’y mapasimangot habang bumabangon, “Hoy, huwag mo akong simangot-simangutan d’yan, ha!” sigaw niya pa rito.

“Bakit kasi hindi na lang po ikaw ang bumili at magluto kahit ngayon lang, mama? Alam mo naman pong sandamakmak ang nilabhan kong damit at hinugasang pinggan. Sinasabi mong pagod ka pero kapag niyaya ka ni Aling Badet na tumambay sa kanila, ganadong-ganado ka,” sabi nito na labis niyang ikinagulat.

“Aba, baka nakakalimutan mo kung sino ang kausap mo,” taas kilay niyang sambit dito saka niya ito inambaan ng suntok.

“Nakalimutan ko na talaga, pakiramdam ko kasi, ako na ang nanay sa bahay na ito at ikaw lang ang tagapagpasu*so kay bunso,” sagot nito saka padabog na kinuha ang isang bag sa paanan ng kama at agad na umalis sa naturang silid dahilan upang labis na mag-init ang kaniyang ulo.

Hahampasin niya pa lang sana ito ng nahablot niyang walis tambo, agad na siyang pinigilan ng kaniyang asawa.

“Tama na, mahal, hindi ‘yan ang solusyon para bumalik ang dating pakikitungo sa’yo ng anak natin, ibalik mo rin ang dating pagiging ina mo, sigurado magiging maayos ang lahat,” sambit nito habang binibigay sa kaniya ang nakatulog na nilang bunso saka hinabol ang kanilang anak.

Habang pinagmamasdan ang bunsong anak, naalala niya lahat ng sinabi ng kaniyang panganay na anak. Tumagos ito lahat sa kaniya, sabi niya, “Bakit ko ba ito ginagawa? Bakit inaabuso ko ang kabaitan ng asawa ko at ang katawan ng anak ko?” saka tumulo ang kaniyang luha.

Simula noon, unti-unti niyang binalik ang pagiging responsableng ina. Imbis na manduhan ang asawa’t anak, siya na ang mismong gumagawa ng gawaing bahay sa tuwing tulog ang bunsong anak at dahil dito, unti-unti ring bumalik ang magandang relasyon nila ng kaniyang panganay.

Advertisement